8
Si Jesus ang Ating Pinakapunong Pari
1 Ito ang ibig naming sabihin: mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan.
2 Siya'y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao.
3 Tungkulin ng bawat pinakapunong pari ang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya't kailangang ang ating Pinakapunong Pari ay mayroon ding ihahandog.
4 Kung siya ay nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan.
5 Ang paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.”
6 Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya'y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako.
7 Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan pa ng pangalawa.
8 Ngunit nakita ng Diyos ang pagkukulang ng kanyang bayan, kaya't sinabi niya,
“Darating ang mga araw, sabi ng Panginoon,
na gagawa ako ng bagong tipan sa bayang Israel at sa bayang Juda.
9 Hindi ito magiging katulad ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno,
nang ilabas ko sila sa Egipto.
Sapagkat hindi sila naging tapat sa pakikipagtipan sa akin,
kaya't sila'y aking pinabayaan.
10 Ganito ang gagawin kong tipan sa bayan ng Israel
pagdating ng panahon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang pag-iisip ang aking mga utos;
isusulat ko ito sa kanilang puso.
Ako ang kanilang magiging Diyos,
at sila ang aking magiging bayan.
11 Hindi na kailangang turuan ang isa't isa at sabihing,
‘Kilalanin mo ang Panginoon.’
Sapagkat ako'y makikilala nilang lahat,
mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.
12 Sapagkat patatawarin ko ang kanilang mga kasalanan,
at kalilimutan ko na ang kanilang mga kasamaan.”
13 Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong tipan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang nawawalan ng bisa at naluluma ay malapit nang mawala.