15
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
1 Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya.
2 Naliligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; maliban na lamang kung walang kabuluhan ang inyong pagsampalataya.
3 Sapagkat ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan;
4 inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan;
5 at siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa.
6 Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan.
7 At nagpakita rin siya kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol.
8 Sa kahuli-huliha'y nagpakita rin siya sa akin, kahit na ako'y tulad ng isang batang ipinanganak nang wala sa panahon.
9 Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos.
10 Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin.
11 Kaya't maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay?
13 Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo.
14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya.
15 Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay.
16 Kung hindi muling binubuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo.
17 At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y nananatili pa sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya.
18 Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng mga namatay na sumampalataya kay Cristo ay napahamak.
19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
20 Ngunit sa katunayan si Cristo'y muling binuhay at ito'y katibayan na muli ngang bubuhayin ang mga patay.
21 Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao.
22 Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo.
23 Ngunit ang bawat isa'y may kanya-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya.
24 At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan.
25 Sapagkat si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway.
26 Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan.
27 Ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo.
28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ng Anak, ipapailalim naman siya sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, ang Diyos ay mangingibabaw sa lahat.
29 Kung hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila?
30 At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras?
31 Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, [mga kapatid!] Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon!
32 Kung ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”
33 Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao.”
34 Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.
Ang Uri ng Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?”
36 Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay.
37 At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi.
38 Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.
39 At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda.
40 May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit.
41 Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang ningning ng mga bituin, at maging ang mga bituin ay magkakaiba ang ningning.
42 Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang inilibing ay mabubulok, ngunit hindi mabubulok kailanman ang muling binuhay;
43 walang karangalan at mahina nang ilibing, marangal at malakas sa muling pagkabuhay;
44 inilibing na katawang pisikal, muling mabubuhay bilang katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding katawang espirituwal.
45 Ganito ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay espiritung nagbibigay-buhay.
46 Ngunit hindi nauna ang espirituwal; ang pisikal muna bago ang espirituwal.
47 Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit.
48 Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit.
49 Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.
50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang nasisira ay hindi maaaring magmana ng hindi nasisira.
51 Isang hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin,
52 sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat.
53 Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay.
54 Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!”
55 “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”
56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.
57 Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!
58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.