8
Ang Ikalawang Salot: Ang Napakaraming Palaka
Pagkaraan noon, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 2-3 Kapag hindi ka pumayag, patuloy kong pahihirapan ang buong Egipto. Pupunuin ko ng palaka ang Ilog Nilo. Papasukin ng mga ito ang palasyo at aakyatin pati higaan mo. Papasukin din ng mga ito ang bahay ng mga tauhan mo at ng lahat ng Egipcio, ganoon din ang inyong mga lutuan at lalagyan ng pagkain. Ikaw, ang iyong mga tauhan, at ang buong bayan ay pahihirapan nito.”
Sinabi pa ni Yahweh, “Sabihin mo naman kay Aaron na itapat niya sa ilog ang kanyang tungkod, gayon din sa mga kanal at mga lawa upang mapunô ng palaka ang buong Egipto.” Ganoon nga ang ginawa ni Aaron. Umahon sa ilog ang mga palakang di mabilang sa dami at kumalat sa buong Egipto. Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan.
Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Hilingin ninyo kay Yahweh na alisin ang mga palakang ito at papayagan ko na kayong maghandog sa kanya.”
Sinabi ni Moises, “Karangalan kong malaman kung kailan ninyo nais na idalangin ko kayo kay Yahweh, pati ang inyong mga tauhan at nasasakupan. At mawawala na ang mga palaka, maliban ang mga nasa ilog.”
10 “Bukas kung ganoon,” sabi ng Faraon.
“Matutupad po ayon sa inyong sinabi para malaman ninyo na walang kapantay ang Diyos naming si Yahweh. 11 Mawawala ang mga palaka at ang matitira lamang ay ang nasa ilog.” 12 Lumakad na sina Moises at Aaron. At tulad ng pangako nila, idinalangin ni Moises na alisin ang mga palakang nagpapahirap sa Faraon. 13 Tinugon naman siya ni Yahweh; namatay lahat ang mga palaka sa mga bahay at mga bukid. 14 Ibinunton ng mga Egipcio ang mga patay na palaka at umaalingasaw ang baho nito sa buong Egipto. 15 Ngunit nagmatigas muli ang Faraon nang ito'y makahinga na naman nang maluwag. At tulad ng sinabi ni Yahweh, hindi pa rin siya nakinig kina Moises at Aaron.
Ang Ikatlong Salot: Ang mga Niknik
16 Inutusan ni Yahweh si Moises na sabihin kay Aaron na ihampas sa lupa ang tungkod upang maging niknik ang lahat ng alikabok sa buong Egipto. 17 Inihampas nga ni Aaron ang tungkod at ang lahat ng alikabok sa buong Egipto ay naging niknik na labis na nagpahirap sa mga tao't mga hayop. 18 Pinilit ng mga salamangkero na magpalitaw rin ng niknik sa pamamagitan ng lihim nilang karunungan ngunit hindi nila ito nagawa. At ang mga tao't hayop ay patuloy na pinahirapan ng mga niknik. 19 Dahil+ dito'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Diyos na ang may gawa nito.” Ngunit hindi rin natinag ang kalooban ng Faraon; hindi rin siya nakinig kina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh.
Ang Ikaapat na Salot: Ang mga Langaw
20 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umaga, hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa ilog at sabihin mong payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 21 Kapag hindi niya pinayagan, padadagsaan ko siya ng makapal na langaw, pati ang kanyang mga tauhan at mga kababayan. Mapupuno ng langaw ang mga bahay ng mga Egipcio, pati ang lupang kanilang lalakaran. 22 Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito. 23 Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kanyang bayan.” 24 Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito'y nasalanta ang buong bansa.
25 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa inyong Diyos, huwag lamang kayong lalabas ng Egipto.”
26 Sumagot si Moises, “Hindi po maaaring dito sa Egipto. Magagalit po sa amin ang mga Egipcio kapag nakita nila kaming naghahandog kay Yahweh sa paraang kasuklam-suklam sa kanila. Tiyak na babatuhin nila kami hanggang mamatay. 27 Ang kailangan po'y maglakbay kami ng tatlong araw at sa ilang kami maghahandog kay Yahweh tulad ng utos niya sa amin.”
28 Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong umalis, ngunit huwag kayong masyadong lalayo. At ipanalangin din ninyo ako.”
29 Sumagot si Moises, “Pag-alis ko po rito'y ipapanalangin ko kay Yahweh na alisin sa inyo ang mga langaw, gayon din sa inyong mga tauhan at nasasakupan. Ngunit huwag na ninyo kaming dadayain; huwag ninyo kaming hahadlangan sa paghahandog namin kay Yahweh.”
30 Umalis si Moises at nanalangin. 31 Tinugon naman siya ni Yahweh, at umalis nga ang mga langaw; walang natira ni isa man. 32 Ngunit nagmatigas pa rin ang Faraon; hindi niya pinayagang umalis ang mga Israelita.
+ 8:19 Lu. 11:20.