6
1 Yamang kami'y magkakasama sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang kagandahang-loob na ibinibigay sa inyo ng Diyos.
2 Sapagkat sinasabi niya,
“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”
Ngayon na ang kaukulang panahon! Ito na ang araw ng pagliligtas!
3 Iniwasan naming makagawa ng anumang makakahadlang kaninuman upang hindi mapulaan ang aming paglilingkod.
4 Sa halip, sa lahat ng paraan sinisikap naming ipakita ang aming katapatan bilang mga lingkod ng Diyos. Kami'y matiyagang nagtiis sa lahat ng uri ng kahirapan, kapighatian at mga kagipitan.
5 Kami'y hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan namin ang magtrabaho nang labis, mapuyat at magutom.
6 Namuhay kami nang malinis, may kaalaman, pagtitiis, kabutihan, patnubay ng Espiritu Santo, tunay na pag-ibig,
7 tapat na pananalita, at kapangyarihan ng Diyos. Ang pagiging matuwid ang siya naming sandatang panlaban at panangga.
8 Naranasan naming maparangalan at ipahiya, ang laitin at papurihan. Kami'y itinuring na sinungaling, gayong totoo naman ang aming sinasabi;
9 hindi kinikilala, gayong kami'y kinikilala ng marami; itinuturing na patay na, ngunit buháy naman; pinaparusahan kami, subalit hindi pinapatay.
10 Ang tingin sa amin ay nalulungkot, gayong kami'y laging nagagalak; mga dukha, ngunit marami kaming pinapayaman; mga walang-wala, ngunit sagana sa lahat ng bagay.
11 Mga taga-Corinto, tapatan ang pagsasalita namin sa inyo. Binuksan namin ang aming puso sa inyo.
12 Hindi namin isinara ang aming puso sa inyo; kayo ang nagsara ng inyong puso sa amin.
13 Kinakausap ko kayo bilang mga anak, buksan naman ninyo sa amin ang inyong puso, tulad ng ginagawa namin sa inyo.
Ang Pakikisama sa mga Di-sumasampalataya
14 Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman?
15 Maaari bang magkasundo si Cristo at ang Diyablo? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di- sumasampalataya?
16 O di kaya'y ng templo ng Diyos sa diyus-diyosan? Hindi ba't tayo ang templo ng Diyos na buháy? Siya na rin ang maysabi,
“Mananahan ako
at mamumuhay sa piling nila.
Ako ang magiging Diyos nila,
at sila'y magiging bayan ko.
17 Kaya't lumayo kayo sa kanila,
humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon.
“Iwasan ninyo ang anumang marumi,
at tatanggapin ko kayo.
18 Ako ang magiging ama ninyo,
at kayo'y magiging mga anak ko,”
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.