Ang Sulat sa
MGA HEBREO
Panimula
Ang Sulat sa Mga Hebreo ay para sa mga mananampalatayang dumaranas ng mahigpit na pag-uusig at nanganganib na tumalikod sa pananampalatayang Cristiano. Pinapalakas ng sumulat ang kanilang loob upang magpakatatag sa pananampalataya. Upang maisagawa ito, ipinakita niya na si Jesu-Cristo ang tunay at panghuling pahayag ng Diyos. Tatlong katotohanan ang binibigyang-diin dito: Una, si Jesus ang Anak ng Diyos na walang simula at walang katapusan. Siya ay lubos na sumunod sa Ama sa pamamagitan ng pagpapakasakit na kanyang tiniis. Ikalawa, bilang Anak ng Diyos, si Jesus ang paring walang hanggan na ipinahayag ng Diyos, at higit siya sa mga pari at mga propeta ng Lumang Tipan. Ikatlo, sa pamamagitan ni Jesus, ang mananampalataya ay naligtas na sa kasalanan, takot, at kamatayan. Bilang Pinakapunong Pari, si Jesus ay nagkakaloob ng tunay na kaligtasan na siyang layunin ng mga rituwal at paghahandog ng mga hayop sa dambana, ayon sa relihiyon ng mga Judio.
Sa pagbanggit sa mga halimbawa ng pananampalataya ng ilang taong kilala sa kasaysayan ng Israel (kabanatang 11), nanawagan ang sumulat sa kanyang mga mambabasa na manatiling tapat sa pananampalataya. Sa kabanatang 12, sila ay hinihikayat niyang ituon kay Jesus ang kanilang paningin at tiisin ang anumang hirap at pag-uusig na maaaring dumating sa kanila. Nagwawakas ang aklat na ito sa pamamagitan ng mga payo at babala.
Nilalaman
Panimula: Si Cristo ang lubos na kapahayagan ng Diyos 1:1-3
Si Cristo ay nakakahigit kaysa mga anghel 1:4–2:18
Si Cristo ay nakakahigit kina Moises at Josue 3:1–4:13
Nakakahigit ang pagkapari ni Cristo 4:14–7:28
Nakakahigit ang tipan ni Cristo 8:1–9:22
Nakakahigit ang paghahandog ni Cristo 9:23–10:39
Ang kahigitan ng pananampalataya 11:1–12:29
Pagbibigay-lugod sa Diyos 13:1-19
Pangwakas na panalangin 13:20-21
Mga panghuling payo at pagwawakas 13:22-25
1
Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak
1 Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta.
2 Ngunit sa mga huling araw na ito, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay.
3 Nakikita sa Anak ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng Makapangyarihan doon sa langit.
Mas Dakila ang Anak kaysa sa mga Anghel
4 Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila.
5 Sapagkat kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,
“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”
Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel,
“Ako'y magiging kanyang Ama,
at siya'y magiging aking Anak.”
6 At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Dapat siyang sambahin ng lahat ng mga
anghel ng Diyos.”
7 Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya,
“Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel,
at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.”
8 Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya,
“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailan pa man,
ikaw ay maghaharing may katarungan.
9 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang natatangi.”
10 Sinabi pa rin niya,
“Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang gumawa ng kalangitan.
11 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas,
12 at ililigpit mong gaya ng isang balabal,
at tulad ng damit, sila'y papalitan.
Ngunit mananatili ka at hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo.”
13 Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,
“Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”
14 Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan.