40
Ang Pangitain tungkol sa Templo
1 Noong ika-10 araw ng bagong taon at ika-25 taon ng aming pagkabihag, labing-apat na taon pagkatapos masakop ang lunsod ng Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ni Yahweh.
2 Sa isang pangitain, dinala niya ako sa tuktok ng isang napakataas na bundok sa Israel. Sa tapat ko, may nakita akong tila isang lunsod.
3 Inilapit niya ako roon at may nakita akong isang tao sa may pagpasok ng lunsod. Siya'y tila tanso, may hawak na pising lino, at panukat.
4 Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, talasan mo ang iyong mata at tainga. Tandaan mong mabuti ang lahat ng ipapakita ko sa iyo sapagkat ito ang dahilan ng pagkadala sa iyo rito. Pagkatapos, sabihin mo naman ito sa mga Israelita.”
Ang Tarangkahan sa Gawing Silangan
5 Ang nakita ko ay templo na napapaligiran ng pader. Kinuha noong tao ang kanyang panukat na tatlong metro ang haba at sinukat ang pader sa paligid ng templo: Tatlong metro ang kapal nito, gayon din ang taas.
6 Pagkatapos, pumunta siya sa tarangkahan sa gawing silangan. Pumanhik siya sa mga baytang nito at sinukat ang pintuan; ang taas nito ay tatlong metro rin.
7 Sa kabila nito ay may daanan at may tigatlong silid sa magkabila. Ang mga silid na ito ay parisukat; tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang at ang pader sa pagitan ay dalawa't kalahating metro. Sa kabila ng mga silid na ito ay may daanan patungo sa malaking bulwagan sa harap ng templo. Ang haba nito ay tatlong metro.
8-9 Sinukat niya ang bulwagan. Ang lalim nito ay apat na metro. Ito ang pinakadulo ng daanan sa pintuang malapit sa templo. Ang kapal ng dulo ng pader nito ay isang metro.
10 Pare-pareho ang sukat ng mga silid na ito, at magkakasingkapal ang mga pader sa pagitan.
11 Sinukat din niya ang pasukan papuntang tarangkahan. Ang kabuuang luwang nito'y anim at kalahating metro at limang metro naman ang tarangkahan.
12 Sa harap ng mga silid ng bantay-pinto ay may pader na kalahating metro ang taas, gayon din ang kapal. Ang mga silid ay kuwadrado: tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang.
13 Pagkatapos, sinukat niya mula sa gilid ng unang silid hanggang sa huling silid. Ito'y may labindalawa't kalahating metro.
14 Sinukat din niya ang bulwagan sa pasukan at ito'y may sampung metro.
15 Ang kabuuang haba ng daanan mula sa tarangkahan hanggang sa huling silid ay dalawampu't limang metro.
16 Ang mga silid ay may bintana upang makita ang labas at mayroon din sa mga pader sa pagitan ng mga silid. Sa mga pader naman sa loob ng silid ay may dibuhong puno ng palmera.
Ang Patyo sa Labas
17 Dinala niya ako sa patyo sa labas. Doon ay may tatlumpung silid na nakadikit sa pader. Sa harap ng mga silid na ito ay may bahaging nalalatagan ng bato
18 na abot sa gusali sa pasukan. Ito ay mababa kaysa patyo sa loob.
19 May mas mataas na daanan patungo sa patyo sa loob. Sinukat noong tao ang pagitan ng dalawang daanan at umabot ng limampung metro.
Ang Tarangkahan sa Gawing Hilaga
20 Pagkaraan, sinukat niya ang daanan sa gawing hilaga na papunta rin sa patyo sa labas.
21 Ang tigatlong silid ng mga bantay-pinto, ang mga pader sa pagitan at ang bulwagan ay kasinlaki rin ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro ang luwang.
22 Ang bulwagan, mga bintana, at dibuhong puno ng palma ay katulad nga ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Pito ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo.
23 Sa tapat ng tarangkahang ito ay may tarangkahan ding papasok sa patyo sa loob, tulad ng sa gawing silangan. Sinukat niya ang pagitan ng tarangkahan sa hilaga at ng tarangkahan sa timog at ito'y umabot ng limampung metro.
Ang Tarangkahan sa Gawing Timog
24 Dinala niya ako sa gawing timog at doo'y mayroon ding tarangkahan. Sinukat niya ito. Ito'y kasukat din ng ibang tarangkahan.
25 May mga bintana rin ito sa paligid tulad ng ibang tarangkahan. Ang haba ng daanan nito ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang.
26 Pito rin ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. May tig-isang dibuho ng puno ng palmera ang pader ng pasilyo.
27 Mayroon din itong daanan papunta sa patyo sa loob. Ang haba nito ay limampung metro.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Timog
28 Ako'y ipinasok niya sa patyo sa loob. Sa tarangkahan sa gawing timog kami nagdaan. Sinukat niya ito at kasukat din ng iba.
29-30 Ang bulwagan, mga silid nito, at pader sa pagitan ay tulad din ng sa ibang tarangkahan. May mga bintana rin ito. Ang haba ng pasilyo ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang.
31 Ang bulwagan nga nito ay paharap sa panlabas na patyo, may dibuho ring puno ng palmera ang pader ng daanan at walo ang baytang patungo sa tarangkahang ito.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Silangan
32 Itinuloy niya ako sa loob ng patyo sa gawing silangan. Sinukat niya ang tarangkahan nito. Ito ay kasukat din ng iba,
33 gayon din ang bulwagan, mga silid ng bantay-pinto, at ang pader sa pagitan. Naliligid ito ng mga bintana. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad.
34 Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan, may dibuho ring puno ng palmera ang pader at walong baytang ang hagdan.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Hilaga
35 Pagkatapos, dinala niya ako sa may tarangkahan sa gawing hilaga at ito'y kanyang sinukat. Kasukat din ito ng iba,
36 gayon din ang bulwagan, mga silid at ang pader sa pagitan. Ang haba ng bulwagan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad. Ito ay may mga bintana rin sa paligid.
37 Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan nito, may dibuho ring puno ng palmera ang pader na pasilyo at walo ang baytang ng hagdan.
Ang mga Gusali sa Tabi ng Tarangkahan sa Hilaga
38 Ang patyo sa labas ay may isang kuwarto; nakadikit ito sa tarangkahan sa loob sa gawing hilaga at abot sa bulwagang nakaharap sa patyo. Doon nila nililinis ang mga hayop na pinatay upang sunugin sa altar bilang handog.
39 Sa magkabilang panig ng bulwagan ay may apat na mesa. Dito naman nila pinapatay ang mga hayop na ihahandog, kahit na susunugin, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, o handog na pambayad sa kasalanan.
40 May apat na mesa rin sa labas, tigalawa sa magkabila ng tarangkahan sa gawing hilaga.
41 Tig-apat ang mesa sa loob at labas ng bulwagan. Sa mga mesang ito pinapatay ang lahat ng hayop na panghandog.
42 Yari sa tinapyas na bato ang apat na mesang patungan ng hayop na susunugin bilang handog. Ang taas nito ay kalahating metro, 0.7 metro ang lapad at ang haba. Dito inilalagay ang mga kasangkapang pangkatay sa mga handog.
43 Sa paligid ng mga mesa ay may pinakapasamanong singlapad ng isang palad. Sa mesa ipinapatong ang karneng panghandog.
44 Dinala ako sa patyo sa loob. Doon ay may dalawang tanging silid: ang isa'y nakaharap sa timog at ang isa nama'y nakaharap sa hilaga.
45 Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang silid na nakaharap sa timog ay ukol sa mga paring nangangasiwa sa templo,
46 at ang nakaharap sa hilaga ay para naman sa mga paring nangangasiwa sa altar. Sila'y mga anak ni Zadok, ang sambahayan mula sa lipi ni Levi na siya lamang maaaring maglingkod sa harapan ni Yahweh.”
47 Sinukat ng lalaki ang patyo sa loob. Ito'y parisukat na limampung metro. Nasa gawing kanluran ang templo at nasa harap nito ang altar.
Ang Patyo sa Loob at ang Templo
48 Isinama niya ako sa bulwagang papasok ng templo. Sinukat niya ang pasukan nito: dalawa't kalahating metro ang lalim at pitong metro naman ang luwang. Ang kapal ng pader ay isa't kalahating metro.
49 Ang haba ng bulwagan ay sampung metro at anim na metro ang lalim. Ito ay may dalawa pang pinakatukod sa magkabila, bukod sa dalawang malalaking poste.