Ang Ikalawang Sulat ni Pablo sa
MGA TAGA-CORINTO
Panimula
Ang Ikalawang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Corinto ay isinulat noong panahong may suliranin ang apostol at ang ilang kaanib ng iglesya sa Corinto. May ilang tao sa iglesyang ito na tumutuligsa kay Pablo, subalit ipinadarama niya ang maalab na hangaring makipagkasundo sa kanila, at ipinapahayag rin niya na malulubos ang kanyang kagalakan kung ito'y mangyari.
Sa unang bahagi ng sulat, tinatalakay ni Pablo ang kanyang kaugnayan sa iglesya sa Corinto. Ipinapaliwanag niya kung bakit mabigat ang kanyang tugon sa paghamak at pagsalungat ng iglesya, at inilahad niya ang kanyang katuwaan sa ibinunga nitong pagsisisi at pagkakasundo. Pagkatapos, nanawagan siya sa iglesya na magbigay ng saganang tulong para sa naghihirap na mga kapatid sa Judea. Sa mga huling kabanata, ipinagtanggol niya ang kanyang pagiging apostol sa ilang taga-Corinto na nagsasabing sila ang tunay na mga apostol at hindi si Pablo.
Nilalaman
Panimula 1:1-11
Si Pablo at ang iglesya sa Corinto 1:12–7:16
Ang tulong sa mga kapatid sa Judea 8:1–9:15
Pagtatanggol ni Pablo sa kanyang karapatan bilang isang apostol 10:1–13:10
Pagwawakas 13:11-13
1
1 Mula kay Pablo na isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, kasama ang kapatid nating si Timoteo—
Para sa iglesya ng Diyos sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya.
2 Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat ni Pablo
3 Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kahabagan at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan.
4 Inaaliw niya kami sa aming mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay maaliw naman namin sa mga nahahapis.
5 Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo.
6 Kung naghihirap man kami, ito'y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin.
7 Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan.
8 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami.
9 Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay.
10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas
11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.
Nagbago ng Balak si Pablo
12 Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa kagandahang-loob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao.
13 Ang isinulat namin sa inyo ay iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan.
14 Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong maipagmamalaki namin kayo.
15 Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang dalawang ulit kayong pagpalain.
16 Binalak kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea.
17 Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala?
18 Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang aming salita sa inyo ay “Oo” kung “Oo” at “Hindi” kung “Hindi”.
19 Ang Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,”
20 sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos.
21 Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin.
22 Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako.
23 Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko.
24 Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo.