Ang Aklat ng
EZEKIEL
Panimula
Si Propeta Ezekiel ay nabuhay sa panahon ng pagkakadalang-bihag sa Babilonia, bago at matapos bumagsak ang Jerusalem noong 586 B.C. Ang kanyang mensahe ay para sa mga itinapon sa Babilonia at sa mga naiwan sa Jerusalem. May anim na pangunahing bahagi ang aklat na ito: 1) Ang pagkatawag ng Diyos kay Ezekiel. 2) Mga babala tungkol sa kahatulan ng Diyos at sa darating na pagkawasak ng Jerusalem. 3) Mga pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang hatol sa mga bansang umapi at nagligaw sa kanyang bayan. 4) Pag-aliw para sa Israel matapos bumagsak ang Jerusalem, at pangako ng isang mas maningning na hinaharap. 5) Ang pahayag laban sa Gog. 6) Paglalarawan ni Ezekiel sa muling itatayong Templo at bansa.
Sa aklat na ito, si Ezekiel, na tinatawag ni Yahweh bilang “anak ng tao”, ay may matibay na pananampalataya at malawak na imahinasyon. Karamihan sa kanyang mga kaisipan ay dumating bilang mga pangitain, at inilahad niya ang karamihan sa kanyang mga mensahe sa pamamagitan ng mga sagisag. Binigyan niya ng diin ang pagbabago ng puso at espiritu, at ang pananagutan ng tao sa kanyang mga kasalanan. Ipinahayag din niya ang kanyang pag-asa sa pagbabagong-buhay ng bansa. Bilang pari at propeta, mayroon siyang tanging malasakit sa Templo at sa pananatili ng kabanalan.
Nilalaman
Ang pagkatawag kay Ezekiel 1:1–3:27
Mga pahayag ng kapahamakan sa Jerusalem 4:1–24:27
Ang kahatulan ng Diyos sa mga bansa 25:1–32:32
Ang pangako ng Diyos sa kanyang bayan 33:1–37:28
Ang hula laban sa Gog 38:1–39:29
Isang pangitain tungkol sa templo at lupain sa hinaharap 40:1–48:35
1
Ang Pangitain tungkol sa Kaluwalhatian ng Diyos
1 Akong si Ezekiel ay isa sa mga dinalang-bihag sa baybay ng Ilog Kebar. Noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan ng ikatatlumpung taon, nabuksan ang langit at isang pangitain mula sa Diyos ang aking nakita.
2 Ikalimang araw noon ng ikaapat na buwan ng ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Jehoiakin.
3 Ako na isang pari at anak ni Buzi ay nasa Babilonia sa baybayin ng Ilog Kebar nang magpahayag sa akin si Yahweh.
4 Nang ako'y tumingala, naramdaman ko ang malakas na hanging nagmumula sa hilaga at nakita ko ang makapal na ulap na naliligid ng liwanag. Tuwing kikidlat, may isang bagay na kumikislap, parang makinang na tanso.
5 Sa sentro ng bagyong ito, may apat na nilalang na buháy na anyong tao.
6 Sila'y may tig-aapat na mukha at pakpak.
7 Tuwid ang kanilang mga binti. Ang mga paa nila'y parang paa ng guya at tila makinang na tanso.
8 Nasa ilalim ng kanilang mga pakpak ang kanilang mga kamay na parang kamay ng tao.
9 Magkakadikit ang kanilang mga pakpak. Hindi na sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila kahit saan.
10 Sa harap, mukha silang tao. Sa kanang tagiliran, mukhang leon. Sa kaliwa naman ay mukha silang toro at mukhang agila sa likuran.
11 Ang tig-dalawa nilang pakpak ay nakabukang pataas at magkaabot ang dulo. Ang tig-dalawa naman ay nakatakip sa kanilang katawan.
12 Hindi na nga sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila sa lahat ng dako.
13 Sa gitna nila ay may naglalagablab na apoy na parang sulo, at nagpapalipat-lipat sa apat na nilalang na buháy. Maningning ang liwanag niyon at pinagmumulan ng kidlat.
14 Ang apat na nilalang ay nagpaparoo't paritong simbilis ng kidlat.
15 Nang tingnan kong muli ang apat na nilalang, may nakita akong tig-isang gulong sa tabi nila.
16 Ang mga ito ay kumikislap na parang topaz. Iisa ang ayos nila at parang ang isa'y nakapaloob sa isa.
17 Ang mga ito'y hindi na kailangang ipihit saanman ito gustong pagulungin pagkat nakaharap kahit saan.
18 Ang bawat gulong ay puno ng mga mata sa palibot.
19 Paglakad ng apat na nilalang, kasunod ang mga gulong. Kapag sila'y tumaas, tumataas din ang mga gulong.
20 Saanman gumawi ang apat na nilalang ay kasunod ang apat na gulong pagkat ang apat na nilalang ang nagpapagalaw sa apat na gulong.
21 Kaya paglakad ng apat na nilalang, lakad din ang mga gulong. Pagtigil naman, tigil din sila. Pagtaas, taas din sila. Anuman ang gawin ng apat na nilalang ay ginagawa ng apat na gulong.
22 Sa ulunan ng apat na nilalang, naroon ang isang bubungang tila kristal.
23 Sa ilalim nito'y magkakaabot na nakabuka ang tigalawang pakpak ng apat na nilalang, at ang tigalawa'y nakatakip sa kanilang katawan.
24 Nang sila'y lumipad, parang lagaslas ng malaking baha ang dinig ko sa pagaspas ng kanilang mga pakpak; parang ugong ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan, parang ragasa ng isang malaking hukbo. Nang sila'y tumigil, ibinabâ nila ang kanilang mga pakpak.
25 At mula sa ibabaw ng bubungan, narinig ang isang malakas na tinig. Nang tumigil nga ng paglipad ang apat na nilalang, binayaan nilang nakalaylay ang kanilang mga pakpak.
26 Sa ibabaw ng bubungan, naroon ang tila tronong yari sa safiro at may nakaupong parang isang tao.
27 Mula sa baywang nito pataas ay may nagniningning na tila makinis na tanso. Sa ibaba naman ay may nakapalibot na apoy na nakakasilaw,
28 na ang kulay ay parang bahaghari.
Ganyan ang katulad ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, ako'y nagpatirapa, at may narinig akong tinig.