18
Paparusahan ng Diyos ang Etiopia
1 Pumapagaspas ang pakpak ng mga kulisap
sa isang lupain sa ibayo ng mga ilog ng Etiopia,
2 mula roo'y may dumating na mga sugo
sakay ng mga bangkang yari sa tambo,
at sumusunod sa agos ng Ilog Nilo.
Bumalik na kayo, mabibilis na tagapagbalita,
sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog,
sa inyong bayan na ang tao'y matatangkad at makikinis ang balat,
bayang kinagugulatan ng lahat, makapangyarihan at mapanakop.
3 Makinig kayong lahat na mga naninirahan sa daigdig!
Abangan ninyo ang pagtataas ng watawat sa ibabaw ng bundok,
hintayin ninyo ang tunog ng trumpeta!
4 Sapagkat ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:
“Buhat sa aking kinaroroonan, tahimik akong nagmamasid,
parang sinag ng araw kung maaliwalas ang langit,
parang ulap na may dalang hamog sa tag-araw.
5 Sapagkat bago dumating ang anihan kapag tapos na ang pamumulaklak
at kapag nahinog na ang mga ubas,
ang mga sanga ay puputulin ng matatalas na karit
saka itatapon.
6 Ibibigay sila sa ibong mandaragit
at sa mababangis na hayop.
Kakainin sila ng mga ibon sa tag-araw
at ng mga hayop sa taglamig.”
7 Sa panahong iyon, dadalhin kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang mga handog na galing sa lupaing ito, sa lupaing hinahati ng mga ilog.
Magpapadala ng kanilang handog ang malakas na bansa,
ang mga taong matatangkad at makikinis ang balat, na kinatatakutan sa buong daigdig.
Pupunta sila sa Bundok ng Zion,
sa lugar na nakalaan sa pagsamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.