11
Ang Tore ng Babel
1 Sa simula'y iisa ang wika at magkakapareho ang mga salitang ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig.
2 Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan, nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan.
3 Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuin itong mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento.
4 Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig.”
5 Bumabâ si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao.
6 Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan.
7 Ang mabuti'y bumabâ tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.”
8 At ginawa ni Yahweh na ang mga tao ay magkawatak-watak sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lunsod.
9 Babel ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh.
Ang Lahi ni Shem
(1 Cro. 1:24-27)
10 Ito ang kasaysayan ng mga lahi na nagmula kay Shem. Dalawang taon makalipas ang baha, si Shem ay nagkaanak ng isang lalaki, si Arfaxad. Si Shem ay sandaang taóng gulang na noon.
11 Nabuhay pa siya nang 500 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
12 Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon na, nagkaanak siya ng isang lalaki, si Shela.
13 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
14 Tatlumpung taon na noon si Shela nang maging anak niya si Heber.
15 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
16 Sa gulang na tatlumpu't apat na taon, naging anak ni Heber si Peleg.
17 Nabuhay pa siya nang 430 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
18 Sa gulang na tatlumpung taon, naging anak ni Peleg si Reu.
19 Nabuhay pa siya nang 209 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
20 Si Reu naman ay tatlumpu't dalawang taon na nang maging anak niya si Serug.
21 Nabuhay pa siya nang 207 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
22 Si Serug ay tatlumpung taon nang maging anak niya si Nahor.
23 Nabuhay pa siya nang 200 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
24 Naging anak naman ni Nahor si Terah nang siya'y dalawampu't siyam na taon.
25 Nabuhay pa siya nang 119 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
Ang Lahi ni Terah
26 Pitumpung taon na si Terah nang magkaanak ng tatlong lalaki: sina Abram, Nahor at Haran.
27 Ito naman ang kasaysayan ng mga anak ni Terah na sina Abram, Nahor at si Haran na ama ni Lot.
28 Buháy pa si Terah nang mamatay si Haran sa kanyang sariling bayan ng Ur, sa Caldea.
29 Napangasawa ni Abram si Sarai at napangasawa naman ni Nahor si Milca na anak ni Haran na ama rin ni Isca.
30 Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya.
31 Umalis si Terah sa bayan ng Ur, Caldea, kasama ang kanyang anak na si Abram, ang asawa nitong si Sarai at si Lot na anak ni Haran. Papunta sila sa Canaan ngunit nang dumating sa Haran, doon na sila nanirahan.
32 Doon namatay si Terah sa gulang na 205 taon.