24
Ang Talinghaga ng Kumukulong Palayok
Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel,+ anak ng tao, isulat mo ang araw na ito, sapagkat ngayon ay pasisimulan ng hari ng Babilonia ang pagkubkob sa Jerusalem. Ilahad mo ang isang talinghaga tungkol sa mapaghimagsik na bayan ng Israel. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh:
Magsalang ka ng palayok at punuin ng tubig.
Ilagay rito ang mga piling bahagi,
ang hita at pitso,
at punuin din ng maiinam na butong lagain.
Kunin ang karneng ito sa piling tupa;
isalang at gatungan.
Pakuluan nang pakuluan ang mga laman at butong ito.”
Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mamamatay-tao, kalderong puno ng kalawang na hindi na matatanggal. Pira-piraso mo itong hanguing lahat. Sariwa pa ang dugong kanyang pinadanak sa lunsod. Ito'y sa bato pinatulo at di sa tuyong lupa upang matabunan sana ng alikabok. Iniwan ko ang dugo sa ibabaw ng malaking bato upang hindi maitago. Sa gayon, madali akong makapaghihiganti.”
Kaya nga, ipinapasabi pa ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mga mamamatay-tao! Ako ma'y magbubunton ng kahoy na panggatong. 10 Dagdagan ninyo ito ng kahoy at sindihan upang pakuluang mabuti ang lahat ng laman hanggang matuyo ang sabaw at masunog pati mga buto. 11 Pagkatapos, ang kaldero ay ipapatong ko sa maraming baga hanggang sa magbaga rin ito. Sa gayon, malulusaw ang dumi nito, kung masusunog ang kalawang. 12 Gayunman, ang lahat ng kalawang ay di rin maaalis ng apoy. 13 Ang kalawang mo ay ang iyong kahalayan, Jerusalem. Nililinis kita ngunit ayaw mo. Kaya, hindi ka na lilinis hanggang hindi ko naibubuhos sa iyo ang aking matinding galit. 14 Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y tiyak na gagawin ko. Hindi ko ito iuurong, wala akong paliligtasin. Hindi ko kayo panghihinayangan. Paparusahan ko kayo ayon sa inyong masamang gawa.”
Ang Kamatayan ng Asawa ng Propeta
15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, sa isang iglap ay kukunin ko ang taong pinakamamahal mo ngunit huwag mong itatangis ni iluluha. 17 Maaari mong daanin sa buntong-hininga ngunit tibayan mo ang iyong loob. Manahimik ka at huwag iparirinig ang iyong pagtangis. Huwag kang lalakad nang walang sapin sa paa at lambong sa ulo, na tanda ng pagluluksa. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha ni kakain ng pagkain ng mga upahang taga-iyak.”
18 Umaga nang ako'y magsalita sa mga Israelita. Kinagabihan, namatay ang aking asawa. Kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh.
19 Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin sa ginagawa mong ito?” 20 Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ni Yahweh na 21 sabihin ko sa sambahayan ng Israel ang ganito: ‘Ang aking Templo na siyang sagisag ng inyong kapangyarihan at kasiyahan ay sasalaulain ko, at papatayin sa tabak ang inyong mga anak. 22 Tularan ninyo ang ginagawa ko: huwag kayong magluluksa ni malulungkot. 23 Mag-ayos kayong tulad ng dati, nakaturbante at panyapak. Huwag kayong tatangis o luluha. Dahil sa inyong kasamaan, mangangayayat sa matinding himutok ang bawat isa sa inyo. 24 Sinabi ni Yahweh na ang mangyayari kay Ezekiel ang magiging babala sa inyo. Kung mangyari na ang lahat, tularan ninyo ang kanyang ginagawa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’
25 “Ezekiel, anak ng tao, aalisin ko sa kanila ang matibay nilang Templo na siya nilang ipinagmamalaki at kasiyahan, gayon din ang kanilang mga anak. 26 Sa araw na iyon, isang takas ang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. 27 Sa araw na yaon, makapagsasalita ka na muli; makakausap mo na ang takas na iyon. Ikaw nga ang magiging pinakababala sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
+ 24:2 2 Ha. 25:1; Jer. 52:4.