24
Nag-asawa si Isaac
1 Matandang-matanda na noon si Abraham, at pinagpapalang mabuti ni Yahweh.
2 Sinabi niya sa pinakamatanda niyang alipin na kanyang katiwala, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pagitan ng aking mga hita at manumpa ka.
3 Sumumpa ka sa akin sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng langit at ng lupa, na hindi ka rito sa Canaan pipili ng mapapangasawa ng aking anak na si Isaac.
4 Pumunta ka sa bayan kong tinubuan, at pumili ka sa aking mga kamag-anak doon ng mapapangasawa niya.”
5 “Kung ayaw pong sumama ng mapipili ko, maaari po bang si Isaac na ang papuntahin doon?” tanong ng alipin.
6 “Aba, hindi! Huwag mong papupuntahin doon si Isaac,” tugon ni Abraham.
7 “Nilisan ko ang tahanan ng aking ama at iniwan ang lupain ng aking mga kamag-anak sapagkat dito ako pinapunta ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan. Nangako siyang ibibigay ang lupaing ito sa aking lahi. Magsusugo siya ng kanyang anghel na mauuna sa iyo upang tulungan ka sa pagpili ng mapapangasawa ng aking anak.
8 Ngayon, kung ayaw sumama ng mapipili mo, wala ka nang pananagutan sa akin. Ngunit huwag mong papuntahin doon ang anak ko!”
9 Kaya't inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa pagitan ng hita ng panginoon niyang si Abraham, at nanumpang susundin ito.
10 Naghanda ang alipin ng sampung kamelyo ng kanyang panginoon. Matapos kargahan ng maraming panregalo, naglakbay siya patungong Mesopotamia, sa lunsod na tinitirhan ni Nahor.
11 Pagsapit sa labas ng lunsod, huminto siya at pinaluhod ang mga kamelyo sa tabi ng balon ng tubig na naroon. Sa gayong oras, tuwing magdarapit-hapon, dumarating ang mga babae para umigib.
12 Siya'y nanalangin nang ganito: “Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, maging matagumpay nawa ang aking lakad; tuparin po ninyo ang inyong pangako sa aking panginoong si Abraham.
13-14 Tatayo po ako rito sa tabi ng balon at hihintayin ang pagdating ng mga babae buhat sa lunsod, para umigib. Ako po'y makikiinom sa isa sa kanila. Kapag sinabi niyang, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo,’ iyon na sana ang babaing inihanda ninyo para sa inyong aliping si Isaac. Sa gayon malalaman kong tinupad na ninyo ang inyong pangako sa aking panginoon.”
15 Hindi pa natatapos ang kanyang panalangin, dumating si Rebeca na may pasan na banga ng tubig. Siya ay anak ni Bethuel at apo ni Milca na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham.
16 Siya'y dalaga pa at napakaganda. Lumusong siya sa kinaroroonan ng balon, pinuno ang kanyang banga, at umahon.
17 Sumalubong agad ang alipin at sinabi, “Maaari bang makiinom?”
18 “Aba, opo,” sagot ng babae. At inalalayan niya ang banga habang umiinom ang alipin.
19 Nang ito'y makainom na ay sinabi pa ng dalaga, “Paiinumin ko na rin po ang inyong mga kamelyo hanggang gusto nila.”
20 Isinalin niya sa painuman ang laman ng banga at pabalik-balik siyang sumalok hanggang sa mapainom ang lahat ng kamelyo.
21 Tahimik na pinagmasdan ng alipin ang dalaga at iniisip kung iyon na kaya ang sagot ni Yahweh sa kanyang panalangin.
22 Matapos makainom ang mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang mamahaling singsing at dalawang pulseras na pawang lantay na ginto, at ibinigay sa dalaga.
23 Pagkatapos, ito'y tinanong niya, “Sino ba ang iyong mga magulang? Maaari ba kaming makituloy sa inyo ngayong gabi?”
24 Sumagot ang babae, “Ako po'y anak ni Bethuel na anak nina Nahor at Milca.
25 Maluwag po sa amin at maraming pagkain para sa inyong mga hayop.”
26 Pagkarinig niyon, lumuhod ang alipin at sumamba kay Yahweh,
27 “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng panginoon kong si Abraham! Hindi siya sumira sa kanyang pangako. Pinatnubayan niya ako sa pagpunta sa bahay ng mga kamag-anak ng aking panginoon.”
28 Nagmamadaling umuwi ang dalaga at isinalaysay ang buong pangyayari sa tahanan ng kanyang ina.
29 Si Rebeca ay may kapatid na lalaki na ang pangalan ay Laban. Patakbo siyang pumunta sa balong kinaroroonan ng lalaki
30 nang marinig niya ang salaysay ng kanyang kapatid, at makita ang singsing at ang mga pulseras na suot nito. Nakita nga niya ang tao sa tabi ng balon, pati ang kanyang mga kamelyo.
31 Sinabi ni Laban, “Bakit nandiyan po kayo sa labas? Tayo na po sa amin, lalaking pinagpala ni Yahweh! Nakahanda na po ang pagpapahingahan ninyo at ang sisilungan ng inyong mga kamelyo.”
32 Sumama nga ang alipin. Pagdating sa bahay, ibinabâ ni Laban ang karga ng mga kamelyo at pinakain ang mga hayop. Ang alipin nama'y binigyan niya ng tubig upang maghugas ng paa pati ang mga kasama nito.
33 Binigyan siya ng pagkain, ngunit sinabi ng alipin, “Sasabihin ko muna ang aking pakay bago ako kumain.”
“Sige, sabihin ninyo,” sabi ni Laban.
34 Ganito ang salaysay niya: “Ako po'y alipin ni Abraham.
35 Pinagpala ni Yahweh ang aking panginoon. Pinarami ang kanyang mga kawan ng tupa, kambing at baka. Pinagkalooban rin siya ng maraming pilak at ginto, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at asno.
36 Ang asawa niyang si Sara ay nagkaanak pa kahit siya'y matanda na. Ang anak na ito ang tanging tagapagmana ng kanilang kayamanan.
37 Ako po'y pinanumpa ng panginoon kong si Abraham na hindi ako kukuha sa Canaan ng mapapangasawa ng anak niyang ito.
38 Dito po niya ako pinapunta sa mga kamag-anak ng kanyang mga magulang upang ihanap ng mapapangasawa ang kanyang anak.
39 Tinanong ko po siya ng ganito: ‘Kung ang babaing mapili ko ay hindi sumama sa akin, ano po naman ang aking gagawin?’
40 Ang sagot po niya'y sasamahan ako ng anghel ni Yahweh upang magtagumpay sa aking lakad. Dito raw sa angkan ng kanyang ama ako kumuha ng mapapangasawa ng kanyang anak. Iyan po ang utos sa akin.
41 Ang sabi pa niya sa akin, ‘Kung sundin mo ito, natupad mo na ang iyong tungkulin. Kung tanggihan ka naman ng aking mga kamag-anak, wala ka nang pananagutan sa akin.’
42 “Pagdating ko po sa may balon kanina, ako'y nanalangin nang ganito: ‘O Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, panagumpayin mo ang aking gagawin!
43 Tatayo po ako sa may tabi ng balong ito at kapag may dumating na dalaga upang umigib, ako'y makikiinom.
44 Kapag ako'y pinainom pati ang aking mga kamelyo, iyon na po sana ang pinili ninyo upang mapangasawa ng anak ng aking panginoon.’
45 Hindi pa natatapos ang aking panalangin, dumating nga si Rebeca na pasan ang isang banga. Lumusong siya sa bukal at sumalok ng tubig. Nakiusap po ako sa kanyang ako'y painumin.
46 At hindi lamang ako ang pinainom, pati po ang aking mga kamelyo.
47 Tinanong ko po siya, ‘Kanino kang anak?’ Ang sagot po'y, ‘Kay Bethuel na anak ng mag-asawang Nahor at Milca.’ Kaya't kinabitan ko siya ng hikaw sa ilong at sinuotan ng mga pulseras sa braso.
48 Pagkatapos, ako'y lumuhod at sumamba kay Yahweh, sa Diyos ng panginoon kong si Abraham, sapagkat pinatnubayan niya ako at inihatid sa tahanang ito. At dito ko nga natagpuan ang dalagang dapat mapangasawa ng kanyang anak.
49 Kaya hinihiling kong sabihin ninyo sa akin kung sang-ayon kayo sa hangad ng aking panginoon. Kung hindi naman, sabihin din ninyo at nang malaman ko naman kung ano ang aking gagawin.”
50 Sumagot ang mag-amang Bethuel at Laban, “Dahil ang bagay na ito'y mula kay Yahweh, wala na kaming masasabing anuman.
51 Isama mo si Rebeca pag-uwi mo upang mapangasawa ng anak ng iyong panginoon, ayon sa sinabi ni Yahweh.”
52 Pagkarinig nito, ang alipin ni Abraham ay muling nagpatirapa at nagpuri kay Yahweh.
53 At inilabas niya ang mga damit at mga hiyas na ginto't pilak para kay Rebeca. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid nitong si Laban at ang kanilang ina.
54 Pagkatapos, ang alipin at ang mga kasama nito ay kumain na at uminom, at doon na nga nagpalipas ng gabi. Kinabukasa'y nagpaalam na siya.
55 Ngunit hiniling ng ina at ng kapatid ni Rebeca na magpalipas muna ng isang linggo o sampung araw bago umalis.
56 Ngunit sinabi ng alipin, “Sapagkat pinagtagumpay ako ni Yahweh sa aking lakad, pahintulutan na po ninyo akong magbalik sa aking panginoon.”
57 “Kung gayon,” sabi nila, “tawagin natin si Rebeca at tanungin kung ano ang kanyang pasya.”
58 “Sasama ka na ba sa taong ito?” tanong nila.
“Opo,” tugon niya.
59 Kaya si Rebeca at ang kanyang yaya ay pinahintulutan nilang sumama sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito,
60 matapos basbasan nang ganito:
“Ikaw nawa, O Rebeca ay maging ina ng marami,
at sa lunsod ng kaaway, ang iyong lahi ang magwagi.”
61 Nang handa na ang lahat, si Rebeca at ang mga utusan niyang babae ay sumakay sa kamelyo, at umalis kasunod ng alipin ni Abraham.
62 Nang panahong iyon, si Isaac ay naninirahan sa lupain ng Negeb. Minsan, napadako siya sa ilang ng Beer-lahai-roi.
63 Nang magtatakipsilim, siya'y namasyal sa kaparangan at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo.
64 Natanaw ni Rebeca si Isaac kaya't bumabâ siya sa sinasakyang kamelyo,
65 lumapit sa aliping sumundo sa kanya at nagtanong, “Sino ang lalaking iyan na papalapit sa atin?”
“Siya po ang aking panginoon,” sagot nito. Kumuha ng belo si Rebeca at tinakpan ang kanyang mukha.
66 Isinalaysay ng alipin kay Isaac ang mga ginawa niya.
67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeca sa tolda ni Sara na kanyang ina at ito'y naging asawa niya. Minahal ni Isaac si Rebeca at siyang naging kaaliwan niya sa pagkamatay ng kanyang ina.