12
Ang Tanging Lugar ng Pagsamba
1 “Ito ang mga tuntunin na kailangan ninyong sundin sa buong panahon ng inyong paninirahan sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
2 Gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng pagsamba ng mga tao roon sa kanilang mga diyus-diyosan: sa itaas ng mga bundok, sa mga burol, at sa lilim ng mga punongkahoy.
3 Gibain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, sunugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, durugin ang kanilang mga diyus-diyosan, at alisin sa lugar na iyon ang anumang bakas nila.
4 “At sa pagsamba ninyo sa Diyos ninyong si Yahweh, huwag kayong tutulad sa kanila na sumasamba sa kanilang mga diyus-diyosan kahit saan maibigan.
5 Sa halip, hanapin ninyo ang lugar na pipiliin ni Yahweh sa lupain ng isa sa inyong mga lipi; doon lamang niya ipahahayag ang kanyang pangalan at iyon ang ituturing niyang tahanan.
6 Doon ninyo siya sasambahin at doon iaalay ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog tulad ng ikasampung bahagi, handog mula sa inyong ani, pangakong handog, kusang handog, ang mga unang bunga ng pananim, at ang panganay na anak ng inyong mga alagang hayop.
7 Doon din kayo magsasalu-salo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos bilang pasasalamat sa mga pagpapala niya sa inyo.
8 “Hindi na ninyo magagawa roon ang ginagawa ninyo rito ngayon. Nagagawa ninyo ngayon ang anumang magustuhan ninyo,
9 sapagkat wala pa kayo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.
10 Ngunit pagkatawid ninyo ng Jordan, kapag kayo'y nasa lupaing inyong pupuntahan, nalipol na ninyo ang inyong mga kaaway, at panatag na ang inyong pamumuhay, iba na ang inyong gagawin.
11 Ialay ninyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog, tulad ng ikapu, handog mula sa inyong mga ani, at mga pangakong handog.
12 Magdiwang kayo sa harapan ni Yahweh, kasama ang inyong mga anak at mga alipin. Isama rin ninyo ang mga Levita, sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain.
13 Ngunit huwag na huwag kayong magsusunog ng handog kahit saan ninyo maibigan.
14 Doon lamang ninyo iaalay ang mga handog na susunugin at gagawin ang lahat ng iniuutos ko sa inyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh mula sa lupain ng isa sa inyong mga lipi.
15 “Kahit saan ay maaari kayong magpatay ng hayop at maaaring kumain ng karne nito hanggang gusto ninyo, katulad ng pagkain ng usa. Maaaring kumain nito pati ang mga itinuturing na marumi.
16 Ngunit huwag ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa.
17 Hindi rin ninyo maaaring kainin sa inyong mga tirahan ang mga ito: ang ikasampung bahagi ng inyong mga ani, alak at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang pangakong handog, kusang handog, at iba pang handog.
18 Ang mga ito ay maaari lamang ninyong kainin sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh, sa lugar na pipiliin niya. Maaari ninyong makasalo ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita bilang pagdiriwang dahil sa pagpapala sa inyo ni Yahweh.
19 Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang kayo'y nasa inyong lupain.
20 “Kapag napalawak na ni Yahweh ang lupaing nasasakop ninyo at ibig na ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo.
21 Kung kayo'y malayo sa lugar ng pagsamba na pinili niya, maaari ninyong patayin ang isa sa inyong mga hayop,
22 at kainin tulad ng pagkain ng usa. Lahat ay maaari nang kumain, maging ang taong itinuturing na malinis o marumi.
23 Ngunit huwag ninyong kakainin ang dugo sapagkat nasa dugo ang buhay; ang sangkap ng buhay ay hindi dapat kainin.
24 Huwag na huwag ninyong kakainin ang dugo, sa halip ay patuluin ito sa lupa.
25 Huwag ninyong kakainin iyon; magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh.
26 Ang lahat ng handog na dapat ninyong ibigay at ang inyong pangakong handog ay dadalhin ninyo sa lugar na pipiliin niya.
27 Ang inyong mga handog na susunugin, laman at dugo, ay ihahain ninyo sa altar niya. Ibubuhos ninyo sa altar ang dugo, at ang laman ay maaari ninyong kainin.
28 Sundin ninyong mabuti ang mga tagubilin ko sa inyo at magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak sa habang panahon, sapagkat ang pagsunod na ito'y tama at katanggap-tanggap kay Yahweh na inyong Diyos.
Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
29 “Kapag napalayas na ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tao sa lupaing iyon at kayo na ang nakatira roon,
30 huwag ninyong tutularan ang kasuklam-suklam nilang gawain. Huwag na ninyong alamin pa kung paano sila sumamba sa mga diyos nila, baka gayahin pa ninyo ang mga iyon.
31 Huwag ninyong gagawin kay Yahweh ang karumal-dumal na gawain nila sa pagsamba sa kanilang diyus-diyosan gaya ng pagsusunog ng kanilang anak bilang handog.
32 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan.