58
Ang Tunay na Pagsamba
1 Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas;
itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta.
Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila'y ihayag.
2 Sinasangguni nila ako sa araw-araw,
tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay.
Kung kumilos sila ay parang matuwid,
at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos.
Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya;
nais nila'y maging malapit sa Diyos.”
3 Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin?
Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma'y magpakumbaba?”
Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno,
at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa.
4 Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan,
kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban.
Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon,
kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin.
5 Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran?
Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbaba ang mga tao?
Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin,
o mahiga kayo sa sako at abo?
Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan,
isang araw na nakalulugod kay Yahweh?
6 “Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo:
Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo;
kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin.
Palayain ninyo ang mga inaapi,
at baliin ang mga pamatok ng mga alipin.
7 Ang mga nagugutom ay inyong pakainin,
ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin.
Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit.
At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.
8 Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway,
hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan.
Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa,
at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh.
9 Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin;
kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’
“Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi,
maling pagbibintang at pagsisinungaling;
10 kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin,
at tutulungan ang mahihirap,
sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman,
at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
11 Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh
at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto.
Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto.
At magiging tulad kayo ng isang hardin,
na binubukalan ng masaganang tubig,
o isang batis na hindi natutuyo.
12 Muli ninyong itatayo ang kutang gumuho,
at itatatag ito sa dating pundasyon.
Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng mga nawasak na pader,
mga tagapagtatag ng bagong pamayanan.”
13 Sinabi pa ni Yahweh, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga,
huwag kayong gagawa para sa pansariling kapakanan sa araw na banal.
Sa araw na ito'y mamamahinga kayo at huwag maglalakbay,
o gagawa o mag-uusap ng tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan.
14 At kung magkagayon, madarama ninyo ang kagalakan ng paglilingkod sa akin.
Bibigyan ko kayo ng karangalan sa harap ng buong daigdig;
at tatamasahin ninyo ang kaligayahan habang naninirahan sa lupaing ibinigay ko sa ninuno ninyong si Jacob.
Mangyayari ito sapagkat akong si Yahweh ang nagsabi nito.”