45
Nagpakilala na si Jose
1 Hindi na mapigil ni Jose ang kanyang damdamin, kaya pinaalis niya ang kanyang mga tagapaglingkod na naroon. Nang sila na lamang ang naroon, ipinagtapat ni Jose sa kanyang mga kapatid kung sino siya.
2 Sa lakas ng kanyang iyak, narinig siya ng mga Egipcio, kaya't ang balita'y mabilis na nakarating sa palasyo.
3 “Ako si Jose!” ang pagtatapat niya sa kanyang mga kapatid. “Buháy pa bang talaga ang ating ama?” Nagulantang sila sa kanilang narinig at hindi nakasagot.
4 “Lumapit kayo,” sabi ni Jose. Lumapit nga sila, at nagpatuloy siya ng pagsasalita, “Ako nga si Jose, ang inyong kapatid na ipinagbili ninyo sa Egipto.
5 Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito upang iligtas ang maraming buhay.
6 Dalawang taon pa lamang ang taggutom, limang taon pa ang darating at walang aanihin sa mga bukirin.
7 Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi.
8 Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto.”
9 Sinabi pa ni Jose, “Bumalik kayo agad sa ating ama at ibalita ninyo na ako ang pinapamahala ng Diyos sa buong Egipto. Sabihin ninyong pumarito agad siya sa lalong madaling panahon.
10 Doon siya titira sa lupain ng Goshen para mapalapit sa akin. Ang lahat niyang mga anak, mga apo, mga tupa, kambing, baka at lahat ng inyong ari-arian ay kanyang dalhin.
11 Doo'y mapangangalagaan ko kayo. Limang taon pa ang taggutom, at hindi ko gustong makita ang sinuman sa inyo na naghihirap.
12 Kitang-kita ninyo ngayon, pati ikaw, Benjamin, na ako talaga si Jose.
13 Ibalita ninyo sa ating ama ang taglay kong kapangyarihan dito sa Egipto, at ikuwento ninyo ang lahat ng inyong nakita. Hihintayin ko siya sa lalong madaling panahon.”
14 Umiiyak niyang niyakap si Benjamin, at ito nama'y umiiyak ding yumakap kay Jose.
15 Patuloy siyang umiiyak habang isa-isang hinahagkan ang ibang kapatid.
16 Nakarating sa palasyo ang balita na ang mga kapatid ni Jose ay dumating. Ikinatuwa ito ng Faraon at ng kanyang mga kagawad.
17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Pakargahan mo ng pagkain ang mga hayop ng iyong mga kapatid, at pabalikin mo sila sa Canaan.
18 Sabihin mong dalhin dito ang inyong ama at ang buong sambahayan nila. Ibibigay ko sa kanila ang pinakamatabang lupain upang malasap nila ang masaganang pamumuhay rito.
19 Sabihin mo ring magdala sila ng mga karwahe para magamit ng kani-kanilang asawa at mga anak paglipat sa Egipto.
20 Huwag na nilang panghinayangang iwanan ang kanilang ari-arian doon, sapagkat ang pinakamabuting lupain dito ang ibibigay ko sa kanila.”
21 Sinunod ng mga anak ni Israel ang utos na ito. Binigyan sila ni Jose ng mga sasakyan, gaya ng utos ng Faraon, at pinadalhan din ng pagkain sa kanilang paglalakbay.
22 Ang bawat isa'y binigyan ng tig-iisang bihisan, maliban kay Benjamin. Lima ang kanyang bihisan at pinadalhan pa ng tatlong daang pirasong pilak.
23 Pinadalhan niya ang kanyang ama ng pinakamabuting produkto ng Egipto, karga ng sampung asno. Sampung asno rin ang may kargang trigo, tinapay at iba't ibang pagkain upang may baon ang kanilang ama sa paglalakbay.
24 Inutusan ni Jose na lumakad na ang kanyang mga kapatid ngunit bago umalis ay sinabi sa kanila, “Huwag na kayong magtatalu-talo sa daan.”
25 Umalis nga sila sa Egipto at umuwi sa Canaan.
26 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jacob, “Ama, buháy pa po si Jose! Siya ngayon ang namamahala sa buong Egipto!” Natigilan si Jacob, at halos hindi siya makapaniwala sa balitang ito.
27 Ngunit nang maisalaysay sa kanya ang bilin ni Jose at makita ang mga karwaheng ipinadala ni Jose, sumigla ang kanyang kalooban.
28 “Salamat sa Diyos!” sabi ni Jacob. “Buháy pa pala ang aking anak! Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”