Ang Unang Sulat ni Pablo sa
MGA TAGA-TESALONICA
Panimula
Ang lungsod ng Tesalonica ay kabisera ng Macedonia, na isang lalawigang sakop ng Roma. Si Pablo ay nagtatag doon ng isang iglesya pagkagaling niya sa Filipos. Di nagtagal at sinalungat siya ng ilang Judiong naiinggit sa kanyang tagumpay sa pangangaral sa mga Hentil. Dahil dito, napilitan siyang umalis doon at nagtuloy sa Berea. Di nagtagal, nang nasa Corinto na si Pablo, tumanggap siya ng ulat mula sa kanyang kasama at kamanggagawang si Timoteo tungkol sa kalagayan ng iglesya sa Tesalonica.
Ang liham na ito ay sinulat ni Pablo upang palakasin ang loob ng mga Cristiano sa Tesalonica at bigyan sila ng panibagong pag-asa. Nagpapasalamat sa Diyos si Pablo dahil nabalitaan niya ang kanilang pananampalataya at pag-ibig. Ipinagugunita niya sa kanila ang uri ng kanyang buhay noong siya'y kasama pa nila, saka niya sinagot ang mga katanungan tungkol sa pagbabalik ni Cristo. Ang isa bang mananampalatayang namatay bago bumalik si Cristo ay magtatamo rin ng buhay na walang hanggan? Kailan babalik si Cristo? Pinayuhan sila ni Pablo na patuloy na magsikap sa gawain habang hinihintay ang pagbabalik ni Cristo.
Nilalaman
Panimula 1:1
Pasasalamat at pagpupuri 1:2–3:13
Paalala tungkol sa asal Cristiano 4:1-12
Mga tagubilin tungkol sa pagparito ni Cristo 4:13–5:11
Mga panghuling payo 5:12-22
Pagwawakas 5:23-28
1
1 Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo—
Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo.
Kagandahang-loob at kapayapaan nawa ang sumainyo.
Ang Pamumuhay at Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica
2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin.
3 Inaalala namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawa dahil sa inyong pananampalataya, ang inyong pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
4 Mga kapatid, nalalaman namin na kayo'y pinili ng Diyos na nagmamahal sa inyo.
5 Sapagkat ang Magandang Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin alang-alang sa inyo.
6 Sinundan ninyo ang aming halimbawa at ang halimbawa ng Panginoon. Kahit dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, tinanggap ninyo ang salita ng Diyos nang may kagalakang mula sa Espiritu Santo.
7 Kaya't naging huwaran kayo ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya,
8 sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Ang inyong pananampalataya sa Diyos ay nabalita rin sa lahat ng dako, kaya't hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito.
9 Ang mga tagaroon na rin ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsasabi kung paano ninyo tinalikuran ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos,
10 at maghintay sa pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit. Ito'y si Jesus na muli niyang binuhay; na siya ring nagliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.