13
Ang Pag-ibig
Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. Kung+ ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin,* ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.
11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
+ 13:2 Mt. 17:20; 21:21; Mc. 11:23. * 13:3 upang sunugin: Sa ibang manuskrito'y upang ako'y makapagyabang.