ANG MGA GAWA
ng mga Apostol
Panimula
Ang aklat na ito ay karugtong ng Magandang Balita ayon kay Lucas. Ang pangunahing layunin ng aklat na ito ay ilahad kung paano pinalaganap ng mga unang tagasunod ni Jesus ang Magandang Balita “sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig” (1:8). Ito ang kasaysayan ng pananampalatayang Cristiano na nagsimula sa bansang Judio hanggang sa naging isang pananampalatayang lumaganap sa buong daigdig. Sinikap ding ipakita ng may akda na ang bagong pananampalatayang ito ay hindi isang pampulitikang samahan na naghihimagsik laban sa Imperyong Romano kundi ito ay katuparan ng relihiyon ng mga Judio.
Ang Mga Gawa ng mga Apostol ay nahahati sa tatlong bahagi na naglalarawan ng paglaganap ng Magandang Balita at ng pagtatayo ng iglesya: (1) ang pasimula ng Cristianismo sa Jerusalem pagkatapos umakyat sa langit si Jesus; (2) paglaganap nito sa iba't ibang panig ng Palestina; at (3) patuloy na paglaganap nito sa mga baybayin ng Dagat Mediteraneo hanggang sa lungsod ng Roma.
Ang binibigyang-diin sa aklat ng Mga Gawa ay ang pagkilos ng Espiritu Santo na bumabâ sa mga apostol at sa mga mananampalatayang natitipon sa Jerusalem noong araw ng Pentecostes. Siya'y patuloy na pumapatnubay at nagpapalakas sa iglesya at sa mga pinuno nito sa lahat ng pangyayaring iniuulat dito. Ang buod ng mensahe ng Cristianismo ay napapaloob sa ilang sermon sa aklat na ito. Sa pamamagitan ng mga salaysay na nakatala sa aklat na ito ay ipinapakita ang kapangyarihan ng Magandang Balita sa buhay ng mga mananampalataya at sa pagsasamahan sa iglesya.
Nilalaman
Paghahanda para sa pagpapatotoo 1:1-26
a. Ang huling utos at pangako ni Jesus 1:1-14
b. Ang kapalit ni Judas 1:15-26
Ang pagpapatotoo sa Jerusalem 2:1–8:3
Ang pagpapatotoo sa Judea at Samaria 8:4–12:25
Ang ministeryo ni Pablo 13:1–28:31
a. Ang una niyang paglalakbay sa pangangaral 13:1–14:28
b. Ang pulong sa Jerusalem 15:1-35
c. Ang ikalawa niyang paglalakbay sa pangangaral 15:36–18:22
d. Ang ikatlo niyang paglalakbay sa pangangaral 18:23–21:16
e. Pagkabilanggo ni Pablo sa Jerusalem, Cesarea, at Roma 21:17–28:31
1
Mahal kong Teofilo,
Sa+ aking unang aklat ay isinalaysay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya'y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nag-iwan siya ng mga bilin sa kanyang mga apostol na kanyang hinirang. Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nagpakita siya sa kanila at sa pamamagitan ng maraming katibayan ay pinatunayan niyang siya'y buháy. Nagturo siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Diyos. Samantalang+ siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Si+ Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
Nang magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?”
Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit+ tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”
Pagkasabi+ nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap.
10 Habang sila'y nakatitig sa langit at siya'y iniaakyat, may dalawang lalaking nakaputi na lumitaw sa tabi nila. 11 Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”
Ang Kapalit ni Judas
12 Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lungsod. 13 Pagdating+ sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagsasama-sama upang manalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang mga kapatid ni Jesus.
15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, 16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”
18 Ang+ kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo.
20 Sinabi+ pa ni Pedro,
“Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,
‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan,
at huwag nang tirhan ninuman.’
Nasusulat din,
‘Gampanan ng iba ang kanyang
tungkulin.’
21-22 “Kaya't+ dapat pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit.”
23 Kaya't iminungkahi nila ang dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. 24 Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili 25 upang maglingkod bilang apostol kapalit ni Judas na tumalikod sa kanyang tungkulin nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.”
26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ay idinagdag sa labing-isang apostol.
+ 1:1 Lu. 1:1-4. + 1:4 Lu. 24:49. + 1:5 Mt. 3:11; Mc.1:8; Lu. 3:16; Jn. 1:33. + 1:8 Mt. 28:19; Mc. 16:15; Lu. 24:47-48. + 1:9 Mc. 16:19; Lu. 24:50-51. + 1:13 Mt. 10:2-4; Mc. 3:16-19; Lu. 6:14-16. + 1:18 Mt. 27:3-8. + 1:20 Awit 69:25; Awit 109:8. + 1:21-22 Mt. 3:16; Mc. 1:9; Lu. 3:21; Mc. 16:19; Lu. 24:51.