62
1 Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem.
Hindi ako tatahimik hanggang hindi niya nakakamit ang kaligtasan;
hanggang sa makita ang kanyang tagumpay na parang sulong nagliliyab.
2 Makikita ng mga bansa ang pagpapawalang-sala sa iyo,
at ng lahat ng hari ang iyong kaningningan.
Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan,
na si Yahweh mismo ang magkakaloob.
3 Ikaw ay magiging magandang korona sa kamay ni Yahweh, isang maharlikang putong na hawak ng Diyos.
4 Hindi ka na tatawaging ‘Pinabayaan,’
at ang lupain mo'y hindi na rin tatawaging ‘Asawang Iniwanan.’
Ang itatawag na sa iyo'y ‘Kinalulugdan ng Diyos,’
at ang lupain mo'y tatawaging ‘Maligayang Asawa,’
sapagkat si Yahweh ay nalulugod sa iyo,
at ikaw ay magiging parang asawa sa iyong lupain.
5 Tulad ng isang binatang ikinakasal sa isang birhen,
ikaw ay pakakasalan ng sa iyo ay lumikha,
kung paanong nagagalak ang binata sa kanyang kasintahan,
ganoon din ang kagalakan ng Diyos sa iyo.
6 Naglagay ako ng mga bantay sa mga pader mo, Jerusalem;
hindi sila tatahimik araw at gabi.
Ipapaalala nila kay Yahweh ang kanyang pangako,
upang hindi niya ito makalimutan.
7 Huwag ninyo siyang pagpapahingahin
hanggang hindi niya naitatatag muli itong Jerusalem;
isang lunsod na pinupuri ng buong mundo.
8 Sumumpa si Yahweh at gagawin niya iyon
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan:
“Hindi na ibibigay ang inyong ani upang kainin ng mga kaaway;
hindi rin makakainom ang mga dayuhan, sa alak na inyong pinaghirapan.
9 Kayong nagpagod at nagpakahirap, nagtanim, nag-ani,
ang siyang makikinabang at magpupuri kay Yahweh;
kayong nag-alaga at nagpakahirap sa mga ubasan,
kayo ang iinom ng alak sa mga bulwagan ng aking Templo.”
10 Pumasok kayo at dumaan sa mga pintuan!
Gumawa kayo ng daan para sa ating kababayang nagsisibalik!
Maghanda kayo ng malawak na lansangan! Alisan ninyo ito ng mga bato!
Maglagay kayo ng mga tanda upang malaman ng mga bansa,
11 na si Yahweh ay nagpapahayag sa buong lupa:
Sabihin mo sa mga taga-Zion,
“Narito, dumarating na ang inyong Tagapagligtas;
dala niya ang gantimpala sa mga hinirang.”
12 Sila'y tatawagin ng mga tao na ‘Bayang Banal, na Tinubos ni Yahweh.’
Tatawagin silang ‘Lunsod na Minamahal ng Diyos,’
‘Lunsod na hindi Pinabayaan ng Diyos.’