5
Parusa sa Gumagawa ng Kahalayan
1 Nakarating nga sa akin ang balitang mayroong kabilang sa inyo na gumagawa ng imoralidad; kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit mga pagano ay hindi gumagawa ng ganyang kahalayan!
2 At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag!
3 Kahit wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya't parang nariyan na rin ako. Ang gumagawa niyan ay hinatulan ko na
4 sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Kapag kayo'y nagtipun-tipon, at ang espiritu ko ay nariyan, sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus,
5 ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang masira man ang kanyang katawan, maliligtas naman ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon.
6 Hindi kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa”?
7 Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, ang kasalanan, upang kayo'y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang pampaalsa, at talaga namang ganyan kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo.
8 Kaya't ipagdiwang natin ang Paskwa, hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa na kasamaan at kahalayan, subalit sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kalinisan at katapatan.
9 Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid.
10 Hindi ang mga di-mananampalatayang nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito para sila'y maiwasan.
11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao.
12-13 Wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Ngunit hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesya? Sabi nga sa kasulatan, “Itiwalag ninyo ang masamang tao.”