Ang Aklat ng
HOSEA
Panimula
Si Propeta Hosea ay nangaral sa Kaharian ng Israel, pagkatapos ni Propeta Amos, noong panahon ng kaguluhan bago bumagsak ang Samaria noong taóng 721 B.C. Labis niyang ikinabahala ang pagsamba ng mga tao sa mga diyus-diyosan at ang kawalan nila ng pananampalataya sa Diyos. Buong tapang niyang inilarawan ang ganitong kataksilan sa pamamagitan ng paghahambing sa sarili niyang pag-aasawa na nasira dahil sa isang babaing taksil. Kung paanong si Gomer na kanyang kabiyak ay nagtaksil sa kanya, gayundin ang ginawa ng bayan ng Diyos kay Yahweh kaya't hahatulan ang Israel. Gayunman, mananaig din sa huli ang tapat na pag-ibig ng Diyos sa kanyang bayan, at mahihikayat ang mga Israelitang manumbalik at magkakaroong muli ng magandang kaugnayan sa Diyos. Ang pag-ibig na ito ay ipinahahayag sa madamdaming pangungusap sa 11:8:
“Pababayaan ba kita, Efraim?
Ikaw ba'y ibibigay ko sa kaaway, Israel?…
Hindi ito kayang gawin ng puso ko;
kahabagan ko'y nananaig.”
Nilalaman
Ang pag-aasawa at ang pamilya ni Hosea 1:1–3:5
Mga pahayag laban sa Israel 4:1–13:16
Isang pahayag ng pagsisisi at pangako 14:1-9
1
Ang+ aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh kay Hosea, na anak ni Beeri. Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias. Si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari noon ng Israel.
Ang Asawa at mga Anak ni Hosea
Nang unang mangusap si Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya, “Mag-asawa ka ng isang babaing nakikipagtalik sa iba-ibang mga lalaki. Magkaroon ka ng mga anak sa kanya. Sapagkat katulad din ng babaing iyan, ang mga tao sa lupaing ito ay nagtaksil sa akin.”
Napangasawa nga ni Hosea si Gomer na anak ni Diblaim. Di nagtagal, ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. Sinabi+ ni Yahweh kay Hosea, “Jezreel* ang ipapangalan mo sa bata sapagkat paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa maramihang pagpaslang sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng Israel. Sa araw na iyon, wawasakin ko sa libis ng Jezreel ang lakas ng hukbong Israel.”
Naglihing muli si Gomer at isang babae naman ang kanyang naging anak. Sabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siyang Lo-ruhama sapagkat hindi ko na kahahabagan ni patatawarin man ang Israel. Ngunit kahahabagan ko ang sambahayan ni Juda. Ililigtas ko sila, subalit hindi sa pamamagitan ng pana, tabak, digmaan, mga kabayo, ni ng mga mangangabayo man, kundi sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan.”
Nang si Lo-ruhama ay mahiwalay na sa pagpapasuso ng ina, naglihi muli si Gomer at nagsilang ng isang lalaki. At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siyang Lo-ammi, sapagkat ang Israel ay hindi ko na ituturing na aking bayan at hindi na ako ang kanilang Diyos.”
Ang Israel ay Panunumbalikin
10 Gayunma'y+ magiging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga taga-Israel, hindi mabibilang dahil sa sobrang dami. Ngayo'y sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi ko bayan,” ngunit darating ang panahon na sasabihin sa kanila, “Kayo ang mga anak ng Diyos na buháy.”
11 Muling magkakasama ang mga taga-Juda at mga taga-Israel; itatalaga nila ang isang pinuno, at muli silang uunlad at magiging sagana sa kanilang lupain. Ang araw na iyon ay magiging isang dakilang araw sa Jezreel.
+ 1:1 2 Ha. 15:1-7; 2 Cro. 26:1-23; 2 Ha. 15:32-38; 2 Cro. 27:1-8; 2 Ha. 16:1-20; 2 Cro. 28:1-27; 2 Ha. 18:120:21; 2 Cro. 29:132:33; 2 Ha. 14:23-29. + 1:4 2 Ha. 10:11. * 1:4 JEZREEL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “ikinalat ng Diyos (bilang parusa)”. 1:6 LO-RUHAMA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “hindi kahahabagan”. 1:9 LO-AMMI: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “hindi ko bayan”. + 1:10 Ro. 9:26.