2
“Tinupad nga ng Panginoon ang babala niya sa amin, sa aming mga hukom, mga hari, mga pinuno, at sa lahat ng taga-Israel at Juda. Wala pang bayang nagdanas ng hirap tulad ng ipinaranas ng Panginoon sa Jerusalem nang isagawa niya ang kanyang ibinabala sa Kautusan ni Moises. Sa tindi ng gutom, kinain ng magulang ang sarili nilang anak. Pinapangalat kami ng Panginoon sa iba't ibang lupain at iba't ibang kaharian sa paligid. Kaya't naging kahiya-hiya ang aming katayuan at hinamak kami ng lahat. Sa halip na ilagay sa mataas na kalagayan, kami'y ibinabâ sapagkat nagkasala kami laban sa Panginoon naming Diyos; hindi namin dininig ang kanyang tinig.
“Matuwid ang Panginoon naming Diyos, ngunit kami at ang aming mga ninuno ay sadlak pa rin sa kahihiyan hanggang ngayon. Nangyari sa amin ang lahat ng kahirapang ibinabala ng Panginoon. Gayunman, hindi pa rin kami nanumbalik sa kanya, ni tumigil sa aming kasamaan. 9-10 Binantayan kami ng matindi ng Panginoon. Ibinigay niya sa amin ang kanyang mga utos, ngunit hindi namin siya dininig. Hanggang sa inilapat na niya sa amin ang parusang ito sapagkat siya ay makatarungan.”
Ang Pagdaing na Iligtas
11 “Kayo po, Panginoon, ang Diyos ng Israel. Sa pamamagitan ng makapangyarihang mga gawa at kababalaghan ay inilabas ninyo kami sa Egipto. Ipinakita ninyo ang inyong lakas kaya't nakilala kayo ng mga bansa hanggang sa ngayon. 12 Nagkasala po kami, Panginoon naming Diyos. Nagtaksil kami sa inyo at nilabag namin ang lahat ng inyong mga utos. 13 Ilayo po ninyo sa amin ang inyong poot sapagkat iilan na lang kaming natitira dito sa mga bansang pinagtapunan ninyo sa amin. 14 Panginoon, dinggin ninyo ang aming dalangin alang-alang na rin sa inyong kapurihan. Loobin ninyong kami'y kalugdan ng mga bumihag sa amin. 15 Sa gayon, malalaman ng buong mundo na kayo ang Panginoon naming Diyos, at ang Israel ay itinalaga ninyo upang maging sariling bayan ninyo.
16 “Tunghayan ninyo kami mula sa inyong trono at dinggin ang aming dalangin. 17 Lingapin ninyo kami. Ang mga patay na nasa Hades ay hindi na makakapagpuri sa inyo o makakapagpahayag ng inyong katarungan. 18 Kami po lamang na mga buháy ang siyang makakaawit ng papuri sa inyo at makakapagbunyi ng inyong katarungan, bagama't kami ay baon sa hirap, lupaypay, mahina, at pinanlalabuan ng paningin dahil sa gutom. 19 “Panginoon naming Diyos, dumudulog kami sa inyong trono ng awa, hindi dahil sa anumang kabutihang nagawa ng aming mga ninuno o mga hari. 20 Pinaparusahan ninyo kami ayon sa ibinabala ninyo sa pamamagitan ng inyong mga propeta nang sabihin nila, 21 ‘Sinasabi+ ng Panginoon: Sumuko kayo at maglingkod sa hari ng Babilonia at pananatilihin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. 22 Kapag hindi kayo sumunod sa salita ko at hindi naglingkod sa hari ng Babilonia, 23 papatigilin ko ang lahat ng pagdiriwang at kasayahan sa mga lunsod ng Juda at sa Jerusalem. Pati ang pagdiriwang ng mga kasalan ay di na maririnig sa buong lupain. Ito ay masasalanta at hindi na titirhan ninuman.’
24 “Ngunit+ hindi namin sinunod ang inyong utos. Hindi kami naglingkod sa hari ng Babilonia. Kaya naman, tinotoo ninyo ang inyong ipinasabi sa mga propeta na inyong lingkod, na huhukayin at ikakalat ang kalansay ng aming mga hari at mga ninuno. 25 Gayon nga ang nangyari. Ang kalansay nila'y nakalantad sa init ng araw at lamig ng gabi. Namatay sila dahil sa matinding gutom, digmaan, at salot. 26 Dahil sa kasalanan ng Israel at Juda ay hinayaan ninyong mawasak ang inyong banal na templo, at nanatiling wasak hanggang sa panahong ito.
27 “Gayunman, Panginoon naming Diyos, pinagpasensyahan ninyo kami't kinahabagan 28 tulad+ ng ipinangako ninyo kay Moises na inyong lingkod noong ipasulat ninyo sa kanya sa harap ng bayang Israel ang inyong mga utos. Sinabi ninyo noon, 29 ‘Kapag hindi kayo sumunod sa aking mga utos, mauubos kayo at itatapon sa lahat ng dako. 30 Alam kong hindi ninyo ako susundin sapagkat matigas ang inyong ulo. Ngunit sa lupaing katatapunan ninyo ay makapag-iisip-isip kayo 31 at makikilala ninyo na ako nga ang Panginoon ninyong Diyos. Bibigyan ko kayo ng isipang makakaunawa at pusong masunurin. 32 Pupurihin ninyo ako sa lupaing pinagtapunan sa inyo at aalalahanin ang aking pangalan. 33 Magbabago na kayo at titigilan ang inyong kasamaan, sapagkat maaalala ninyo kung ano ang sinapit ng inyong mga ninuno nang sila'y magkasala sa akin. 34 Kung magkagayon, ibabalik ko kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Mapapabalik sa inyo ang lupaing iyon, pararamihin ko kayo at hindi na mababawasan ang inyong bilang. 35 Gagawa+ ako ng walang hanggang kasunduan sa inyo. Ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ay magiging bayan ko. Hindi ko na aalisin ang aking bayan sa lupaing ibinigay ko sa kanila.’
+ 2:21 Jer. 7:34; 27:10-12. + 2:24 Jer. 8:1-2. + 2:28 Deut. 28:58, 62. + 2:35 Jer. 32:38-40.