40
1 Ito ang salitang dumating kay Jeremias mula kay Yahweh pagkatapos siyang ipinadala mula sa Rama ni Nebuzaradan, na kapitan ng tagapagbantay ng hari. Na kung saan nadala na roon si Jeremias, at kung saan ginapos siya ng mga kadena. Kasama niya ang mga bihag sa Jerusalem at sa Juda na ipapatapon sa Babilonia.
2 Kinuha ng punong tagapagbantay si Jeremias at sinabi sa kaniya, “ Si Yahweh na iyong Diyos ang nag-utos sa kapahamakang ito laban sa lugar na ito.
3 Kaya dinala ito ni Yahweh. Ginawa niya ang kaniyang iniutos, sapagkat kayong mga tao ay nagkasala laban sa kaniya at hindi sumunod sa kaniyang tinig. Kaya nangyari ang bagay na ito sa inyong mga tao.
4 Ngunit tingnan mo ngayon! Pinakawalan kita sa araw na ito mula sa mga kadenang nasa iyong mga kamay. Kung mabuti sa iyong paningin na sumama sa akin sa Babilonia, halika, at aalagaan kita. Ngunit kung hindi mabuti sa iyong paningin ang sumama sa akin sa Babilonia, kung gayon huwag mong gawin. Tumingin ka sa lahat ng lupaing nasa iyong harapan. Pumunta ka kung saan mabuti at tama sa iyong paninging puntahan.”
5 Nang hindi sumagot si Jeremias, sinabi ni Nebuzaradan, “Pumunta ka kay Gedalias na anak ni Ahikam na anak naman ni Safan, na itinalaga ng hari ng Babilonia sa mga lungsod ng Juda. Manatili ka sa kaniya kasama ang mga tao o pumunta ka kung saanman ang mabuti sa iyong paninging puntahan.” Binigyan siya ng pinuno ng mga tagapagbantay ng hari ng pagkain at ng isang kaloob, at pinalaya siya.
6 Kaya pumunta si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahikam, sa Mizpa. Nanatili siya sa kaniya kasama ang mga tao na naiwan sa lupain.
7 Ngayon, narinig ng ilang mga pinuno ng mga kawal ng Juda na nasa kabukiran—sila at ng kanilang mga kalalakihan—na ginawang gobernador ng hari ng Babilonia sa lupain si Gedalias na anak ni Ahikam. Narinig din nila na itinalaga niya siyang mamahala sa mga kalalakihan, kababaihan at sa mga batang pinakamahirap na mga tao sa lupain, ang mga hindi binihag sa Babilonia.
8 Kaya pumunta sila kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga kalalakihang ito ay sina Ismael na anak ni Netanias; Johanan at Jonatan na mga anak ni Karea; Serias anak ni Tanhumet; ang mga anak nlalaki ni Efai na taga-Metofat; at si Jezanias na anak ng taga-Maaca—sila at ng kanilang mga kalalakihan.
9 Si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga kalalakihan, at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga opisyal na mga Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ang hari ng Babilonia, at makakabuti ito sa inyo.
10 At tingnan ninyo, naninirahan ako sa Mizpa upang makipagkita sa mga Caldeo na dumating sa atin. Kaya mag-ani kayo ng mga alak, mga bunga sa tag-araw, at langis at ilagay ninyo sa inyong mga lalagyan. Manirahan kayo sa mga lungsod na inyong tinirahan.”
11 At narinig ng lahat ng mga taga-Juda na nasa Moab, kasama ng mga tao ng Amon, at sa Edom, at sa bawat lupain na pinahintulutang manatili ng hari ng Babilonia ang nalalabi ng Juda, na itinalaga niya sa kanila si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Sapan.
12 Kaya bumalik sa bawat lugar ang lahat ng mga taga-Juda kung saan sila ikinalat. Bumalik sila sa lupain ng Juda, kay Gedalias sa Mizpa. Inaani nila ang alak at mga bunga sa tag-araw sa labis na kasaganaan.
13 Pumunta kay Gedalias sa kabukiran ng Mizpa si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng mga pinuno ng hukbo.
14 Sinabi nila sa kaniya, “Alam mo ba na ipinadala ni Baalis na hari ng mga tao ng Amon si Ismael na anak ni Netania upang patayin ka?” Ngunit hindi naniwala sa kanila si Gedalias na anak ni Ahikam.
15 Kaya nakipag-usap nang palihim si Johanan na anak ni Karea kay Gedalias sa Mizpa at sinabi, “Pahintulutan mo akong pumunta at patayin si Ismael na anak ni Netania. Hindi ako paghihinalaan ng sinuman. Bakit ka niya papatayin? Bakit pinahihintulutan mo na ang lahat ng mga taga Juda na tinipon mo ay maikalat at malipol ang mga nalalabi sa Juda?”
16 Ngunit sinabi ni Gedalias na anak ni Ahikam kay Johanan na anak ni Karea, “Huwag mong gawin ang bagay na ito, sapagkat nagsasabi ka ng mga kasinungalingan tungkol kay Ismael.”