7
Dumating si Ezra sa Jerusalem
1-6 Makalipas ang ilang panahon, nang si Artaxerxes ang hari ng Persia, dumating mula sa Babilonia ang isang lalaking nagngangalang Ezra. Nagmula siya sa angkan ni Aaron dahil ang kanyang ama na si Seraias ay anak ni Azarias na anak ni Hilkias. Si Hilkias naman ay anak ni Sallum na anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub na anak ni Amarias na anak ni Azarias. Si Azarias naman ay anak ni Meraiot na anak ni Zerahias na anak naman ni Uzi. Si Uzi ang anak ni Buki na anak ni Abisua na anak naman ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar at apo ni Aaron na pinakapunong pari. Si Ezra ay isang eskriba na dalubhasa sa Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Si Ezra ay pinatnubayan ni Yahweh na kanyang Diyos kaya't lahat ng kahilingan niya'y ipinagkaloob sa kanya ng hari.
7 Noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaxerxes, umalis si Ezra sa Babilonia patungong Jerusalem, kasama ang isang pangkat ng mga Israelita na kinabibilangan ng mga pari at mga Levita, mga mang-aawit, mga bantay sa pinto at mga tagapaglingkod sa Templo.
8-9 Umalis sila sa Babilonia nang unang araw ng unang buwan, at sa patnubay ng kanyang Diyos ay dumating siya sa Jerusalem nang unang araw ng ikalimang buwan.
10 Buong sikap na pinag-aralan ni Ezra ang Kautusan ni Yahweh upang maisagawa niya ito at upang maituro niya sa bayang Israel ang mga batas at tuntunin nito.
Ang Dokumentong Ibinigay ni Artaxerxes kay Ezra
11 Ito ang nilalaman ng liham na ibinigay ni Haring Artaxerxes kay Ezra, ang pari at eskriba na dalubhasa sa Kautusang ibinigay ni Yahweh sa Israel:
12 “Buhat kay Haring Artaxerxes; para kay Ezra na pari at eskriba ng Kautusan ng Diyos ng kalangitan,
13 “Ngayo'y ipinag-uutos ko na sinuman sa mga Israelita, mga pari man o mga Levita sa aking kaharian, na gustong sumama sa iyo pabalik sa Jerusalem ay pahihintulutan.
14 Isinusugo kita, at ng aking pitong tagapayo, upang siyasatin ang mga nagaganap sa Jerusalem at Juda. Alamin mo kung sinusunod nilang mabuti ang Kautusan ng iyong Diyos na ipinagkatiwala sa iyo.
15 Dalhin mo ang mga ginto at pilak na ipinagkakaloob ko at ng aking mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang Templo ay nasa Jerusalem.
16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at gintong ipagkakaloob sa iyo mula sa buong lalawigan ng Babilonia, gayundin ang mga kusang-loob na handog na ibibigay ng mga Israelita at ng kanilang mga pari para sa Templo ng Diyos sa Jerusalem.
17 “Tiyakin mong ang salaping ito ay gagamitin mo sa pagbili ng mga toro, mga lalaking tupa, at mga kordero, pati ng mga handog na pagkaing butil at alak na panghandog. Ihandog mo ang mga ito sa altar ng Templo ng Diyos na nasa Jerusalem.
18 Ang matitirang ginto at pilak ay maaari mong gamitin, pati na ng iyong mga kababayan, sa anumang naisin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Diyos.
19 Dalhin mo rin sa Templo ng iyong Diyos sa Jerusalem ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para gamitin sa paglilingkod sa Templo.
20 Kung may iba ka pang kakailanganin para sa Templo, kumuha ka mula sa kabang-yaman ng hari.
21 “Ako, si Haring Artaxerxes, ay nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates na ipagkaloob agad ninyo kay Ezra, na pari at dalubhasa sa Kautusan ng Diyos ng kalangitan, ang anumang hingin niya sa inyo.
22 Maaari ninyo siyang bigyan ng hanggang 3,500 kilong pilak, 100 malalaking sisidlang puno ng trigo, 10 malalaking sisidlang puno ng alak, 10 malalaking sisidlang puno ng langis ng olibo, at gaano man karaming asin na kakailanganin.
23 Ibigay ninyo ang lahat ng kailangan sa templo na ipinag-uutos ng Diyos ng kalangitan. Kung hindi ay baka ibaling niya ang kanyang galit sa aking kaharian at sa aking mga anak.
24 Labag din sa batas na pagbayarin ng buwis ang mga pari, Levita, mang-aawit, bantay sa pinto, manggagawa o iba pang mga naglilingkod sa Templong ito ng Diyos.
25 “At ikaw naman, Ezra, gamitin mo ang karunungang ibinigay sa iyo ng iyong Diyos; maglagay ka ng mga tagapamahala at mga hukom na mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates. Ang ilalagay mo ay ang marurunong sa Kautusan ng Diyos. Sa hindi naman marurunong, ituro mo sa kanila ang Kautusan.
26 Ang lahat ng sumuway sa mga utos ng Diyos o sa mga utos ng hari ay paparusahan ng kamatayan, o pagkabihag, o pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o pagkabilanggo.”
Pinuri ni Ezra ang Diyos
27 Sinabi ni Ezra, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng ating mga ninuno! Inudyukan niya ang hari upang pagandahin ang Templo ni Yahweh na nasa Jerusalem.
28 Sa tulong ng Diyos, napapayag ko ang hari at ang kanyang mga tagapayo, pati ang lahat ng kanyang makapangyarihang pinuno. Lumakas ang aking loob sapagkat pinatnubayan ako ni Yahweh na aking Diyos upang tipunin at isama ang mga pangunahing lalaki ng Israel.”