2
1 Tulad ng utos sa akin ni Yahweh, nagbalik tayo sa ilang, tungo sa Dagat na Pula. Matagal din tayong naglakbay sa kaburulan ng Seir.
2 “Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh,
3 ‘Matagal na rin kayong nagpapaikut-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, lumakad na kayo papuntang hilaga.
4 Dadaan kayo sa Seir, ang lupain ng mga kamag-anak ninyo, ang lahi ni Esau. Takot sila sa inyo ngunit mag-ingat pa rin kayo.
5 Huwag ninyo silang kakalabanin sapagkat kapiraso man ng lupain nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na sa lahi ni Esau ang kaburulan ng Seir.
6 Bibilhin ninyo ang pagkain at inuming kukunin ninyo sa kanila.’
7 “Pinagpala kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong ginawa, at hindi niya kayo hiniwalayan sa inyong paglalakbay sa ilang. Sa loob ng apatnapung taon, hindi kayo nagkulang sa anumang bagay.
8 “Kaya dumaan lamang tayo sa kanilang lupain at nagpatuloy sa paglalakbay palayo sa Araba, Elat at Ezion-geber. At tayo ay napunta sa ilang ng Moab.
9 “At sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag rin ninyong guguluhin o sasalakayin ang mga Moabita sapagkat kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo. Ang lupain ng Ar ay ibinigay ko na sa lahi ni Lot.’ ”
(
10 Ang dating nakatira roon ay ang mga Emita. Marami sila at malalaki ring tulad ng mga higante.
11 Tulad ng mga higante, kilala rin sila sa tawag na Refaim, ngunit Emita ang tawag sa kanila ng mga Moabita.
12 Dati, nakatira rin sa Seir ang mga taga-Hor, ngunit pinuksa sila ng mga anak ni Esau, at sila ang nanirahan roon, tulad ng ginawa ng mga Israelita sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.)
13 “ ‘Ngayon nga'y magpatuloy kayo; tumawid kayo sa batis ng Zared.’ At ganoon nga ang ginawa natin.
14 Tatlumpu't walong taon ang nakalipas mula nang umalis tayo sa Kades-barnea hanggang sa pagtawid natin sa Zared. Tulad ng isinumpa ni Yahweh, walang natira sa mga mandirigma ng salinlahing iyon.
15 Patuloy silang nilabanan ni Yahweh hanggang malipol silang lahat.
16 “Nang wala na ngang natitira sa mga mandirigma ng lahing iyon,
17 sinabi sa akin ni Yahweh,
18 ‘Ngayon ay tumawid kayo sa Ar, sa hangganan ng Moab.
19 Pagdaan ninyo sa lupain ng mga anak ni Ammon, huwag ninyo silang guguluhin o didigmain sapagkat kapiraso man ng lupa nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na iyon sa mga anak ni Lot.’ ”
(
20 Ang lupaing iyon ay dating sakop ng mga Refaim, na ang tawag ng mga Ammonita ay Zamzumim.
21 Marami rin sila at malalaking tulad ng mga higante. Ngunit pinuksa sila ni Yahweh; kaya't itinaboy sila ng mga Ammonita upang ang mga ito ang tumira roon.
22 Gayundin ang ginawa ni Yahweh sa lahi ni Esau nang ang mga ito'y magpunta sa Seir; itinaboy niya ang mga taga-Hor at ang lahi ni Esau ang nanirahan roon.
23 Ang mga taga-Awim naman sa Gaza ay itinaboy ng mga taga-Caftor at sila ang tumira roon.)
24 “At doon ay sinabi ni Yahweh, ‘Magpatuloy kayo; tumawid kayo sa Ilog Arnon. Mabibihag ninyo si Sihon, ang hari ng mga Amoreo sa Hesbon, at masasakop ninyo ang kanyang lupain. Kaya't simulan na ninyo ang pagsakop sa lupain niya.
25 Dahil sa gagawin ko ay matatakot sa inyo ang lahat ng bansa sa daigdig. Mabanggit lamang kayo'y manginginig na sila sa takot.’
Nalupig ng Israel si Haring Sihon
(Bil. 21:21-30)
26 “At mula sa ilang ng Kedemot, nagpadala ako ng sugo kay Haring Sihon na taga-Hesbon upang mag-alok ng kapayapaan:
27 ‘Makikiraan kami sa iyong lupain. Hindi kami lilihis ng daan.
28 Babayaran namin ang aming kakainin at iinumin. Kung maaari'y paraanin mo lang kami
29 tulad ng ginawa ng mga anak ni Esau sa Seir at ng mga Moabita sa Ar. Makikiraan lamang kami para makarating sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa amin ni Yahweh, na aming Diyos.’
30 “Ngunit hindi niya ito pinahintulutan. Siya'y pinagmatigas ni Yahweh para matalo natin at makuha ang kanyang lupain na hanggang ngayon ay sakop natin.
31 “At sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ito na ang simula ng pagbagsak ng kaharian ni Haring Sihon sa inyong mga kamay; sakupin na ninyo ang kanyang lupain.’
32 Sinalakay tayo ni Sihon at ng lahat ng kanyang mga tauhan sa Jahaz.
33 Ngunit siya at ang kanyang mga tauhan ay natalo natin sa tulong ni Yahweh.
34 Nasakop natin ang kanyang mga lunsod; giniba natin ang mga ito at walang itinirang buháy isa man sa mga tagaroon.
35 Ang kanilang mga hayop at ari-arian ay sinamsam natin.
36 Walang lunsod na hindi natin napasok, mula sa Aroer hanggang Gilead; lahat ay nasakop natin sa tulong ni Yahweh.
37 Ngunit hindi natin ginalaw ang lupain ng lahi ni Ammon, ang baybayin ng Ilog Jabok, at ang kaburulan, sapagkat iyon ang kabilin-bilinan ni Yahweh na ating Diyos.