5
Inahit ni Ezekiel ang Kanyang Buhok at Balbas
Sinabi sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang matalim na tabak at ahitin mo ang iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo iyon at pagtatluhing bahagi. Sunugin mo sa gitna ng lunsod ang unang bahagi matapos itong kubkubin. Ang ikalawang bahagi ay tadtarin mo habang naglalakad ka sa buong lunsod. Ihagis mo naman sa hangin ang ikatlong bahagi at pasusundan ko ng tabak. Kumuha ka ng ilang hibla ng buhok at itali mo sa laylayan ng iyong kasuotan. Kapag naitali mo na, kumuha ka pa ng ilang hibla at sunugin mo. Ang apoy nito ay kakalat at susunog sa buong Israel.”
Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Ang lunsod ng Jerusalem ay ginawa kong pinakasentro ng mga bansa. Ngunit nilabag niya ang aking Kautusan at mga tuntunin. Nagpakasama siya nang higit pa sa mga bansa sa kanyang paligid. Tinalikuran nga niya ang aking Kautusan at iniwan ang aking mga tuntunin. Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: Dahil sa kaguluhan mong higit pa sa bansa sa inyong paligid, sa pagtalikod ng mamamayan mo sa aking mga tuntunin at Kautusan, at sa inyong paglakad ayon sa tuntunin ng mga bansang iyon, ako ay laban sa inyo ngayon. Paparusahan ko kayo sa harapan ng inyong mga kaaway. At dahil sa inyong kasamaan, gagawin ko sa inyo ang isang bagay na hindi ko pa ginagawa at hindi ko na gagawin pa. 10 Kakainin+ ng magulang ang kanilang mga sariling anak, at ng mga anak ang kanilang mga sariling magulang. Paparusahan ko nga kayo, at ang matirang buháy ay pangangalatin ko sa lahat ng dako. 11 Kayong lahat ay buong lupit kong ibabagsak dahil sa inyong kasamaan at paglapastangan sa aking Templo sa pamamagitan ng kasuklam-suklam ninyong gawain. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay papatayin ko sa salot at sa matinding taggutom. Ang ikalawa'y sa pamamagitan ng tabak. Ang ikatlo'y ikakalat ko sa lahat ng dako, at patuloy kong uusigin.
13 “Ibubuhos ko sa inyo ang aking poot hanggang sa gumaan ang aking loob. Kung madama ninyo ang bigat ng aking parusa, makikilala ninyo na akong si Yahweh ay marunong mapoot dahil sa matinding panibugho. 14 Gagawin ko kayong isang pook ng lagim, at katatawanan ng lahat ng bansa sa paligid, ng lahat ng makakakita sa inyo. 15 Mabibilad kayo sa kahihiyan at lilibakin. Magsisilbi kayong babala sa mga bansa sa inyong paligid sa sandaling ipataw ko sa inyo ang mabigat na parusa bunga ng matinding poot ko sa inyo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 16 Mangyayari ito sa sandaling padalhan ko kayo ng matinding taggutom at iba't ibang kahirapan. 17 Padadalhan+ ko kayo ng taggutom at mababangis na hayop na siyang lalapa sa inyong mga anak. Makakaranas kayo ng salot at digmaan; hahayaan ko rin kayong usigin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
+ 5:10 Panag. 4:10. + 5:17 Pah. 6:8.