33
Nagkita sina Jacob at Esau
Natanaw ni Jacob na dumarating si Esau kasama ang apatnaraan niyang tauhan. Kaya't pinasama niya ang mga bata sa kani-kanilang ina. Nasa unahan ang dalawang asawang-lingkod at ang kanilang mga anak, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at sa hulihan si Raquel at ang anak nitong si Jose. Umuna si Jacob sa kanilang lahat at pitong ulit na yumukod hanggang sa makarating sa harapan ng kapatid. Siya'y patakbong sinalubong ni Esau, niyakap nang mahigpit at hinagkan. Nag-iyakan ang magkapatid. Nang makita ni Esau ang mga babae at mga bata, itinanong niya kung sino sila.
“Iyan ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos,” tugon ni Jacob. Nagsilapit ang mga asawang-lingkod na kasama ang mga bata at yumukod; sumunod si Lea at ang kasamang mga bata, at sa katapus-tapusa'y si Jose at si Raquel. Yumukod silang lahat at nagbigay-galang kay Esau.
“Ano naman ang mga kawan na nasalubong ko?” tanong ni Esau.
“Iyon ay mga pasalubong ko sa iyo,” sagot niya.
Ngunit sinabi ni Esau, “Sapat na ang kabuhayan ko. Sa iyo na lang iyan.”
10 Sinabi ni Jacob, “Hindi! Para sa iyo talaga ang mga iyan; tanggapin mo na kung talagang ako'y pinapatawad mo. Pagkakita ko sa mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang Diyos! 11 Kaya, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Naging mabuti sa akin ang Diyos; hindi ako kinapos sa anumang bagay.” At hindi niya tinigilan si Esau hanggang sa tanggapin nito ang kanyang kaloob.
12 “Sige, umalis na tayo, at ako na ang mauuna sa inyo,” sabi ni Esau.
13 Sinabi ni Jacob, “Ang mga bata'y mahina pa. Inaalaala ko rin ang mga tupa at bakang may bisiro. Kung tayo'y magmadali para makatipid ng isang araw, baka naman mamatay ang mga ito. 14 Mabuti pa, mauna ka na at kami'y susunod sa inyo. Sisikapin ko namang bilis-bilisan ang lakad hanggang kaya ng mga hayop at bata, at mag-aabot din tayo sa Seir.”
15 “Kung gayon, pasasamahan ko kayo sa ilang tauhan ko,” sabi ni Esau.
“Hindi na kailangan. Labis-labis na ang iyong kagandahang-loob sa akin,” sabi naman ni Jacob. 16 Nang araw na iyon ay umuna na si Esau papuntang Seir. 17 Pumunta naman si Jacob sa Sucot* at nagtayo roon ng kanyang toldang tirahan at kulungan ng mga hayop. Kaya, tinawag na Sucot ang lugar na iyon.
18 Mula sa Sucot, si Jacob ay tumawid sa Shekem at nagtayo ng kanyang tolda sa isang parang sa tapat ng lunsod. Nagbalik siya sa Canaan matapos manirahan nang matagal sa Mesopotamia. 19 Ang+ parang na pinagtayuan niya ng tolda ay binili niya sa tagapagmana ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang sandaang pirasong pilak. 20 Doon siya nagtayo ng altar at tinawag niyang El-Elohe-Israel, na ang kahulugan ay si El ang Diyos ng Israel.
* 33:17 SUCOT: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “mga toldang tirahan”. + 33:19 Jos. 24:32; Jn. 4:5.