45
Tuntunin tungkol sa Partihan ng Lupain
1 Sa paghahati ninyo ng lupain, magbubukod kayo ng isang bahagi para kay Yahweh. Ito ang sukat ng inyong ibubukod: 12.5 kilometro ang haba, at 10 kilometro naman ang luwang.
2 Susukat kayo rito ng 250 metro parisukat para tayuan ng templo at ang paligid ay lalagyan ng patyong dalawampu't limang metro ang luwang.
3 Para sa Dakong Kabanal-banalan, susukat kayo ng 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang.
4 Ito ang pinakatanging lugar ng lupain at siyang mauukol sa mga paring maglilingkod sa templo, sa harapan ni Yahweh; ito ang magiging tirahan nila at tayuan ng templo.
5 Isa pang lote na 12.5 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para naman sa mga paring maglilingkod sa kabuuan ng templo.
6 Karatig ng bahaging itinalaga para sa akin, mag-iiwan kayo ng isang lote na 12.5 kilometro ang haba at 2.5 kilometro naman ang luwang. Ito ay para sa lahat ng Israelita.
Ang Lupain Ukol sa Pinuno ng Israel
7 Sa pinuno ng Israel, ang iuukol ay ang karatig ng bahaging itinangi kay Yahweh. Ang nasa gawing kanluran ay sagad sa Dagat Mediteraneo, at ang sa gawing silangan ay abot sa ilog. Ito ay magkakasinlaki ng kaparte ng bawat lipi.
8 Ito ay para sa kanila at nang hindi na nila apihin ang iba pang lipi ng Israel.
Ang mga Tuntunin para sa Pinuno
9 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Mga pinuno ng Israel, tigilan na ninyo ang karahasan at pang-aapi sa aking bayan. Sa halip, pairalin ninyo ang katarungan at ang katuwiran. Tigilan na ninyo ang pangangamkam sa lupain ng aking bayan.
10 “Ang inyong timbangan, sukatan ng harina, at kiluhan ay kailangang maaayos, walang daya, at husto sa sukat.
11 Ang panukat na ginagamit sa mga harina at ang panukat na ginagamit sa langis ay kailangang pareho ang sukat, tig-ikasampung bahagi ng isang malaking sisidlan; ang malaking sisidlan naman ay ang pamantayan ng sukat.
12 Ang takalang siklo ay katumbas ng labindalawang gramo. Ang inyong mina ay katumbas ng animnapung siklo.
13 “Ito naman ang inyong ihahandog: 1/60 na bahagi ng lahat ng inyong inaning trigo at gayundin sa sebada,
14 1/100 na bahagi sa lahat ng inyong nagawang langis. (Ang panukat na gagamitin sa harina at langis ay parehong tig-isang bahagi ng malaking sisidlan.)
15 Sa tupa naman ay isa sa bawat dalawandaan. Ito ang inyong handog na pagkaing butil, susunugin, at pangkapayapaan bilang kabayaran nila,” sabi ni Yahweh.
16 “Ang mga handog na ito ay ibibigay sa pinuno ng Israel.
17 Ang pinuno ng Israel ang mamamahala sa mga handog na susunugin, pagkaing butil, inumin para sa mga pista, pagdiriwang kung bagong buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at sa lahat ng takdang pagdiriwang ng bayang Israel. Siya rin ang bahala sa mga handog para sa kasalanan, handog na susunugin at handog pangkapayapaan, bilang kabayaran sa kasalanan ng bayang Israel.”
Mga Kapistahan
(Exo. 12:1-20; Lev. 23:33-43)
18 Ipinapasabi ni Yahweh: “Sa unang araw ng unang buwan, pipili kayo ng isang toro na walang kapintasan upang gamitin sa paglilinis ng templo.
19 Ang paring nanunungkulan ay sasahod ng dugo ng handog para sa kasalanan. Ipapahid niya iyon sa poste sa pinto ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga poste sa pintuan patungo sa patyo sa loob.
20 Ganito rin ang gagawin sa ikapitong araw para sa sinumang nagkamali o nagkasala nang di sinasadya. Ganito ninyo lilinisin ang templo.
21 “Sa ikalabing apat naman ng unang buwan, ipagdiriwang ninyo ang Pista ng Paskwa; pitong araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa.
22 Sa araw na iyon, ang pinuno ng Israel ay maghahanda ng isang toro bilang handog para sa kasalanan niya at ng buong bayan.
23 Sa pitong araw na kapistahan, maghahanda siya araw-araw ng isang toro at isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin, at isang kambing na lalaki bilang handog naman para sa kasalanan.
24 Para sa isang toro o sa tupa, limang salop ng harina bilang handog na pagkaing butil, kasama ang apat na litrong langis.
25 “Ganito rin ang ihahanda sa pitong araw na Pista ng mga Tolda tuwing ika-15 araw ng ika-7 buwan, bilang handog para sa kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil.”