17
1 “Huwag kayong maghahandog ng baka o tupang may kapintasan o kapansanan sapagkat kasuklam-suklam iyon kay Yahweh na inyong Diyos.
2 “Sinuman sa inyo ang matuklasang gumagawa ng masama laban kay Yahweh na inyong Diyos at sumisira sa ating kasunduan kay Yahweh,
3 naglilingkod at sumasamba sa mga diyus-diyosan, sa araw, sa buwan o sa mga bituin
4-5 ay siyasatin ninyong mabuti. Kapag ang sumbong o ang bintang na iyon ay napatunayan, ang nagkasala ay dadalhin sa pintuang bayan, at babatuhin hanggang mamatay.
6 Ang hatol na kamatayan ay igagawad kung may dalawa o tatlong saksi na nagpapatotoo; hindi sapat ang patotoo ng isang saksi.
7 Ang mga saksi ang unang babato sa nagkasala, saka ang taong-bayan. Sa ganitong paraan ay aalisin ninyo sa inyong sambayanan ang kasamaang tulad nito.
8 “Kung sa lugar ninyo ay may mabigat na usapin at hindi ninyo kayang lutasin, tulad ng patayan, pang-aapi o pananakit, pumunta kayo sa lugar na pinili ni Yahweh.
9 Iharap ninyo ito sa mga paring Levita o hukom na nanunungkulan sa panahong iyon, at sila ang hahatol.
10 Tanggapin ninyo ang anumang ihatol nila sa inyo at sunding lahat ang kanilang tagubilin.
11 Kung ano ang sabihin nila, siya ninyong gawin; huwag kayong lalabag sa anumang pasya nila.
12 Papatayin ang sinumang hindi susunod sa katuruan ng pari o sa hatol ng hukom. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaan sa inyong sambayanan.
13 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng gayunding kasamaan.
Ang Paglalagay ng Hari
14 “Kapag kayo'y naroon na at naninirahan nang maayos sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh, makakaisip kayong magkaroon ng hari, tulad ng mga bansa sa paligid ninyo.
15 Maaari kayong maglagay ng hari, ngunit ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan.
16 Ang gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagkat ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon.
17 Hindi siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari.
18 Kapag siya'y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga paring Levita.
19 Ito ay para sa kanya at babasahin niya araw-araw upang magkaroon siya ng takot kay Yahweh na kanyang Diyos at upang buong puso niyang masunod ang mga kautusan at mga tuntunin ni Yahweh,
20 upang hindi siya magmalaki sa kanyang mga kababayan, at upang hindi siya lilihis sa mga tuntuning ito. Kung magkagayon, siya at ang kanyang mga anak ay maghahari nang matagal sa Israel.