31
Si Josue ang Kahalili ni Moises
1 Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita.
2 Ang sabi niya, “Sandaa't dalawampung taon na ako ngayon at hindi ko na kayo kayang pamunuan. Bukod dito, sinabi sa akin ni Yahweh na hindi ako maaaring tumawid sa Jordan.
3 Ang Diyos ninyong si Yahweh mismo ang mangunguna sa inyo. Pupuksain niya ang mga bansang daraanan ninyo upang mapasainyo ang lupain nila. Si Josue ang inyong magiging pinuno gaya ng sinabi ni Yahweh.
4 Ang mga bansang iyon ay lilipulin ni Yahweh tulad ng ginawa niya sa mga haring Amoreo na sina Sihon at Og, at sa kani-kanilang kaharian.
5 Sila'y ipapabihag ni Yahweh sa inyo at gagawin naman ninyo sa kanila ang sinabi ko sa inyo.
6 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.”
7 Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng sambayanan ng Israel ay sinabi ang ganito: “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mangunguna sa bayang ito sa pagsakop sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa kanilang mga ninuno.
8 Si Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
Dapat Basahin ang Kautusan Tuwing Ikapitong Taon
9 Isinulat ni Moises ang mga utos at ibinigay ito sa mga paring tagadala ng Kaban ng Tipan, at sa matatandang namumuno sa bayan.
10 Sinabi niya, “Sa Pista ng mga Tolda tuwing katapusan ng ikapitong taon na siyang taon ng pagpapatawad ng utang,
11 basahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa lugar na pipiliin ni Yahweh upang doo'y sambahin siya.
12 Tipunin ninyong lahat ang mga lalaki, babae, bata, pati ang mga dayuhang kasama ninyo upang marinig nila ang kautusang ito. Sa ganoon, matututo silang matakot sa Diyos ninyong si Yahweh at sumunod sa kanyang mga utos.
13 Pati ang inyong mga anak na hindi pa nakaaalam nito ay magkakaroon ng takot kay Yahweh habang sila'y nabubuhay sa lupaing titirhan ninyo sa ibayo ng Jordan.”
Ang Huling Tagubilin ni Yahweh kay Moises
14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila.
15 Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan.
16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nalalapit na ang iyong kamatayan. Kapag nangyari na ito, ang Israel ay magpapakasama at maglilingkod sa mga diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan nila. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan.
17 Kung magkaganoon, magagalit ako sa kanila. Itatakwil ko sila't tatalikuran, at sila'y madaling mabibihag ng kaaway. Daranas sila ng mga kaguluhan at kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito'y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama.
18 “Pababayaan ko sila dahil sa kasamaang ginawa nila, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan.
19 Kaya nga, isulat mo ang awiting ito at ituro sa bansang Israel upang maging tagapagpaalala sa kanila.
20 Kapag nadala ko na sila sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, tulad ng aking pangako sa kanilang mga ninuno, mamumuhay na sila nang sagana at tiwasay. Ngunit sasamba sila at maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan.
21 Kung dumating na sa kanila ang matinding kahirapan at kaguluhan, ang awit na ito ang siyang susumbat sa kanila sapagkat matatanim ito sa isipan ng magiging lahi nila. Hindi ko pa sila nadadala sa lugar na ibibigay ko sa kanila ay alam ko na ang kanilang binabalak.”
22 Nang araw ring iyon, sinulat niya ang isang awit at itinuro ito sa mga Israelita.
23 Itinalaga ni Yahweh si Josue na anak ni Nun. Sinabi niya, “Magpakatatag at lakasan mo ang loob mo sapagkat ikaw ang mangunguna sa Israel sa pagpunta nila sa lupaing ipinangako ko sa kanila. Hindi kita pababayaan.”
24 Matapos isulat ni Moises sa isang aklat ang buong kautusan,
25 sinabi niya sa mga pari,
26 “Dalhin ninyo ang aklat na ito at itabi sa Kaban ng Tipan upang maging babala sa inyo.
27 Alam kong kayo'y mapaghimagsik at matigas ang ulo. Kung ngayong buháy pa ako ay lagi kayong naghihimagsik kay Yahweh, lalo na kung patay na ako.
28 Pupulungin ko ang inyong matatanda at ang inyong mga pinuno. Ipapaliwanag ko sa kanila ang mga bagay na ito, at gagawin kong saksi ang langit at lupa laban sa kanila.
29 Sapagkat natitiyak kong kayo'y magpapakasama pagkamatay ko, lilihis kayo sa daang itinuro ko sa inyo. Darating ang araw na magagalit sa inyo si Yahweh dahil gagawin ninyo ang pinakaaayawan niya.”
Ang Awit ni Moises
30 Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita: