Ang Sulat ni Pablo sa
MGA TAGA-EFESO
Panimula
Ang pangunahing bagay na tinatalakay sa Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Efeso ay ang layunin ng Diyos na “tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo” (1:10). Isa rin itong panawagan sa mga anak ng Diyos na isabuhay nila ang kahulugan ng dakilang panukalang ito sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Jesu-Cristo.
Sa unang bahagi ng sulat na ito, tinatalakay ng sumulat ang pagkakaisa. Tinatalakay niya rito ang paraan ng pagpili ng Diyos Ama sa kanyang bayan, ang kanyang pagpapatawad at pagpapalaya sa kanila mula sa kanilang kasalanan sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at kung papaanong pinatutunayan ng Espiritu Santo na matutupad ang dakilang pangako ng Diyos. Sa ikalawang bahagi nama'y nananawagan siya na gawin nilang makatotohanan sa kanilang buhay bilang isang lupon ng mga mananampalataya ang kanilang pakikipagkaisa kay Cristo.
Upang ipakita ang pagkakaisa ng mga anak ng Diyos kay Cristo, gumamit siya ng ilang paglalarawan. Sinasabi niya na ang iglesya ay katulad ng isang katawan na ang ulo ay si Cristo; isang gusali na ang batong panulukan ay si Cristo, at isang babae na ang asawa ay si Cristo. Naging makulay ang mga pangungusap ng apostol sa aklat na ito dahil nakita niya ang kagandahang-loob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ang kagandahang-loob na ito ay ipinapakita sa aklat na ito ayon sa pag-ibig, pagpapakasakit, pagpapatawad, kagandahang-loob at kalinisan ni Cristo.
Nilalaman
Panimula 1:1-2
Si Cristo at ang iglesya 1:3–3:21
Ang bagong buhay na nakaugnay kay Cristo 4:1–6:20
Pagwawakas 6:21-24
1
1 Mula kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos,
Para sa mga hinirang ng Diyos [na nasa Efeso] at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo.
4 Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo at upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos,
5 pinili niya tayo upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kanyang layunin at kalooban.
6 Sa gayon ay purihin ang kaluwalhatian ng kanyang kagandahang-loob na sagana niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!
7 Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo at pinatawad ang ating mga kasalanan. Ganoon kasagana ang kanyang kagandahang-loob
8 na ibinuhos niya sa atin. Ayon sa kanyang karunungan at kaalaman,
9 ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang layunin na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo
10 pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo.
11 Kami ay pinili ng Diyos mula pa sa simula na maging kanya sa pamamagitan ni Cristo, ayon sa kanyang plano. Ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban.
12 Kaming mga unang umasa sa kanya ay pinili niya at hinirang upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian.
13 Sa pamamagitan ni Cristo, kayo rin na nakarinig ng salita ng katotohanan, ng Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan, at sumampalataya sa kanya, ay pinagkalooban ng ipinangakong Espiritu Santo bilang tatak ng pagkahirang sa inyo.
14 Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin nang lubos ang lahat ng pangako ng Diyos sa atin, at sa gayon ay pupurihin ang kanyang kaluwalhatian.
Ang Panalangin ni Pablo
15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal,
16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo.
17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala.
18 Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal,
19 at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon
20 ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan.
21 Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating.
22 Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya,
23 na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay.