4
May Sumalungat sa Muling Pagtatayo ng Templo
Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na itinatayong muli ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kinausap+ nila si Zerubabel at ang mga pinuno ng mga angkan at sinabi sa kanila, “Tutulungan namin kayo sa pagtatayo ng Templo sapagkat sinasamba rin namin ang inyong Diyos gaya ng pagsamba ninyo sa kanya. Matagal na rin kaming nag-aalay ng handog sa kanya, simula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”
Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Josue at ng iba pang mga pinuno ng mga angkan, “Wala kayong karapatang tumulong sa amin para itayo ang Templo ng aming Diyos. Gaya ng ipinag-utos ni Haring Ciro ng Persia, kami lamang ang magtatayo nito para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Dahil dito, ginulo at tinakot ng mga dati nang naninirahan sa lupaing iyon ang mga Judio upang hindi makapagtrabaho ang mga ito. May sinuhulan din silang mga opisyal ng pamahalaan ng Persia upang kumilos laban sa mga Judio at sirain ang plano ng mga ito. Ginawa nila ito mula noong panahong si Ciro pa ang Emperador ng Persia hanggang sa panahon ng paghahari ni Dario.
Sinalungat ang Muling Pagtatatag ng Jerusalem
Sa+ simula ng paghahari ni Xerxes, ang mga kaaway ng mga Judiong naninirahan sa Juda at Jerusalem ay nagpalabas ng mga nakasulat na paratang laban sa kanila.
Noon namang naghahari si Artaxerxes ng Persia, lumiham dito sina Bislam, Mitredat, at Tabeel, kasama ang kanilang mga kapanalig. Sinulat ang liham sa wikang Aramaico kaya't kinailangang isalin sa pagbasa.
Sumulat din si Rehum na gobernador at si Simsai na kalihim ni Haring Artaxerxes tungkol sa kanilang pagtutol sa mga nangyayari sa Jerusalem.*
“Mula kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; mula sa kanilang mga kapanalig na hukom, pinuno, at sugo na galing sa Erec, Babilonia, at Susa sa lupain ng Elam; 10 kasama ng mga iba pang inilipat at pinatira ng dakila at makapangyarihang si Asurbanipal sa lunsod ng Samaria at sa mga lugar sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”
11 Ito ang nilalaman ng liham:
“Isang pagbati sa Kanyang Kamahalan, Haring Artaxerxes; buhat sa kanyang mga lingkod sa Kanluran-ng-Eufrates.
12 “Kamahalan, ipinapaabot po namin sa inyong kaalaman na ang mapaghimagsik at masamang lunsod ng Jerusalem ay muling itinatayo ng mga Judio na dumating mula sa mga bayang inyong nasasakupan, at ngayo'y naninirahan doon. Naisaayos na po nila ang mga pundasyon ng lunsod at kasalukuyan namang itinatayo ang mga pader. 13 Kamahalan, kung maitatayo pong muli ang lunsod at pati ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis ang mga tao roon at mababawasan na ang malilikom na salapi para sa kaharian. 14 Hindi po kami makakapayag na mangyari ito sapagkat kami po'y may pananagutan sa Inyong Kamahalan. Ipinababatid namin ito sa inyo 15 upang siyasatin ang talaan ng kasaysayan ng inyong mga ninuno. Matatagpuan po ninyo at mapapatunayan sa mga nakatalang kasaysayan na ang lunsod na ito ay mapaghimagsik at sakit-ng-ulo ng mga naunang hari at ng mga pinuno ng mga lalawigan. Noon pa ma'y mahirap nang pamahalaan ang mga tao sa lunsod na ito. Iyan po ang dahilan kaya ito'y winasak. 16 Ipinapaalam lamang po namin sa Inyong Kamahalan na kapag naitatag na ang lunsod at ang mga pader nito, tapos na rin po ang inyong pamamahala sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”
17 Ito naman ang sagot na ipinadala ng hari:
“Para kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; para sa kanilang mga kapanalig na naninirahan sa Samaria at sa mga lugar na nasa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates: Isang pagbati ang pinararating ko sa inyo.
18 “Ang liham na ipinadala ninyo ay isinalin sa aking wika at binasa sa harapan ko. 19 Kaya't ipinag-utos kong gawin ang isang pagsisiyasat, at napatunayan na noon pa mang unang panahon ay naghimagsik na ang mga taga-Jerusalem laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at pagsalungat nila sa pamahalaan ay naging karaniwang pangyayari na lamang doon. 20 Binabayaran nga ng buwis ang mga makapangyarihang hari sa Jerusalem na naghari noon sa buong lalawigang Kanluran-ng-Eufrates. 21 Dahil dito, ipag-utos ninyong ihinto na ng mga lalaking iyon ang muling pagtatayo ng lunsod hangga't wala pa akong ipinalalabas na utos tungkol dito. 22 Gawin ninyo agad ito bago pa sila lumikha ng pinsala sa aking kaharian.”
23 Pagkatapos mabasa nina Rehum, Simsai, at ng kanilang mga pinunong kapanalig ang liham ni Haring Artaxerxes, agad silang nagtungo sa Jerusalem at pilit na pinahinto ang mga Judio sa muling pagtatayo ng lunsod.
Ipinagpatuloy ang Gawain sa Templo
24 Napahinto+ nga ang pagtatayo ng Templo sa Jerusalem hanggang sa ika-2 taon ng paghahari ni Dario ng Persia.
+ 4:2 2 Ha. 17:24-41. + 4:6 Est. 1:1. * 4:8 Sa orihinal na wika, ang mga talatang ito ay nakasulat sa wikang Aramaico. + 4:24 Hag. 1:1; Zac. 1:1.