9
Ang Panalangin ni Daniel para sa Kanyang mga Kababayan
Noon ay unang taon ng paghahari ni Dario sa Babilonia. Siya ay anak ni Xerxes at buhat sa lahing Medo. Akong+ si Daniel ay nagbabasa ng mga aklat upang alamin ang kahulugan ng pitumpung taóng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias.
Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo. Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos at inihingi ko ng kapatawaran ang mga kasalanan ng aking mga kababayan. Ganito ang sinabi ko:
“O Panginoon, dakila at Kamangha-manghang Diyos na laging tapat sa kasunduan at tunay na nagmamahal sa mga umiibig sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. Nagkasala po kami at nagpakasama. Naghimagsik po kami at sumuway sa inyong mga tuntunin at utos. Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na binigyan ninyo ng kapangyarihang magpahayag sa aming mga hari, pinuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon,+ lagi po kayong nasa katuwiran at kami hanggang ngayo'y nasa kahihiyan, gayundin po ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, pati ang mga ipinatapon ninyo sa iba't ibang dako dahil sa kanilang kataksilan. Kami po, O Yahweh, ang aming mga hari, pinuno at magulang ay nahihiya sapagkat nagkasala kami sa inyo. Panginoon naming Diyos, kayo po ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming paghihimagsik 10 at pagsuway sa mga utos na ibinigay ninyo sa amin na inyong mga alipin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang+ buong Israel ay nagkasala sa inyo, sumuway sa inyong kautusan at hindi nakinig sa inyong tinig. Dahil dito, ibinuhos ninyo sa amin ang mga sumpa na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod ninyong si Moises. 12 Tinupad ninyo ang inyong sinabi sa amin at sa aming mga pinuno na kami'y inyong paparusahan dahil sa aming pagkakasala; sapagkat sa buong daigdig ay wala pang nangyaring tulad ng dinanas ng Jerusalem. 13 Tulad ng nasusulat sa Kautusan ni Moises, naranasan namin ang kapahamakang ito. Gayunman, Yahweh, aming Diyos, wala kaming ginawa upang maglubag ang inyong kalooban. Hindi rin namin tinalikuran ang aming kasamaan ni kinilala ang katotohanang inyong ipinapahayag. 14 Kaya, pinarusahan ninyo kami dahil sa aming pagsuway sapagkat kayo, O Yahweh na aming Diyos ay matuwid sa lahat ng inyong gawa. 15 Panginoon+ naming Diyos, ipinakilala ninyo ang inyong kapangyarihan mula nang ilabas ninyo ang inyong bayan mula sa lupain ng Egipto hanggang ngayon. Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa inyo. 16 Kaya nga, O Panginoon, alang-alang sa inyong mabuting gawa, huwag na po kayong mapoot sa Jerusalem na inyong lunsod, ang inyong banal na bundok. Dahil sa kasamaan namin at ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang inyong bayan ay hinahamak ng mga bansang nakapaligid sa amin. 17 Dahil+ dito, O aming Diyos, pakinggan po ninyo ang pakiusap at daing ng inyong alipin at alang-alang sa inyo O Diyos, kahabagan po ninyo ang inyong Templong nawasak. 18 O+ Diyos ko, pakinggan po ninyo kami. Masdan ninyo ang masaklap naming kalagayan at ang pagkawasak ng lunsod na nagtataglay ng inyong pangalan. Lumalapit po kami sa inyo hindi dahil sa kami'y matuwid kundi dahil sa kayo'y mahabagin. 19 Dinggin po ninyo kami, O Panginoon; patawarin po ninyo kami, O Panginoon; kahabagan po ninyo kami, O Panginoon. Alang-alang sa inyo, aking Diyos, huwag na po kayong mag-atubili, yamang ang inyong lunsod at ang inyong sambayanan ay nakatatag sa ibabaw ng inyong kapangyarihan.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pahayag
20 Habang ako'y nananalangin at ipinapahayag ko ang aking kasalanan at ang kasalanan ng bayan kong Israel, nakikiusap ako Yahweh, aking Diyos, alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos, 21 ang+ anghel na si Gabriel, na nakita ko sa aking unang pangitain, ay mabilis na lumipad palapit sa akin sa oras ng paghahandog sa gabi. 22 Sinabi niya, “Daniel, naparito ako para bigyan ka ng karunungan at pang-unawa. 23 Sa simula pa lamang ng iyong pakikiusap ay tinugon ka na ng Diyos. Labis ka niyang minamahal. Naparito ako para sabihin sa iyo ang kanyang tugon, kaya makinig ka upang maunawaan mo ang pangitain.
24 “Pitumpung linggo* ang panahong palugit sa iyong sambayanan at sa banal na lunsod upang tigilan ang pagsuway, wakasan ang kasamaan, at pagbayaran ang kasalanan. Pagkatapos, maghahari na ang walang hanggang katarungan, magaganap ang kahulugan ng pangitain at ang pahayag; itatalaga na rin ang Kabanal-banalan. 25 Unawain mo ito: Mula sa pagbibigay ng utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas ang pitong linggo. Muling itatayo ang Jerusalem, ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu't dalawang linggo; ito ay panahon rin ng kaguluhan. 26 Pagkalipas ng animnapu't dalawang linggo,§ papatayin ang hinirang ng Diyos. Ang lunsod at ang templo ay wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari. Ang wakas ay darating na parang baha at magkakaroon ng digmaan at pagkawasak na itinakda ng Diyos. 27 Ang+ haring ito'y gagawa ng isang matibay na kasunduan sa maraming tao sa loob ng isang linggo.* Pagkaraan ng kalahating linggo, papatigilin niya ang paghahandog. Ilalagay niya sa itaas ng Templo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. Mananatili ito roon hanggang sa wakasan ng Diyos ang naglagay nito.”
+ 9:2 Jer. 25:11; 29:10. + 9:7 Bar. 1:15-17. + 9:11 Bar. 1:19-23. + 9:15 Bar. 2:11-13. + 9:17 Bar. 2:14. + 9:18 Bar. 2:19. + 9:21 Lu. 1:19, 26. * 9:24 Pitumpung linggo: o kaya'y Pitumpung panahon; ang bawat panahon ay tumatagal ng pitong taon. 9:25 pitong linggo: o kaya'y pitong panahon; ang bawat panahon ay tumatagal ng pitong taon. 9:25 animnapu't dalawang linggo: o kaya'y animnapu't dalawang panahon; ang bawat panahon ay tumatagal ng pitong taon. § 9:26 animnapu't dalawang linggo: o kaya'y animnapu't dalawang panahon; ang bawat panahon ay tumatagal ng pitong taon. + 9:27 Dan. 11:31; 12:11; 1 Mcb. 1:44-50, 54; Mt. 24:15; Mc. 13:14. * 9:27 isang linggo: o kaya'y isang panahon na tumatagal ng pitong taon. 9:27 linggo: o kaya'y panahon na tumatagal ng pitong taon.