26
Ang mga Tuntunin tungkol sa Unang Bunga at Ikasampung Bahagi ng mga Ani
“Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, kumuha+ kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’
“Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:
‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’
“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. 11 Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo.
12 “Sa+ ikatlong taon, ibubukod ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani upang ibigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila, at sa mga balo upang sila'y may makain. Kapag nagawa na ito, 13 sasabihin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos, ‘Naibukod ko na po ang bahaging nakalaan sa inyo, at naibigay ko na sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at balo, ayon sa utos ninyo sa akin. Hindi ko nilabag o kinaligtaan isa man sa inyong utos. 14 Hindi ko binawasan ang ikasampung bahagi kahit sa panahon ng kahirapan. Hindi ko ito inilabas sa aking bahay nang ako'y marumi. Hindi ko rin iniatang sa mga patay ang bahagi nito. Dininig ko ang inyong tinig, Yahweh, aking Diyos. Sinunod kong lahat ang iniutos ninyo sa amin. 15 Kaya nga, tingnan ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit at pagpalain ninyo ang bayang Israel pati na ang lupaing ibinigay ninyo sa amin ayon sa pangako ninyo sa aming mga ninuno, ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.’
Bayang Nakalaan kay Yahweh
16 “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso't kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo ngayon na si Yahweh ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at papakinggan ang kanyang tinig. 18 Ipinahayag+ naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayang hinirang, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. 19 Pagpapalain niya kayo higit sa lahat ng bansang kanyang itinatag. Kayo ang bansang nakalaan sa kanya. At tulad ng kanyang pangako, kayo ay tatanggap ng papuri, katanyagan at karangalan.”
+ 26:2 Exo. 23:19. + 26:12 Deut. 14:28-29. + 26:18 Exo. 19:5; Deut. 4:20; 7:6; 14:2; Tito 2:14; 1 Ped. 2:9.