Ang Aklat ng
AMOS
Panimula
Si Amos ang unang propeta sa Biblia na ang pahayag ay naitala nang buo. Kahit na siya'y mula sa isang bayan sa Juda, nangaral siya sa Kaharian ng Israel noong kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C. Noo'y panahon ng kasaganaan, at ang mga tao'y relihiyoso at matiwasay ang buhay. Subalit nakita ni Amos na ang mayayaman lamang ang nananagana dahil sa kawalang-katarungan at pang-aapi sa mahihirap. Hindi taos-puso ang pagsasagawa ng mga tuntuning panrelihiyon at ang katiwasayan ay panlabas lamang. Taglay ang malasakit at katapangan, ang propeta ay nagpahayag na paparusahan ng Diyos ang bansang Israel. Nanawagan siya sa kanila na “padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog,” at sinabi pa niyang, “Kamuhian mo ang masama, ibigin ang mabuti. Pairalin mo sa mga hukuman ang katarungan, baka sakaling kahabagan ni Yahweh ang matitirang buháy sa lahi ni Jose” (5:15).
Nilalaman
Paghatol sa mga karatig-bansa ng Israel 1:1–2:5
Paghatol sa Israel 2:6–6:14
Limang pangitain 7:1–9:15
1
Ang+ aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Amos, isang pastol na taga-Tekoa. Ang mga bagay na tungkol sa Israel ay ipinahayag sa kanya ng Diyos dalawang taon bago lumindol. Si Uzias noon ang hari ng Juda, at si Jeroboam namang anak ni Joas ang hari ng Israel.
Sinabi+ ni Amos,
“Dumadagundong mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh,
mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig.
Natutuyo ang mga pastulan,
nalalanta pati ang mga damo sa Bundok Carmel.”
Paghatol sa mga Karatig-bansa ng Israel
Sa Siria
Ganito+ ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Damasco,
kaya sila'y paparusahan ko.
Pinagmalupitan nila ang Gilead,
dinurog nila ito sa giikang bakal.
Susunugin ko ang palasyo ni Hazael,
at tutupukin ko ang mga tanggulan ni Ben-hadad.
Wawasakin ko ang pintuan ng Lunsod ng Damasco;
pupuksain ko ang mga taga libis ng Aven,
pati ang may hawak ng setro sa Beth-eden;
ang mga taga-Siria naman ay dadalhing-bihag sa Kir.”
 
Sa Filistia
Ganito+ ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Gaza,
kaya sila'y paparusahan ko.
Binihag nila ang isang bansa
at ipinagbili sa mga taga-Edom.
Susunugin ko ang mga pader ng Gaza;
tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
Aalisin ko ang mga pinuno ng Asdod,
at ang may hawak ng setro sa Ashkelon.
Hahanapin ko ang Ekron,
at lilipulin ko ang mga Filisteo roon.”
 
Sa Tiro
Ganito+ ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Tiro,
kaya sila'y paparusahan ko.
Ipinagbili nila sa Edom ang libu-libo nilang bihag;
sinisira nila ang kasunduan ng pagkakapatiran.
10 Susunugin ko ang mga pader ng Tiro;
tutupukin ko ang mga palasyo roon.”
 
Sa Edom
11 Ganito+ ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Edom,
kaya sila'y paparusahan ko.
Hinabol nila ng tagâ ang mga kapatid nilang Israelita
at hindi sila naawa kahit bahagya.
Hindi naglubag ang kanilang poot kailanman.
12 Susunugin ko ang Teman,
tutupukin ko naman ang mga tanggulan sa Bozra.”
 
Sa Ammon
13 Ganito+ ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Ammon,
kaya sila'y paparusahan ko.
Sa labis nilang kasakiman sa lupain,
nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead.
14 Susunugin ko ang mga pader sa Rabba;
tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
Magsisigawan sila sa panahon ng labanan;
mag-aalimpuyo ang labanan tulad ng isang bagyo.
15 Mabibihag ang kanilang hari,
gayundin ang kanyang mga tauhan.”
+ 1:1 2 Ha. 15:1-7; 2 Cro. 26:1-23; 2 Ha. 14:23-29. + 1:2 Joel 3:16. + 1:3 Isa. 17:1-3; Jer. 49:23-27; Zac. 9:1. + 1:6 Isa. 14:29-31; Jer. 47:1-7; Eze. 25:15-17; Joel 3:4-8; Zef. 2:4-7; Zac. 9:5-7. + 1:9 Isa. 23:1-18; Eze. 26:128:19; Joel 3:4-8; Zac. 9:1-4; Mt. 11:21-22; Lu. 10:13-14. + 1:11 Isa. 34:5-17; 63:1-6; Jer. 49:7-22; Eze. 25:12-14; 35:1-15; Oba. 1-14; Mal. 1:2-5. + 1:13 Jer. 49:1-6; Eze. 21:28-32; 25:1-7; Zef. 2:8-11.