2
Naging Reyna si Ester
[1] Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Naalala niya si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito. [2] “Bakit di kayo magpahanap ng mga magagandang dalagang may ginintuang kalooban, Kamahalan?” tanong sa kanya ng kanyang mga lingkod. [3] “Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa Lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila. [4] Ang sinumang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang panukalang ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa.
[5] Noon ay may isang Judio na nakatira sa Lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia. Siya'y si Mordecai na anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. Si Mordecai ay mula sa lipi ni Benjamin. [6] Isa+ siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. [7] Si Mordecai ay may pinsang dalaga na ulilang lubos at siya ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester na anak ng tiyo ni Mordecai na si Aminadab. Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak.* Napakaganda at kabigha-bighani si Ester. [8] Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem. [9] Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, binigyan din siya ng pitong piling katulong na mula sa palasyo upang paglingkuran siya. Halatang kakaiba ang turing ni Hegai kay Ester at sa mga katulong niya.
10 [10] Subalit hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai. 11 [11] Araw-araw namang nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester.
12 [12] Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. 13 [13] Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari. 14 [14] Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa harem nito na pinapamahalaan ng eunukong si Hegai. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakakabalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito.
15 [15] Dumating ang araw ng pagharap ni Ester sa hari. Lahat ng bagay na sinabi ni Hegai ay sinunod niya. Nabighani naman ang lahat ng nakakita sa kanya. 16 [16] Noon ay ikalabindalawang buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Haring Xerxes. 17 [17] Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae. Kaya, kinoronahan siya nito bilang reyna. 18 [18] Nagdaos ng isang malaking handaan ang hari upang ipagdiwang ang kanilang kasal ni Ester at inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga pinuno at mga kaibigan. Kaugnay nito, ipinag-utos din ng hari na bawasan ang buwis ng mga mamamayan sa buong kaharian.
Iniligtas ni Mordecai ang Hari
19 [19] Samantala, si Mordecai naman ay naitalaga sa isang mataas na katungkulan sa pamahalaan. 20 [20] Hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin ipinapaalam ni Ester ang lahi o bansang pinagmulan niya, sapagkat iyon ang bilin ni Mordecai. Sinusunod niya si Mordecai simula pa ng kanyang pagkabata. Patuloy rin niyang sinasamba ang Diyos at sinusunod ang kautusan; hindi niya tinatalikdan ang kanyang pagiging Judio.
21 [21] Dahil itinaas sa tungkulin si Mordecai, nagalit sa hari ang dalawang eunukong bantay-pinto na sina Gabata at Tara. Kaya't binalak nilang patayin ang hari. 22 [22] Nang mapag-alaman ito ni Mordecai, sinabi niya ito kay Reyna Ester at pinabatid naman niya ito sa hari. 23 [23] Ipinasiyasat ito ng hari at napatunayang totoo, kaya ipinabigti niya sina Gabata at Tara. Samantala, bilang parangal kay Mordecai, ang pangyayaring ito'y isinulat sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.
+ 2:6 2 Ha. 24:10-16; 2 Cro. 36:10. * 2:7 itinuring na parang tunay na anak: Sa ibang manuskrito'y pinalaki upang maging asawa nito. 2:18 Iniligtas ni Mordecai ang Hari: Karugtong ito (bagaman may kaunting pagbabago sa anyo) ng salaysay na matatagpuan sa A:12-15.