4
1 Ang Karunungan ang siyang aklat ng mga utos ng Diyos,
ang batas na mananatili magpakailanman.
Ang manghawak dito'y mabubuhay
at ang tumalikod ay mamamatay.
2 O bayang Israel, tanggapin ninyo ang Karunungan
at lumakad kayo sa kanyang liwanag.
3 Huwag ninyong ibigay sa ibang lahi
ang inyong karangalan at mga karapatan.
4 Mapalad tayo, mga Israelita,
sapagkat alam natin kung ano ang nakalulugod sa Diyos.
Kaaliwan para sa Jerusalem
5 Lakasan ninyo ang inyong loob, mga kababayan,
kayong mga nalabi sa bayang Israel.
6 Ipinagbili kayo sa mga dayuhan,
hindi upang lipulin.
Ipinasakop kayo sa iba
sapagkat ginalit ninyo ang Diyos.
7 Nang maghandog kayo sa mga demonyo sa halip na sa kanya,
nilait ninyo ang sa inyo'y lumikha.
8 Kinalimutan ninyo ang Diyos na walang hanggan na sa inyo'y nag-alaga sa pasimula,
at dinulutan ng pighati ang Jerusalem na sa inyo'y nag-aruga.
9 Nakita ng Jerusalem ang parusa ng Diyos sa inyo
at kanyang sinabi,
Mga karatig-bayan ko,
ako'y pinararanas ng Diyos ng matinding hirap.
10 Ang mga mamamayan ko'y ipinabihag
ng walang hanggang Diyos sa kanilang mga kaaway.
11 Maligaya ko silang pinalaki,
ngunit nanangis ako sa pagdadalamhati nang sila'y kunin sa akin.
12 Huwag sanang ikagalak ninuman ang aking kasawian.
Naiwan akong nangungulila at balo;
dahil sa pagkakasala ng aking mga mamamayan.
Tinalikuran nila ang Kautusan ng Diyos at ako'y naging isang bayang wasak at tiwangwang.
13 Hindi nila pinahalagahan ang kanyang mga utos.
Hindi nila tinunton ang kanyang mga landas.
14 Mga karatig-bayan ko, tingnan ninyo at alalahanin
ang sinapit ng aking mga mamamayan.
Sila'y ipinabihag ng Diyos na walang hanggan.
15 Tinawag niya ang isang malayong bansa,
walang-habag at iba ang wika,
walang paggalang sa matatanda
at hindi marunong maawa sa mga bata.
16 Binihag nila ang mga anak ko,
at ako'y naiwang nangungulila.
17 “Mga anak, hindi ko kayo matutulungan.
18 Ang nagpadala sa inyo ng kahirapang ito,
ang tanging makapagliligtas sa inyo.
19 Lumakad na kayo, mga anak,
at iwan ninyo akong nag-iisa.
20 Hinubad ko na ang balabal ng katiwasayan
at nagsuot ako ng damit-panluksa.
Mananalangin ako sa Diyos na walang hanggan habang ako'y nabubuhay.
21 “Lakasan ninyo ang inyong loob, mga anak.
Tumawag kayo sa Diyos at ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.
22 Nagtitiwala ako na ililigtas kayo ng Diyos na walang hanggan.
Nakadarama na ako ng malaking kaaliwan,
dahil sa nakikita kong pagkahabag sa inyo ng Banal na Diyos,
ang inyong walang hanggang Tagapagligtas.
23 Lumuha ako at nanangis nang kayo'y dinalang-bihag,
ngunit muli akong liligaya kapag kayo'y ibinalik na sa akin ng Diyos.
24 Nakita ng mga karatig-bayan ko nang kayo'y bihagin,
ngunit hindi na magtatagal at makikita nilang dumarating ang Diyos na walang hanggan,
na puspos ng kaluwalhatian upang kayo'y iligtas.
25 Mga anak, tiisin ninyo ang pagdidisiplina sa inyo ng Diyos.
Nabihag kayo ngayon ng inyong mga kaaway,
ngunit darating ang araw na makikita ninyo ang kanilang pagbagsak
at tatapakan ninyo sila sa leeg.
26 Mga anak kong inaruga, naglakbay kayo sa baku-bakong landas.
Para kayong kawan na sinamsam ng kaaway.
27 “Lakasan ninyo ang inyong loob, mga anak, tumawag kayo sa Diyos.
Aalalahanin kayo ng nagtakda sa inyo na maranasan ang ganitong kalagayan.
28 Noon, kayo ay lumayo sa kanya.
Ngayon nama'y magbalik-loob kayo at maglingkod sa kanya nang buong pagsisikap.
29 Ang Diyos na nagpadala sa inyo ng kahirapang ito
ang siya ring magkakaloob sa inyo ng ligayang walang katapusan kapag kayo'y iniligtas na niya.”
Pangakong Pagliligtas sa Jerusalem
30 Tibayan mo ang iyong loob, Jerusalem,
aaliwin ka ng Diyos na sa iyo'y nagbigay ng pangalan.
31 Kawawa ang mga nagpahirap sa iyo
at ang natuwa sa iyong pagbagsak.
32 Kawawa ang mga lunsod na umalipin sa iyong mga anak;
kawawa ang lunsod na bumihag sa iyong mga anak.
33 Kung nagdiwang siya noong ika'y bumagsak at mawasak,
ngayo'y mananangis naman siya sa daranasin niyang kapahamakan.
34 Pupuksain ko ang marami niyang tauhan na labis niyang ipinagmamayabang,
ang pagmamalaki niya'y mauuwi sa panaghoy.
35 Ako ang Diyos na walang hanggan, pauulanan ko siya ng apoy.
Masusunog siya sa loob ng maraming araw hanggang sa matupok nang tuluyan,
at siya ay paninirahan ng mga demonyo sa loob ng mahabang panahon.
36 Jerusalem, tumingin ka sa silangan,
at tingnan mo ang kagalakang dulot sa iyo ng Diyos.
37 Narito't dumarating na ang mga anak mong itinapon.
Nagkakatipon sila ayon sa tawag ng Kabanal-banalang Diyos.
Dumarating sila mula sa silangan at sa kanluran
na nagpupuri sa kanyang kaluwalhatian.