21
Ang Tabak ni Yahweh
Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sa Jerusalem ka naman humarap at magpahayag laban sa mga dambana at bigyang babala ang Israel. Sabihin mo, ganito ang sabi ni Yahweh: Ako ay laban sa iyo. Bubunutin ko ang aking tabak at papatayin ang masama't mabuti. Ang pagbunot ko nito ay laban sa lahat ng tao, mula sa timog hanggang sa hilaga. Sa pamamagitan nito'y makikilala ng lahat na akong si Yahweh ang nagbunot ng tabak at hindi ko ito isusuksok muli. Kaya, Ezekiel, manangis kang walang tigil at iparinig mo ito sa kanila. Kapag itinanong nila kung bakit ka nananaghoy, sabihin mong dahil sa balitang iyong narinig. Kapag ito'y nagkatotoo, paghaharian ng takot ang lahat ng tao, mangangalay ang lahat ng kamay, panghihinaan sila ng loob, at mangangalog ang lahat ng tuhod. Dumating na ang panahon at ngayon na.”
Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Sabihin mo sa kanila:
Ang tabak ay inihasa na at pinakintab.
10 Pinatalim ito upang ipamatay nang walang puknat.
Pinakintab upang kumislap na parang kidlat.
Walang makakahadlang dito,
sapagkat di ninyo dininig ang payo.
11 Ang tabak nga ay pinakintab upang gamitin.
Ito'y pinatalim para ibigay sa kamay ng berdugo.
12 Managhoy ka, anak ng tao.
Ang tabak na ito'y gagamitin sa aking bayan
at sa kanyang mga pinuno.
Sila ay papataying kasama ng buong bayan.
Kaya, tumangis ka.
13 Susubukin ko ang aking bayan,
at kapag di sila nagsisi,
ang lahat ng ito'y mangyayari sa kanila.
14 “Magpahayag ka sa kanila. Pumalakpak ka at paulit-ulit na iwasiwas ang tabak. Ang tabak na ito'y pumapatay, naghahasik ng sindak, at pumupuksa. 15 Sa gayon, mababagabag ang kanilang kalooban at marami sa kanila ang mabubuwal. Binabalaan ko sila sa pamamagitan ng tabak na ang kislap ay tulad ng kidlat; handa itong mamuksa. 16 Itataga ito nang kaliwa't kanan, magkabi-kabila. 17 Papalakpak din ako para mapawi ang matindi kong poot. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Ang Tabak ng Hari ng Babilonia
18 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 19 “Ezekiel, anak ng tao, gumawa ka ng magkasangang landas na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na taglay ang kanyang tabak. Ang puno nito ay magbubuhat sa isang bayan lamang. Maglagay ka ng palatandaan sa lugar na pinaghiwalayan ng dalawang daan; 20 ang isa ay patungo sa Lunsod ng Rabba, sa Ammon at ang isa ay sa Juda, sa nakukutaang Lunsod ng Jerusalem. 21 Pagdating ng hari ng Babilonia sa sangandaang iyon, hihinto siya upang sumangguni sa kanyang diyus-diyosan. Hahaluin niya ang kanyang mga palaso sa lalagyan, at susuriin ang atay ng hayop na panghandog. 22 Mabubunot niya ang palaso na may tatak na ‘Jerusalem.’ Ito ang hudyat ng paglusob upang wasakin nila ang mga pintuang-bayan, at magtayo ng mga tanggulan. 23 Subalit ito'y hindi paniniwalaan ng mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga kasunduang pinagtibay. Ngunit ito'y mangyayari para maalala nila ang kanilang kasamaan at magbabala na mahuhulog sila sa kamay ng mga kaaway.”
24 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Alam na ng lahat ang masasama ninyong gawain at paghihimagsik; kayo'y hinatulan ko na. Pababayaan ko kayong mahulog sa kamay ng inyong mga kaaway. 25 At ngayon, masamang pinuno ng Israel, dumating na rin ang iyong oras, ang pangwakas na parusa sa iyo. 26 Akong si Yahweh ang maysabi nito: Hubarin mo na ang iyong turbante at korona. Mababaligtad na ang dating katayuan: ang hamak ay dadakilain at ang mga namamahala ay aalisin sa tungkulin. 27 Lubusan kong wawasakin ang lunsod sa pamamagitan ng taong pinili ko upang magsagawa nito.
Ang Hatol Laban sa mga Ammonita
28 “Ezekiel,+ anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga Ammonita dahil sa paghamak nila sa Israel. Sabihin mong ako si Yahweh. Ganito ang sabihin mo:
Ang tabak ay binunot na upang ipamuksa;
pinakintab ito upang kumislap at gumuhit na parang kidlat.
29 Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga pahayag. Ang tabak ay igigilit sa kanilang lalamunan dahil sa kanilang kasamaan. Ito na ang kanilang wakas, ang pangwakas na parusa sa kanila.
30 “Isuksok muli ang tabak. Ikaw ay paparusahan ko sa bayan mong tinubuan. 31 Ibubuhos ko sa iyo ang galit kong nag-aalab na parang apoy. Ibibigay kita sa mga taong walang pakundangan kung pumatay ng kapwa. 32 Tutupukin ka sa apoy. Ang iyong dugo ay mabubuhos sa sariling bayan at wala nang makagugunita pa sa iyo. Akong si Yahweh ang may pahayag nito.”
+ 21:28 Jer. 49:1-6; Eze. 25:1-7; Amos 1:3-15; Zef. 2:8-11.