33
Binasbasan ni Moises ang mga Lipi ng Israel
1 Ito ang mga pagpapalang binigkas ni Moises na lingkod ng Diyos, bago siya namatay.
2 “Dumating si Yahweh mula sa Bundok Sinai.
Sumikat sa Edom na parang araw,
at sa bayan niya'y nagpakita sa Bundok Paran.
Sampung libong anghel ang kanyang kasama,
nagliliyab na apoy ang nasa kanang kamay niya.
3 Minamahal ni Yahweh ang kanyang bayan
at iniingatan ang kanyang hinirang.
Kaya't yumuyukod kami sa kanyang paanan,
at sinusunod ang kanyang kautusan.
4 Binigyan kami ni Moises ng kautusan,
na siyang yaman ng aming bayan.
5 Naging hari si Yahweh ng Israel na kanyang bayang hirang,
nang ang mga pinuno ng mga lipi nito ay nagkakabuklod.
6 “Ang lipi ni Ruben sana'y manatili,
kahit ang bilang niya'y kakaunti.”
7 Tungkol kay Juda ay ganito ang sinabi:
“Dinggin mo, Yahweh, ang daing nitong Juda,
ibalik mo siya sa piling ng kanyang bayan,
at tulungan siya sa pakikipaglaban.”
8 Tungkol kay Levi ay kanyang sinabi:
“Ang Tumim ay kay Levi, ang Urim ay sa tapat mong alipin;
sa kanya na iyong sinubok sa Masah at sa may tubig ng Meriba.
9 Higit ka niyang pinahalagahan kaysa kanyang mga magulang,
pati anak at kapatid ay hindi isinaalang-alang.
Upang masunod lang ang iyong kautusan,
at maging tapat sa iyong kasunduan.
10 Kaya't siya ang magtuturo sa Israel ng iyong kautusan,
siya ang magsusunog ng insenso at mga alay sa altar.
11 Palakasin mo nawa, Yahweh, ang kanyang angkan,
paglilingkod niya'y iyong pahalagahan.
Durugin mong lahat ang kanyang kaaway,
upang di na makabangon kailanman.”
12 Tungkol naman kay Benjamin, ganito ang sinabi:
“Mahal ka ni Yahweh at iniingatan,
sa buong maghapon ika'y binabantayan,
at sa kanyang mga balikat ika'y mananahan.”
13 Tungkol kay Jose ay sinabi:
“Pagpalain nawa ni Yahweh ang kanilang lupain,
sa hamog at ulan ay palaging diligin,
at tubig mula sa lupa ay pabukalin.
14 Magkaroon nawa siya ng mga bungang hinog araw-araw,
at mga pagkaing inani sa kapanahunan.
15 Mapupuno ng prutas maging matandang kabundukan.
16 Ang lupain niya'y sasagana sa lahat ng kabutihan,
mula kay Yahweh na nagsalita mula sa nag-aapoy na halaman.
Tamasahin nawa ng lipi ni Jose ang mga pagpapalang ito,
sapagkat sa ibang lipi'y siya ang namuno.
17 Ang panganay niya ay magiging makapangyarihan;
parang lakas ng toro ang kanyang taglay.
Ang mga bansa'y sama-samang itataboy hanggang dulo ng daigdig.
Ganyan ang kapangyarihan ng laksa-laksang kawal ni Efraim,
sa ganyan matutulad libu-libong kawal ni Manases.”
18 Tungkol kina Zebulun at Isacar ay sinabi:
“Magtagumpay nawa si Zebulun sa pangangalakal sa karagatan,
at sa bayan ni Isacar ay dumami ang kayamanan.
19 Ang ibang mga bansa ay dadalo
sa paghahandog ninyo doon sa bundok,
pagkat ang yaman nila'y buhat sa dagat
at sa buhanginan sa baybay nito.”
20 Tungkol kay Gad ay sinabi:
“Purihin ang Diyos na nagpalawak ng lupain ni Gad.
Si Gad ay parang leon na nag-aabang
at handang sumakmal ng leeg o kamay.
21 Pinili nila ang pinakamainam na lupain,
lupaing nababagay sa isang pangunahin.
Sumama siya sa mga pinuno ng Israel
upang mga utos ni Yahweh ay kanilang tuparin.”
22 Tungkol kay Dan ay sinabi:
“Isang batang leon ang katulad ni Dan,
na palukso-lukso mula sa Bashan.”
23 Tungkol kay Neftali ay sinabi:
“Lubos na pinagpala ni Yahweh itong si Neftali,
mula sa lawa hanggang timog ang kanilang kaparte.”
24 Tungkol kay Asher ay sinabi:
“Higit na pinagpala kaysa ibang lipi itong si Asher,
kagiliwan sana siya ng mga anak ni Israel.
Sumagana sa langis olibo ang kanyang lupain.
25 Bakal at tanso sana ang pintuan ng iyong mga bayan.
Maging mahaba at matatag nawa ang iyong pamumuhay.”
26 Ang iyong Diyos, O Israel, ay walang kagaya,
mula sa langit dumarating upang tulungan ka.
27 Sa mula't mula pa'y ang Diyos na ang inyong tanggulan,
walang hanggan niyang bisig ang inyong kanlungan.
Mga kaaway ninyo'y kanyang ipinagtabuyan,
at inutusan kayong sila'y lipuling lubusan.
28 Kaya ang bayang Israel ay nanirahang tiwasay,
sa lupaing sagana sa lahat ng bagay,
at laging dinidilig ng hamog sa kalangitan.
29 Bansang Israel, ikaw ay mapalad!
Walang bansa na iyong katulad,
pagkat si Yahweh ang sa iyo'y nagligtas.
Siya ang kalasag ng iyong kaligtasan,
at tabak ng iyong tagumpay.
Magmamakaawa ang iyong mga kaaway,
ngunit sila'y iyong tatapakan.