10
1 Mapapahamak kayo, mga gumagawa ng hindi makatarungang batas na umaapi sa mga tao,
2 upang pagkaitan ng katarungan ang mga nangangailangan,
upang alisan ng karapatan ang mahihirap,
at upang pagsamantalahan ang mga biyuda at ulila.
3 Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa,
pagdating ng pagkawasak na magmumula sa malayo?
Kanino kayo lalapit upang humingi ng tulong,
at kanino ninyo iiwanan ang inyong kayamanan,
4 upang hindi kayo mabilanggo, o mamatay sa labanan?
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nawawala ang kanyang poot;
patuloy niyang paparusahan ang kanyang bayan.
Ang Layunin ng Diyos at ang Hari ng Asiria
5 Ikaw Asiria ang gagamitin kong pamalo—
ang tungkod ng aking pagkapoot.
6 Isusugo ko siya laban sa isang bayang walang diyos,
isang bayang kinapopootan ko,
upang ito'y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman
at tapakang parang putik sa lansangan.
7 Ngunit hindi ganito ang binabalak ng hari ng Asiria,
wala nga ito sa isipan niya.
Ang layunin niya'y wasakin ang maraming bansa.
8 Ang sabi niya:
“Hindi ba't pawang hari ang aking mga pinuno?
9 Ano ang pagkakaiba ng Calno sa Carquemis?
Ng Hamat sa Arpad,
at ng Samaria sa Damasco?
10 Kung paanong pinarusahan ko ang mga kahariang sumasamba sa mga diyus-diyosan;
na higit na marami ang mga larawang inanyuan kaysa naroon sa Jerusalem at Samaria,
11 hindi ko rin ba gagawin sa Jerusalem at sa mga diyus-diyosan nito,
ang ginawa ko sa Samaria at sa mga imahen nito?”
12 Ngunit kapag natapos na ni Yahweh ang kanyang layunin sa Bundok Zion at sa Jerusalem, paparusahan niya ang hari ng Asiria dahil sa kanyang kayabangan, kataasan at kapalaluan.
13 Sapagkat ang sabi niya:
“Nagawa ko iyan dahil sa taglay kong lakas at karunungan,
inalis ko ang hangganan ng mga bansa,
at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan;
ibinagsak ko sa lupa ang mga nakaupo sa trono.
14 Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang nasa isang pugad.
Tinipon ko ang buong lupa
tulad ng pagtipon sa mga itlog na iniwanan,
wala man lamang pakpak na nagbalak lumipad,
walang bibig na bumubuka o huning narinig.”
15 Mas magaling pa ba ang palakol kaysa taong may hawak nito?
Mas mahalaga ba ang lagari kaysa taong gumagamit nito?
Ang tungkod pa ba ang bubuhat sa may hawak nito?
16 Kaya nga padadalhan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
ng mapaminsalang sakit ang magigiting niyang mandirigma,
at sa ilalim ng kanilang mga kasuotan, mag-aapoy sa init ang kanilang katawan,
parang sigang maglalagablab nang walang katapusan.
17 Ang ilaw ng Israel ay magiging apoy,
ang Banal na Diyos ay magniningas,
at susunugin niya sa loob ng isang araw
maging ang mga tinik at dawag.
18 Wawasakin niya ang kanyang mga gubat at bukirin,
kung paanong winasak ng sakit ang katawan at kaluluwa ng tao.
19 Ilan lamang ang matitirang punongkahoy sa gubat,
ang mga ito'y mabibilang kahit ng isang batang musmos.
Ang Pagbabalik ng mga Natirang Sambahayan ng Israel
20 Sa araw na iyon ang matitira sa bansang Israel at Juda ay hindi na aasa sa mga nagpahirap sa kanila. Kay Yahweh lamang, sa Banal na Diyos ng Israel, sila mananalig nang buong katapatan.
21 Ang mga natira sa sambahayan ni Jacob ay magbabalik sa Diyos na Makapangyarihan,
22 sapagkat kung sindami man ng buhangin sa dagat ang mga Israelita, ilan lamang ang makakabalik. Nakatakda na ang pagwasak sa iyo ayon sa nararapat.
23 Sa takdang panahon, ang buong bansa ay wawakasan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.
24 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon: “O bayan kong naninirahan sa Zion, huwag kang matakot sa mga taga-Asiria kung ikaw ma'y hampasin nila o pahirapan tulad ng ginawa sa iyo ng mga taga-Egipto.
25 Sapagkat hindi magtatagal at lilipas na ang galit ko sa iyo, at sa kanila ko ibabaling ang aking poot.
26 At hahagupitin ko sila tulad ng puksain ko ang mga Midianita sa Bato ng Oreb. Itataas ko ang aking tungkod sa ibabaw ng dagat tulad ng ginawa ko sa mga taga-Egipto.
27 Sa araw na iyon aalisin sa iyong balikat ang pahirap na ginagawa ng Asiria at wawasakin na ang pamatok sa iyong leeg.”
Sumalakay siya buhat sa Rimon.
28 At nakarating na sa Aiat,
lumampas na siya sa Migron
at iniwan sa Micmas ang kanyang dala-dalahan.
29 Nakatawid na sila sa tawiran,
at sa Geba magpapalipas ng gabi.
Nanginginig ang mga taga-Rama
at tumakas na ang mga taga-Gibea na kababayan ni Saul.
30 Sumigaw kayo ng malakas, mga taga-Galim!
Makinig kayo, mga taga-Laisa;
sumagot kayo, taga-Anatot!
31 Tumatakas na ang Madmena,
nag-alisan na ang mga taga-Gebim para sa kanilang kaligtasan.
32 Sa araw na ito darating sa Nob ang kaaway,
ibinigay na niya ang hudyat
na salakayin ang Bundok ng Zion,
ang Burol ng Jerusalem.
33 Masdan ninyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon!
Sa pamamagitan ng nakakapangilabot na lakas,
ibubuwal niya ang pinakamatataas na puno.
Ibinabagsak niya ang mga palalo.
34 Ibinubuwal niya ang mga punongkahoy sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol,
bagsak na ang Lebanon at ang matatayog nitong punongkahoy.