40
Ipinaliwanag ni Jose ang mga Panaginip
Minsan, ang tagapangasiwa ng mga inumin ng Faraon at ang punong panadero ay parehong nagkasala sa kanilang panginoon na hari ng Egipto. Sa galit nito, sila'y ipinakulong sa bahay ng punong guwardiya ng piitang pinagdalhan kay Jose. Si Jose ang naatasan ng kapitan na tumingin at maglingkod sa dalawang bilanggo, kaya't matagal silang magkasama sa bilangguan.
Isang gabi, ang tagapangasiwa ng mga inumin at ang punong panadero ay parehong nanaginip. Kinaumagahan, nang dumalaw si Jose, napuna niyang nababalisa ang dalawa. Tinanong niya kung bakit, at sila nama'y nagpaliwanag. “Alam mo, pareho kaming nanaginip, ngunit wala ni isa mang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga iyon.”
“Ang Diyos lamang ang nakapagpapaunawa sa atin ng kahulugan ng mga panaginip,” sabi ni Jose. “Ano ba ang napanaginipan ninyo?”
Ang tagapangasiwa ng inumin ang unang nagsalaysay. Ang sabi nito, “Napanaginipan kong sa harapan ko'y may puno ng ubas 10 na may tatlong sanga. Pagsibol ng dahon nito, namulaklak na rin at kaagad nahinog ang mga bunga. 11 Hawak ko noon ang kopa ng Faraon, kaya't pinisa ko ang ubas at ibinigay sa Faraon.”
12 “Ito ang kahulugan ng panaginip mo,” sabi ni Jose. “Ang tatlong sanga ay tatlong araw. 13 Sa loob ng tatlong araw, ipapatawag ka ng Faraon at patatawarin. Ibabalik ka sa dati mong tungkulin. 14 Kaya, kapag naroon ka na, huwag mo naman akong kakalimutan. Banggitin mo naman ako sa Faraon at tulungan mo akong makalaya sa bilangguang ito. 15 Ang totoo'y kinuha lamang ako sa lupain ng mga Hebreo, at wala akong nalalamang dahilan upang mabilanggo rito.”
16 Pagkakita ng punong panadero na maganda ang kahulugan ng panaginip ng kanyang kasama, sinabi nito kay Jose, “Ako'y nanaginip din. May buhat daw akong tatlong basket sa aking ulo. 17 Sa basket na nasa ibabaw ay nakalagay ang iba't ibang pagkaing hinurno para sa Faraon, ngunit ang pagkaing iyo'y tinutuka ng mga ibon.”
18 Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: 19 sa loob ng tatlong araw ay ipapatawag ka rin ng Faraon at pupugutan ka. Pagkatapos, ibibitin sa kahoy ang iyong bangkay at hahayaang tukain ng mga ibon.”
20 Ang ikatlong araw ay kaarawan ng Faraon, at naghanda siya ng isang salu-salo para sa kanyang mga kagawad. Iniharap niya sa kanyang mga panauhin ang tagapangasiwa ng mga inumin at ang punong panadero. 21 Ibinalik niya sa tungkulin ang tagapangasiwa ng mga inumin, 22 ngunit ipinabitay ang punong panadero. Natupad nga ang sinabi ni Jose sa dalawa, 23 ngunit siya'y nakalimutan ng tagapangasiwa ng mga inumin.