10
Nakipaghiwalay ang mga may Asawang Hindi Kalahi
1 Habang si Ezra ay nakadapang nananalangin sa harap ng Templo at tumatangis na ipinapahayag ang mga kasalanan ng bayan, pumalibot sa kanya ang napakaraming tao na buong kapaitan ding tumatangis.
2 Pagkatapos ay sinabi sa kanya ni Secanias na anak ni Jehiel, mula sa angkan ni Elam, “Nagtaksil kami sa ating Diyos dahil nag-asawa kami ng mga babaing dayuhan. Gayunma'y may pag-asa pa rin ang Israel sa kabila ng lahat ng ito.
3 Kaya't sumusumpa kami ngayon sa ating Diyos na palalayasin at hihiwalayan namin ang mga babaing ito pati na ang mga anak nila. Gagawin namin ang payo mo at ng iba pang mga pinuno na may paggalang sa utos ng ating Diyos. Tutuparin namin ang anumang itinatakda ng Kautusan.
4 Bumangon ka at gawin mo ito sapagkat ito'y pananagutan mo at kami'y nasa likuran mo.”
5 Tumayo nga si Ezra at pinanumpa niya ang mga pinakapunong pari at Levita, pati na ang buong Israel, na gagawin ng mga ito ang sinabi ni Secanias.
6 Pagkatapos ay umalis si Ezra sa harap ng Templo at pumunta sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pinalipas niya roon ang magdamag na nagdadalamhati dahil sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Hindi siya kumain ni uminom ng anuman.
7 Isang mensahe ang ipinahayag sa buong Juda at Jerusalem para sa lahat ng bumalik mula sa pagkabihag na kailangang dumalo sila sa isang pagpupulong sa Jerusalem.
8 Ayon sa utos ng mga pinuno, sasamsamin ang lahat ng ari-arian ng sinumang hindi dumalo sa loob ng tatlong araw. Bukod dito ay aalisan pa sila ng karapatang makabilang sa sambayanan ng mga bumalik mula sa pagkabihag.
9 Sa loob ng tatlong araw ang mga kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipon nga sa harapan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noo'y ika-20 araw ng ika-9 na buwan. Ang mga tao'y nanginginig dahil sa kahalagahan ng bagay na pinag-uusapan at dahil din sa napakalakas na ulan.
10 Tumayo ang paring si Ezra at sinabi sa kanila, “Nagtaksil kayo sa Diyos nang mag-asawa kayo ng mga babaing banyaga at dahil dito'y pinalaki ninyo ang pagkakasala ng Israel.
11 Kaya nga ipahayag ninyo ang inyong mga kasalanan kay Yahweh na Diyos ng inyong mga ninuno, at gawin ninyo ang kanyang kagustuhan. Humiwalay kayo sa mga tagarito; palayasin at hiwalayan din ninyo ang inyong mga asawang banyaga.”
12 Pasigaw na sumagot ang buong kapulungan, “Gagawin namin ang anumang sasabihin mo sa amin!
13 Ngunit masyadong marami ang mga tao at napakalakas ng ulan; hindi kami makakatagal sa labas. Hindi rin naman matatapos ang bagay na ito sa loob lamang ng isa o dalawang araw sapagkat napakarami naming gumawa ng kasalanang ito.
14 Ang mga pinuno na lamang namin ang pananatilihin mo rito para kumatawan sa buong bayan. Pagkatapos ay itakda ninyo ang pagparito ng lahat ng may asawang banyaga, kasama ang matatandang pinuno at mga hukom ng kani-kanilang lunsod. Sa ganitong paraan ay mawawala ang galit ng Diyos dahil sa bagay na ito.”
15 Walang sumalungat sa balak na ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazeias na anak ni Tikva. Sila nama'y sinuportahan nina Mesulam at Sabetai na isang Levita.
16 Sinang-ayunan nga ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang balak na iyon, kaya pumili ang paring si Ezra ng mga lalaki mula sa mga pinuno ng mga angkan at inilista ang kanilang mga pangalan. Nang unang araw ng ika-10 buwan, sinimulan nila ang kanilang pagsisiyasat,
17 at sa loob ng sumunod na tatlong buwan ay nasiyasat nila ang lahat ng kaso ng mga lalaking may mga asawang banyaga.
Ang mga Lalaking may mga Asawang Banyaga
18 Ito ang listahan ng mga lalaking may asawang banyaga:
Sa mga pari, mula sa angkan ni Josue at ng kanyang mga kapatid, ang mga anak ni Jehozadak na sina Maaseias, Eliezer, Jarib, at Gedalia.
19 Nangako silang palalayasin at hihiwalayan ang kani-kanilang mga asawa. Nag-alay din sila ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kasalanan.
20 Mula sa angkan ni Imer: sina Hanani at Zebadias.
21 Mula sa angkan ni Harim: sina Maaseias, Elias, Semaias, Jehiel, at Uzias.
22 Mula sa angkan ni Pashur: sina Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Jozabad, at Elasa.
23 Sa mga Levita: sina Jozabad, Simei, Petahias, Juda, Eliezer, at Kelaias, na kilala rin sa pangalang Kelita.
24 Sa mga mang-aawit: Si Eliasib.
Sa mga bantay sa pinto ng Templo: sina Sallum, Telem, at Uri.
25 Mula naman sa angkan ni Paros: sina Ramias, Izias, Malquijas, Mijamin, Eleazar, Malquijas, at Benaias.
26 Mula sa angkan ni Elam: sina Matanias, Zecarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elias.
27 Mula sa angkan ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza.
28 Mula sa angkan ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai.
29 Mula sa angkan ni Bani: sina Mesulam, Maluc, Adaias, Jasub, Seal, at Jeremot.
30 Mula sa angkan ni Pahat-moab: sina Adna, Helal, Benaias, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases.
31-32 Mula sa angkan ni Harim: sina Eliezer, Isijas, Malquijas, Semaias, Simeon, Benjamin, Maluc, at Semarias.
33 Mula sa angkan ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Simei.
34-37 Mula sa angkan ni Bani: sina Maadai, Amram, Uel, Benaias, Bedeias, Heluhi, Vanias, Meremot, Eliasib, Matanias, Matenai, at Jaasu.
38-42 Mula sa angkan ni Binui: sina Simei, Selemias, Natan, Adaias, Macnadebai, Sasai, Sarai, Azarel, Selemias, Semarias, Sallum, Amarias, at Jose.
43 Mula sa angkan ni Nebo: sina Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaias.
44 Ang lahat ng ito ay may mga asawang banyaga na hiniwalayan nila at pinaalis kasama ang kani-kanilang mga anak.