6
Si Daniel sa Kulungan ng mga Leon
Si Haring Dario ay pumili ng isandaa't dalawampung pinuno ng mga rehiyon sa buong kaharian. Pumili rin siya ng tatlong mamamahala sa mga pinuno ng rehiyon at mangangalaga sa kapakanan ng hari, at isa rito si Daniel. Si Daniel ang naging pangunahin sa tatlong tagapamahala at sa mga pinuno ng mga rehiyon dahil sa pambihira niyang karunungan. Dahil dito, inisip ng hari na siya ang gawing tagapamahala sa buong kaharian. Kaya, ang dalawang kasama niyang tagapamahala at ang mga pinuno ng mga rehiyon ay humanap ng maibibintang kay Daniel upang huwag matuloy ang magandang balak ng hari para sa kanya. Ngunit wala silang makitang dahilan sapagkat laging matapat si Daniel sa kanyang tungkulin. Kaya't sinabi nila, “Wala tayong maibibintang sa kanya maliban sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”
Nagkaisa silang humarap sa hari. Sinabi nila, “Mabuhay ang Haring Dario! Kami pong mga tagapamahala ng kaharian, mga pinuno ng mga rehiyon, at mga tagapayo ay nagkakaisa ng palagay. Mabuti po'y ipag-utos ninyong sa loob ng tatlumpung araw ay walang sasamba o mananalangin sa ibang diyos o tao liban sa inyo. Sinumang hindi susunod sa utos na ito ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon. Kaya, mahal na hari, magpalabas po kayo ng gayong kautusan at inyong lagdaan upang maging batas ng Media at Persia—batas na hindi mababago ni mapapawalang bisa.” At gayon nga ang ginawa ni Haring Dario.
10 Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian. 11 Ngunit binabantayan pala siya ng kanyang mga kaaway. Nang makita siyang nananalangin, 12 siya'y kanilang isinumbong sa hari at sinabing, “Hindi po ba't pinagtibay ninyo ang isang kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa sinumang diyos o tao liban sa inyo at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sinumang lumabag dito?”
Sumagot ang hari, “Ang kautusan ng Media at Persia ay hindi mababago ni mapapawalang bisa.”
13 Sinabi nila, “Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda ay lumabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.”
14 Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel. 15 Nang magkaroon muli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, “Alalahanin ninyo, mahal na hari, na batas sa Media at Persia na hindi maaaring baguhin ang alinmang kautusan na pinagtibay ng hari.”
16 Dahil+ dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.” 17 Ang bunganga ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga tagapamahala para hindi mabuksan ng sinuman. 18 Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Ngunit magdamag itong hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw rin niyang paaliw.
19 Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon. 20 Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na lingkod ng Diyos na buháy! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?”
21 Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang hari! 22 Wala+ pong nangyari sa akin sapagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na isinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito sapagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagawang masama laban sa inyo.”
23 Dahil dito, labis na nagalak ang hari at iniutos na iahon si Daniel mula sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon na, wala silang nakita kahit man lang bahagyang galos sa katawan ni Daniel sapagkat nagtiwala siya sa kanyang Diyos. 24 Ang mga nagbintang kay Daniel ay ipinahulog ng hari sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon.
25 Pagkatapos, sinulatan ni Haring Dario ang lahat ng tao sa bawat bansa at wika sa buong daigdig. Isinasaad sa sulat: “Sumainyo ang kapayapaan! 26 Iniuutos ko sa lahat ng aking mga nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel.
“Sapagkat siya ang Diyos na buháy,
at mananatili magpakailanman.
Hindi mawawasak ang kanyang kaharian,
at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan.
27 Siya ay sumasaklolo at nagliligtas;
gumagawa siya ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa.
Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”
28 At naging matagumpay si Daniel sa panahon ni Haring Dario at sa panahon ni Haring Ciro ng Persia.
+ 6:16 Dan. 14:31-42. + 6:22 Tob. 4:17; 12:14-15.