ANG MANGANGARAL
Panimula
Ang aklat ng Mangangaral ay naglalaman ng mga kaisipan ng isang lalaking nagbubulay-bulay sa kaiklian ng buhay ng tao. Tinatalakay rin dito ang salungatan ng buhay, kawalan ng katarungan at ang pagkabigo. Nagwawakas ito sa pagsasabing “ang buhay ay walang kabuluhan.” Hindi niya maunawaan ang mga paraan ng Diyos na may hawak sa buhay ng tao. Gayunman, pinapayuhan niya ang mga tao na magtrabahong mabuti subalit magsaya rin dahil sa mga kaloob ng Diyos.
Karamihan sa iniisip ng Mangangaral ay negatibo at may diwang malungkot. Subalit ipinapakita sa aklat na ito na ang pananampalatayang batay sa Biblia ay higit na malawak at maaaring tingnan ang kawalan ng pag-asa at pag-aalinlangan bilang bahagi nito. Gayunpaman, marami ang nakadarama ng kaaliwan pagkat nasasalamin nila sa aklat na ito ang kanilang sarili. Natutuklasan nila na ang Bibliang bumabanggit ng mga isipang ito ay nagbibigay rin ng pag-asa mula sa Diyos na nagkakaloob ng kahulugan ng buhay.
Nilalaman
May kabuluhan ba ang buhay? 1:1–2:26
Mga kasabihan patungkol sa buhay 3:1–11:8
Mga panghuling payo para sa mga kabataan 11:9–12:8
Ang tunay na layunin ng buhay 12:9-14
1
Walang Kabuluhan ang Lahat
Ito ang mga katuruan ng Mangangaral, ang anak ni David na hari ng Israel.
“Napakawalang kabuluhan!* Napakawalang kabuluhan; lahat ay walang kabuluhan,” sabi ng Mangangaral. Nagpapakapagod ka nang husto sa pagtatrabaho sa mundong ito.
Ngunit para saan ba ang mga pagpapagod na ito? Patuloy+ ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, buong araw na paikut-ikot. Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit hindi ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon; walang bagong pangyayari sa mundong ito. 10 Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito'y bago.” Ngunit naganap na iyon noong di pa tayo tao. 11 Hindi na maalala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.
Ang Karanasan ng Mangangaral
12 Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel. 13 Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa buong mundo. At nakita kong ang tao'y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap. 14 Nakita kong ang lahat ng gawa ng tao sa mundong ito ay walang kabuluhan;§ ito'y tulad lang ng paghahabol sa hangin. 15 Hindi na maitutuwid ang baluktot at hindi na maibibilang ang wala.
16 Sinabi+ ko sa aking sarili, “Ang karunungan ko'y higit sa sinundan kong mga hari ng Jerusalem. Alam ko kung ano ang tunay na karunungan at kaalaman.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng katalinuhan at ng kabaliwan. Ngunit napatunayan kong ito rin ay tulad lang ng paghahabol sa hangin. 18 Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian.
* 1:2 Napakawalang kabuluhan: o kaya'y Napakalaking palaisipan. 1:2 Napakawalang kabuluhan: o kaya'y Napakalaking palaisipan. 1:2 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan. + 1:4 Ecc. 14:18. § 1:14 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan. + 1:16 1 Ha. 4:29-31; Ecc. 47:14-18.