24
Si Haring Joas ng Juda
(2 Ha. 12:1-16)
1 Pitong taóng gulang si Joas nang siya'y maging hari at apatnapung taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Sibias na taga-Beer-seba.
2 Kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ang lahat ng ginawa niya habang nabubuhay ang paring si Joiada.
3 Ikinuha ni Joiada si Joas ng dalawang asawa at nagkaroon siya sa mga ito ng maraming anak na lalaki at babae.
4 Hindi nagtagal, ipinasya ni Joas na ipaayos ang mga sira sa Templo ni Yahweh.
5 Kaya ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita. Iniutos niya sa mga ito: “Libutin ninyo ang mga lunsod ng Juda at pagbayarin ninyo ang mga tao ng buwis para sa taunang pagpapaayos ng Templo ng inyong Diyos. Gawin ninyo ito sa lalong madaling panahon.” Ngunit hindi agad kumilos ang mga Levita.
6 Dahil dito, tinawag ng hari ang pinuno ng mga pari na si Joiada. Sinabi ng hari sa kanya, “Ano ba ang ginagawa mo at hanggang ngayon ay wala pang nalilikom na buwis ang mga Levita mula sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem? Ang buwis na iyan ay ipinag-utos sa Israel ni Moises na lingkod ni Yahweh para sa Toldang Tipanan.”
7 Ang Templo ng Diyos ay pinasok ng mga anak ng masamang babaing si Atalia. Kinuha nila ang lahat ng kayamanan at kasangkapan doon at ginamit pa sa pagsamba kay Baal.
8 Iniutos ng hari na gumawa ng isang kaban at ilagay ito sa may pasukan ng Templo.
9 At ipinahayag niya sa buong Juda at Jerusalem na dalhin ang kanilang buwis para kay Yahweh gaya nang utos ni Moises noong sila'y nasa ilang.
10 Nagalak ang mga tao at ang kanilang mga pinuno, at naghulog sila ng kani-kanilang buwis sa kaban hanggang sa mapuno ito.
11 Dinadala naman ito ng mga Levita sa mga kagawad ng hari at ang laman nito ay kinukuha ng kalihim ng hari at ng kanang-kamay ng pinakapunong pari. Pagkatapos, ibinabalik uli ang kaban sa may pasukan ng Templo. Ganito ang ginagawa nila araw-araw kaya't nakalikom sila ng malaking halaga.
12 Ang nalilikom nilang salapi ay ipinagkakatiwala naman ng hari at ni Joiada sa mga namamahala sa pagpapagawa ng Templo. Umupa sila ng mga kantero, mga karpintero at mga panday ng bakal at ng tanso upang magkumpuni ng mga sira sa Templo.
13 Nagtrabaho nang mabuti ang mga manggagawa. Ibinalik nila sa dating kalagayan ang Templo ng Diyos at pinatibay pa ito.
14 Ibinalik nila sa hari at kay Joiada ang natirang salapi at ipinagpagawa naman ito ng mga kagamitan sa Templo. Gumawa sila ng kasangkapang gamit sa paglilingkod at handog na susunugin, mga lalagyan ng insenso at iba pang mga sisidlang ginto at pilak. Patuloy silang naghahandog ng mga haing susunugin sa Templo ni Yahweh habang nabubuhay pa si Joiada.
Binago ang mga Patakaran ni Joiada
15 Tumanda si Joiada at umabot sa sandaan at tatlumpung taóng gulang bago siya namatay.
16 Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David sapagkat naging mabuti siya sa Israel, sa Diyos at sa Templo nito.
17 Pagkamatay ni Joiada, ang mga pinuno ng Juda ay nagbigay-galang sa hari at sila na ang pinapakinggan ng hari.
18 At pinabayaan nila ang Templo ni Yahweh na Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa halip, sumamba sila sa mga Ashera at sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, nagalit ang Diyos at pinarusahan ang mga taga-Juda at ang mga taga-Jerusalem.
19 Gayunma'y nagsugo si Yahweh ng mga propeta upang ang mga tao'y magbalik-loob sa kanya. Ngunit hindi sila nakinig sa mga ito.
20 Dahil dito, lumukob ang Espiritu ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo siya sa harap ng bayan. Sinabi niya, “Ito ang sinabi ng Diyos: ‘Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Yahweh? Bakit ninyo ipinapahamak ang inyong mga sarili. Sapagkat itinakwil ninyo siya, itinakwil din niya kayo!’ ”
21 Ngunit nagsabwatan ang mga tao laban sa kanya. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias hanggang sa mamatay. Naganap ito sa bulwagan ng Templo ni Yahweh.
22 Kinalimutan ni Haring Joas ang kagandahang-loob sa kanya ni Joiada na ama ni Zacarias. Bago namatay si Zacarias, ganito ang kanyang sinabi, “Makita sana ni Yahweh ang ginagawa ninyong ito at parusahan niya kayo!”
Ang Wakas ng Paghahari ni Joas
23 Nang patapos na ang taóng iyon, si Joas ay sinalakay ng hukbo ng Siria. Pinasok ng mga ito ang Juda at Jerusalem at pinatay ang mga pinuno ng bayan. Lahat ng sinamsam nila'y ipinadala sa hari sa Damasco.
24 Maliit man ang hukbo ng Siria ay nagtagumpay sila laban sa malaking hukbo ng Juda sapagkat itinakwil nito si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan pinarusahan si Joas.
25 Iniwan ng hukbong Siria si Joas na may malubhang sugat. Ngunit pagkaalis nila, nagkaisa ang mga lingkod ng hari na ipaghiganti ang pagkamatay ng anak ng paring si Joiada. Kaya pinatay nila si Joas sa kanyang higaan. Siya'y inilibing nila sa Lunsod ni David ngunit hindi sa libingan ng mga hari.
26 Ang mga kasama sa pagpatay sa kanya ay si Sabad na anak ni Simeat na isang Ammonita at si Jehosabad na anak ni Simrit na isang Moabita.
27 Ang mga kasaysayan tungkol sa kanyang mga anak, mga propesiya laban sa kanya at ang kanyang muling pagtatayo sa Templo ay nakasulat sa Paliwanag sa Aklat ng mga Hari. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Amazias.