36
Pagpapalain ang Israel
1 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka sa kaburulan ng Israel. Sabihin mo: Kaburulan ng Israel, dinggin mo ang salita ni Yahweh:
2 Sinabi sa iyo ng kaaway ninyo na, ‘Mabuti nga,’ at, ‘Ang kanilang mga kabundukan ay sakop na natin.’
3 Kaya, magpahayag ka. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sinakop ng mga bansa ang kaburulan ng Israel at lubusan itong winasak. Dahil dito, pinagtawanan siya ng lahat.
4 Kaya, ito ngayon ang sinasabi ko tungkol sa mga bundok, burol, bangin, kapatagan at mga lunsod na wasak na naging biktima at katatawanan ng mga bansa sa paligid.
5 Ipinapasabi nga ni Yahweh: Sa pag-iinit ng loob ko dahil sa panibugho, maliwanag kong ipinahayag ang aking galit sa mga bansa, lalo na sa Edom, sapagkat buong pagyayabang niyang sinakop ang aking bayan. Hindi na niya ito iginalang, bagkus ay sinamsam ang lahat ng maibigan niya.
6 Kaya, magpahayag ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, bangin, at kapatagan na ako'y nagsasalita sa tindi ng aking galit dahil sa pagkutyang dinanas nila mula sa ibang bansa.
7 Kaya isinusumpa kong daranas din ng pagkutya ang mga bansa sa iyong paligid.
8 “Kayo naman, mga bundok ng Israel, payabungin na ninyo ang inyong mga sanga at pamungahin nang sagana para sa bayan kong Israel sapagkat uuwi na sila rito.
9 Ako'y inyong kakampi. Bubungkalin at tatamnan ang inyong lupain.
10 Pararamihin ko ang iyong mamamayan. Doon kayo titira sa dati ninyong lunsod at higit ko kayong pasasaganain kaysa noon.
11 Pararamihin ko nga ang mga tao at mga hayop. Marami ang magiging anak nila. Pupunuin kita ng tao, tulad noong una, at higit na maraming mabubuting bagay ang gagawin ko ngayon sa iyo. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.
12 Ibabalik ko kayo, mga Israelita, sa dati ninyong bayan. Magiging inyo na iyon at hindi na kayo magugutom.
13 Akong si Yahweh ang nagsasabi: Sinasabi ng mga tao na ikaw ay kumakain ng tao kaya inaagaw mo ang mga mamamayan ng ibang bansa.
14 Ngunit mula ngayon, hindi mo na gagawin iyon, hindi mo na uubusin ang iyong mamamayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
15 Hindi ka na kukutyain ng ibang bansa at hindi na rin hahamakin ng mga tao. Hindi ka na mang-aagaw ng anak ng may anak. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Ang Bagong Kalagayan ng Israel
16 Sinabi sa akin ni Yahweh,
17 “Ezekiel, anak ng tao, nang ang Israel ay unang tumira sa kanilang lupain, pinarumi nila ito sa kanilang kasamaan. Kaya, ang pamumuhay nila'y kasuklam-suklam sa akin.
18 At dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain, at dahil sa kanilang mga diyus-diyosan, ibinuhos ko sa kanila ang aking matinding poot.
19 Itinapon ko sila at pinangalat sa iba't ibang panig ng daigdig. Ginawa ko sa kanila ang nararapat sa kanila.
20 Ngunit sa mga lugar na kinapuntahan nila, binigyang-daan nila ang mga tao upang hamakin ang aking pangalan. Sinabi ng mga tao sa kanila, ‘Hindi ba sila'y mga mamamayan ni Yahweh, bakit pinaalis sa kanilang bayan?’
21 Nabahala ako dahil sa banal kong pangalan na ipinahamak ng mga Israelita sa mga dakong kinapuntahan nila.
22 “Kaya, sabihin mo sa Israel na ito ang ipinapasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi dahil sa banal kong pangalan na inyong hinayaang hamakin sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo.
23 Ipapakita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako si Yahweh kung maipakita ko na sa kanila na ako ay banal.
24 Titipunin ko kayo mula sa iba't ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan.
25 Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo'y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan.
26 Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin.
27 Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos.
28 Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos.
29 Lilinisin ko ang lahat ng inyong karumihan; bibigyan ko kayo ng masaganang ani at hindi na kayo daranas ng gutom.
30 Pamumungahin kong mabuti ang inyong mga punongkahoy at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin upang hindi na kayo hamakin ng kapwa ninyo bansa dahil sa taggutom na inyong dinanas.
31 Maaalala rin ninyo ang inyong kasamaan, at dating kasuklam-suklam na mga gawa. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong mga sarili.
32 Dapat ninyong malaman na ginagawa ko ang lahat ng ito ngunit hindi dahil sa inyo. Dapat kayong mahiya dahil sa inyong kasamaan, mga Israelita.”
33 Ipinapasabi ni Yahweh: “Kapag nalinis ko na kayo sa inyong karumihan, muli kong patitirahan ang inyong mga lunsod at muling itatayo ang mga lugar na wasak.
34 Ang mga ilang na dako ay muling bubungkalin. Kapag nakita ito ng mga tao
35 ay sasabihin nila, ‘Ang lugar na ito'y dating tiwangwang ngunit ngayo'y parang hardin ng Eden. Ang mga lunsod na wasak at walang tao, ngayon ay may nakatira na, muling nakatayo at naliligid ng muog.’
36 Kung makita nilang muli nang naitayo ang mga guho at puno ng pananim ang dating tigang na lupain, makikilala ng mga karatig-bansa na ako si Yahweh. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko.”
37 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ito pa ang gagawin ko sa kanila. Ipagkakaloob ko ang hilingin nila sa akin. Pararamihin ko sila, tulad ng makapal nilang kawan.
38 Pararamihin ko silang tulad ng mga tupang panghandog, tulad ng mga tupa sa Jerusalem kung panahon ng kapistahan. Sa gayon, ang mga lugar na walang nakatira ay mapupuno ng tao. At makikilala nilang ako si Yahweh.”