9
Ang Pagtawag kay Saulo
(Gw. 22:6-16; 26:12-18)
1 Samantala, patuloy ang pagbabanta ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio
2 at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon.
3 Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit.
4 Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?”
5 “Sino kayo, Panginoon?” tanong niya.
“Ako si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya.
6 “Tumayo ka't pumasok sa lungsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”
7 Natigilan at hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita.
8 Tumayo si Saulo at pagmulat niya ay hindi siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya at dinala sa Damasco.
9 Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw at hindi rin siya kumain ni uminom.
10 Sa Damasco ay may isang alagad na ang pangala'y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa pamamagitan ng isang pangitain, “Ananias!”
“Ano po iyon, Panginoon,” tugon niya.
11 Sinabi ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon.
12 [Sa isang pangitain], nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang siya'y makakitang muli.”
13 Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po akong nabalitaan tungkol sa taong ito at sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem.
14 At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.”
15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat siya'y pinili ko upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel.
16 Ipapakita ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”
17 Pumunta nga si Ananias sa naturang bahay at pumasok dito. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Isinugo niya ako upang muli kang makakita at upang mapuspos ka ng Espiritu Santo.”
18 Noon di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo.
19 Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas.
Nangaral si Saulo sa Damasco
Si Saulo'y ilang araw na kasa-kasama ng mga alagad sa Damasco.
20 At agad siyang nangaral sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos.
21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang dating umuusig doon sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito nga siya upang sila'y dakpin at dalhing nakagapos sa mga punong pari?”
22 Ngunit lalong naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo at walang maisagot ang mga Judiong naninirahan sa Damasco sa kanyang pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.
23 Pagkaraan ng maraming araw, nagkaisa ang mga Judio na patayin si Saulo.
24 Araw at gabi ay inaabangan nila si Saulo sa mga pintuang-bayan para patayin, ngunit nalaman niya ito.
25 Kaya't isang gabi, inilagay siya ng kanyang mga alagad sa isang basket at ibinabâ sa kabila ng pader.
Si Saulo sa Jerusalem
26 Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit silang lahat ay takot sa kanya dahil hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad.
27 Subalit dinala siya ni Bernabe sa mga apostol at isinalaysay nito sa kanila kung paano nagpakita at nakipag-usap ang Panginoon kay Saulo nang ito'y nasa daan papunta sa Damasco. Sinabi rin ni Bernabe na buong tapang na nangaral sa Damasco si Saulo sa pangalan ni Jesus.
28 Kaya mula noon, si Saulo'y kasa-kasama na nila sa buong Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon.
29 Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya't tinangka nilang patayin siya.
30 Nalaman ito ng mga kapatid kaya't inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso.
31 Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at matatag. At patuloy silang namuhay na may takot sa Panginoon, at sa tulong ng Espiritu Santo ay lumago sila.
Nagpunta si Pedro sa Lida at sa Joppa
32 Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga hinirang ng Panginoon. Pagdating niya sa Lida,
33 natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay.
34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!”
At agad siyang tumayo.
35 Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at sila'y sumunod sa Panginoon.
36 Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa.
37 Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas.
38 Malapit lang sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay nasa Lida, nagsugo sila ng dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa.
39 Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga damit at mga balabal na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa.
40 Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro.
41 Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga hinirang ng Panginoon at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na.
42 Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon.
43 Maraming araw ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ng isang tagapagbilad ng balat ng hayop na nagngangalang Simon.