23
Ang Pahayag Laban sa Tiro at Sidon
1 Ito ang pahayag tungkol sa Tiro:
Manangis kayo, mga mangangalakal sa Tarsis,
sapagkat ang Tiro na inyong daungan ay wasak na;
wala na kayong mga tahanang matitirhan!
Ito'y inihayag na sa inyo mula sa lupain ng Cyprus.
2 Tumahimik kayo, mga nakatira sa dalampasigan;
kayong mga mangangalakal ng Sidon,
nagpadala kayo ng inyong mga mensahero sa ibayong dagat,
3 upang bilhin at ipagbili ang mga trigo ng Sihor,
ang trigong inani sa kapatagan ng Nilo,
at upang makipagkalakal sa lahat ng bansa.
4 Lunsod ng Sidon, mahiya ka naman!
Isinusuka ka na ng karagatan, sapagkat ganito ang kanyang pahayag:
“Kailanma'y hindi ako nagkaanak;
wala akong pinalaking mga anak na lalaki at babae.”
5 Kapag umabot sa mga Egipcio ang pagkawasak ng Tiro,
sila'y tiyak na magigimbal at mapapahiya.
6 Tumawid kayo sa Tarsis;
manangis kayo mga nakatira sa dalampasigan!
7 Ito ba ang masaya at maingay na lunsod ng Tiro
na natatag noon pang unang panahon?
Ito ba ang lunsod na nagsugo ng mga mamamayan sa ibayong dagat
upang doo'y magtayo ng mga bayan?
8 Sinong nagbalak nito
laban sa maharlikang lunsod ng Tiro,
na kinikilala ang mga dakilang mangangalakal,
at pinaparangalan sa lahat ng bansa?
9 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagplano nito
upang hamakin ang kanilang kataasan
at hiyain ang mga taong dinadakila ng sanlibutan.
10 Kayong mangangalakal ng Tarsis,
sakahin na ninyo ang inyong lupain na tulad ng Nilo,
sapagkat wala nang gagambala sa inyo.
11 Ang parusa ni Yahweh ay abot hanggang sa ibayong dagat
at ibinagsak ang mga kaharian;
iniutos na niyang wasakin ang mga kuta sa Canaan.
12 Ang sabi ni Yahweh,
“Lunsod ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw mo!
Kahit na pumunta ka sa Cyprus ay nanganganib ka pa rin.”
13 Masdan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia,
ang bayang ito ay hindi Asiria,
at ang Tiro ay pinananahanan na ng mga ligaw na hayop.
Pinaligiran siya ng mga tore at mga kuta,
at winasak ang kanyang mga palasyo.
14 Manangis kayo mga mangangalakal ng Tarsis,
sapagkat wasak na ang inyong inaasahan.
15 Pitumpung taon na malilimot ang Tiro,
sintagal ng buhay ng isang hari.
Ngunit pagkatapos ng panahong iyon,
siya'y muling babangon at matutulad sa babaing binabanggit sa awit na ito:
16 “Tugtugin mo ang iyong alpa,
babaing haliparot,
libutin mo ang lunsod;
galingan mo ang pagtugtog sa alpa,
umawit ka ng maraming awitin
upang ikaw ay muling balikan.”
17 Pagkatapos ng pitumpung taon, muling lilingapin ni Yahweh ang lunsod ng Tiro. Manunumbalik ito sa dating pamumuhay at muling ibebenta ang sarili sa lahat ng kaharian sa daigdig.
18 Ang kanilang tutubuin sa hanapbuhay ay hindi na nila iipunin. Sa halip, ito'y ihahandog nila kay Yahweh upang ibili ng pagkain at kasuotan ng mga taong sumasamba sa kanya.