11
Ang Mapayapang Kaharian
1 Naputol na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.
2 Mananahan sa kanya ang Espiritu ni Yahweh,
ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
ng mabuting payo at kalakasan,
kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
3 Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
o magpapasya batay sa kanyang narinig.
4 Ngunit hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
5 Maghahari siyang may katarungan,
at mamamahala ng may katapatan.
6 Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero,
mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
8 Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Walang mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
Ang Pagbabalik ng mga Itinapon
10 Sa araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse,
at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan.
11 Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon
upang pauwiin ang mga nalabi sa kanyang bayan na mga bihag sa Asiria, sa Egipto, sa Patros, sa Etiopia, sa Elam,
sa Sinar, sa Hamat at sa mga pulo sa karagatan.
12 Magbibigay siya ng isang palatandaan sa mga bansa,
at titipunin niya ang mga anak nina Israel at Juda na itinapon sa ibang lupain.
Pauuwiin ang mga nangalat na anak ni Juda
mula sa apat na sulok ng daigdig.
13 Mapapawi na ang pagkainggit ng Israel,
at mapuputol na ang pagkamarahas ng Juda.
Hindi na maninibugho ang Israel sa Juda,
at hindi na kakalabanin ng Juda ang Israel.
14 Lulusubin nila ang mga Filisteo sa kanluran
at magkasama nilang sasamsamin ang ari-arian, ang mga bansa sa silangan;
sasakupin nila ang Edom at Moab,
at susundin sila ng mga Ammonita.
15 Tutuyuin ni Yahweh ang Dagat ng Egipto,
at magpapadala siya ng mainit na hangin
upang tuyuin ang Ilog Eufrates.
Ang matitira lang ay pitong maliliit na batis
na tatawiran ng mga tao.
16 At magkakaroon ng isang malapad na daan mula sa Asiria
para sa mga nalabi sa kanyang bayan,
kung paanong ang Israel ay may nadaanan
nang sila'y umalis mula sa Egipto.