17
Ang Talinghaga ng Dalawang Agila at ng Baging
Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, bigyan mo ng palaisipan ang Israel, para malaman nila na akong si Yahweh ang nagsasalita sa kanila. Ito ang talinghaga: Isang agila ang dumating sa Lebanon. Mahaba ang pakpak nito at malagung-malago ang balahibong iba't iba ang kulay. Dumapo ito sa isang punong sedar. Pinutol nito ang pinakamataas na sanga niyon, tinangay at itinayo sa lupain at itinanim sa matabang lupa sa tabi ng tubig. Tumubo ito at naging baging na gumagapang sa lupa. Ang mga sanga nito'y nakaturo sa puno at ang ugat ay tumubo nang pailalim. Naging baging nga ito, nagsanga at nagsupling.
“Ngunit may dumating na isa pang malaking agila; malapad din ang pakpak at malago ang balahibo. Ang mga sanga at ugat ng baging ay humarap sa agilang ito sa pag-aakalang siya'y bibigyan nito ng mas maraming tubig. Ito'y nakatanim sa matabang lupain sa tabi ng tubig, at maaaring lumago hanggang maging punong balot ng karangalan. Sabihin mong ipinapatanong ko sa kanila: Patuloy kaya itong lalago? Hindi kaya maputol ang mga ugat nito o mabali ang mga sanga at dahil doo'y malanta ang mga usbong? Hindi na kakailanganin ang malakas na tao o ang magtulung-tulong ang marami para mabunot pati ugat nito. 10 Ngunit mabuhay pa kaya ito kung ilipat ng taniman? Kung magbago ng lugar, hindi kaya ito mamatay na parang binayo ng malakas na hangin?”
Ang Kahulugan ng Talinghaga
11 Sinabi sa akin ni Yahweh, 12 “Itanong+ mo sa mapaghimagsik na bayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng palaisipang ito. Sabihin mong ang hari ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem. Binihag nito ang hari roon pati ang mga pinuno, at iniuwi sa Babilonia. 13 Kinuha niya ang isa sa mga pinuno at gumawa sila ng kasunduan at pinanumpang magtatapat dito. Binihag niya ang pamunuan ng lupain 14 para hindi ito makabangon laban sa kanya, bagkus ay ganap na tumupad sa mga tuntunin ng kasunduan. 15 Ngunit ang pinunong pinili ng hari ng Babilonia ay naghimagsik at nagsugo sa hari ng Egipto upang humingi ng mga kabayo at maraming kawal. Akala kaya niya'y magtatagumpay siya? Hindi! Makaiwas kaya siya sa parusa kung gawin niya iyon? Hindi! Tiyak na paparusahan ko siya. 16 Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Isinusumpa kong mamamatay siya sa Babilonia, sa lupain ng haring nagluklok sa kanya sa trono. Mamamatay siya pagkat hindi niya pinahalagahan ang kanyang salita. Sumira siya sa kanilang kasunduan. 17 Kahit ang makapal na kawal ng Faraon ay walang magagawa laban sa mga itinayong tore at mga tanggulan upang sila'y wasakin. 18 Hindi siya makakaiwas; sumira siya sa kasunduan at pagkatapos ay hindi tumupad sa pangako.”
19 Ipinapasabi pa ni Yahweh: “Ako ang Diyos na buháy. Paparusahan ko siya sa pagbaliwala niya sa aking sumpa at sa pagsira sa aking tipan. 20 Susukluban ko siya ng lambat at masusuot siya sa kaguluhan. Dadalhin ko siya sa Babilonia upang doon parusahan dahil sa pagtataksil niya sa akin. 21 Ang mga pili niyang tauhan ay mamamatay sa tabak at ang matitira'y ikakalat ko sa lahat ng dako. Kung magkagayo'y maaalala mo na akong si Yahweh ang maysabi nito.”
22 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kukuha ako ng isang usbong ng sedar at aking iaayos. Ang kukunin ko'y ang pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok, 23 sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedar. Sa gayon, lahat ng uri ng hayop ay makakapanirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama'y makapamumugad sa mga sanga nito. 24 Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na maibababâ ko ang mataas na kahoy at maitataas ko ang mababa; na mapapatuyo ko ang sariwang kahoy at mapapanariwa ko ang tuyong punongkahoy. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito at ito'y gagawin ko.”
+ 17:12 2 Ha. 24:15-20; 2 Cro. 36:10-13.